CHIZ: ISALI SA UNIVERSAL HEALTH CARE ANG MENTAL HEALTH WELLNESS

 

Itinutulak ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pagpapalawak ng programang Universal Health Care (UHC) sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mental health kasabay ng pagbibigay-lunas sa mga kondisyon at isyung may kinalaman sa mental health.

Sa kanyang online conversation noong Linggo kasama ang mga blogger na taga-Mindanao, inihayag ni Escudero ang pangangailangan para sa pagsusulong ng “mental health and wellness” na tunay na suportado ng pamahalaan dahil nakababahala na ang pagdami ng mga kasong may kaugnayan sa mental health, lalo nitong pandemya kung saan patuloy ang pagpapatupad ng iba’t ibang quarantine restriction.

Ayon sa dating senador, kailangan nang umaksiyon ng bansa sa lalong madaling panahon upang masigurong napapangalagaan ang kalusugang pangkaisipan ng mga Pilipino.

“The Philippines has a long way to go… In fact, the National Center for Mental Health (NCMH) is just known as ‘lalagyanan ng mga baliw.’ It only treats pero wala siyang facility talaga that promotes mental health, which is needed,” ani Escudero.

“So, the first thing to be done actually is to convert the culture of the center for mental health that is limited to the treatment of illness into a center that promotes mental health,” dagdag niya.

Ibinahagi ni Escudero sa mga blogger na kung palarin siyang makabalik ng Senado, aktibo niyang ikakampanya ang adbokasiya, lalo’t nakita niya mismo kung papaano pinaglabanan ng kanyang celebrity wife na si Heart Evangelista ang ilang mental health issue dalawang taon na ang nakalilipas.

Sinabi ng two-time senator na proud siya sa kanyang asawa

dahil sa pagiging bukas nito sa publiko sa naging karanasan para magbigay-inspirasyon sa mga tao na malunasan ang kanilang karamdaman.

Sinamahan kinalaunan ni Evangelista, na may 8.5 million followers sa Instagram pa lamang, ang kanyang mister sa pagsagot ng mga katanungan mula sa mga blogger.

“Well, I sort of advocate it because I suffered a lot from depression and anxiety,” ani Evangalista. “So I really try to open the conversation with a lot of people and I think that’s very important to help raise awareness on the issue. It helps that people won’t be ashamed to talk about it because it’s really important to talk about it.”

Sa bahagi niya, sinabi ni Escudero na tutulong siya sa mga kinakailangang gawin para umayos ang sistema. “This includes a change in the orientation of ‘help’ to include psychological treatment kasi hindi siya kasama sa PhilHealth,” aniya.

Kanyang inihayag din na maaaring gampanan ng UHC telemed service na Konsultasyong Sulit at Tama o KONSULTA ang pagbibigay ng libreng konsultasyon ukol sa mga isyung may kinalaman sa mental health.

“So maraming mga hakbang na kailangan gawin, pero ang unang hakbang, sabi nga ni Heart, dapat hindi mahiyang pag-usapan; dapat tanggapin ang katotohanan,” pagtatapos niya.