CHIZ: ITATAYO SA SORSOGON ANG KAUNA-UNAHANG OXYGEN PLANT NG GOBYERNO

 

Maitatayo na sa Sorsogon ang kauna-unahang planta ng oxygen na pag-aari ng gobyerno, ito ang inanunsiyo ni Governor Chiz Escudero ngayong araw makaraang aprubahan ng Land Bank of the Philippines (Landbank) ang Php94.5 milyon na inuutang ng probinsiya para mapondohan ang pagpapagawa nito.

Aniya, makatutulong nang malaki ang oxygen plant sa health care system ng probinsiya at sa laban ng Sorsogon kontra pandemya.

“I thank the Landbank for the expeditious approval of our loans. Finally, we can now start the construction of our oxygen plant, the first government-owned facility of such in the country,” pagbibigay-diin ni Escudero.

“Malaking bagay ito para mapangalagaan ang kalusugan at mailigtas sa kamatayan ang ating mga kababayan,” dagdag niya.

Sinabi ng dating senador na bukod sa hindi na kukulangin ng suplay ng medical oxygen ang siyam na pampublikong ospital sa Sorsogon, mapapakinabangan din ang proyekto ng ibang probinsiya sa Bicol Region.

Tina-target na makokompleto ang oxygen plant sa unang parte ng 2022 bilang bahagi na rin ng pagtugon ng lokal na pamahalaan sa lumalalang krisis pangkalusugan at sa patuloy na pagdami ng mga pasyenteng nangangailangan ng oxygen, lalo’t patuloy na tumataas ang numero ng impeksiyon.

“Landbank remains committed to serving the nation at the frontlines of our battle against the pandemic. Alongside our LGU partners, we stand ready to service growth and recovery requirements, which include boosting local healthcare services and providing support to medical frontliners and their constituents,” ani Landbank President and CEO Cecilia Borromeo sa isang pahayag.

Kapag naitayo na ang planta, magiging Php157 na lang ang presyo ng refill kada oxygen tank mula sa kasulukuyang presyo na Php490 dahil magkakaroon na ang probinsiya ng karagdagang suplay at hindi na aasa na lang sa nag-iisang supplier sa Camarines Sur, ayon sa banko.

Mahigit 800,000 residente ng Sorsogon at pati na rin ang mga nakatira sa mga kalapit na probinsiya ang inaasahang makikinabang sa proyekto, dagdag nito.