Dapat tugunan agad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang problema sa patuloy na pagdami ng mga insidente ng online fraud na nakakaapekto sa mga banko sa Pilipinas, ayon kay senatorial aspirant at kasalukuyang Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero.
Ayon kay Escudero, na naging chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, kailangang gumawa ng BSP ng mga polisiya na titiyak na magkakaroon ng angkop na imprastruktura ang lahat ng klase ng banko – kabilang ang digital banks – upang maprotektahan ng mga ito ang kanilang mga kliyente.
“Obligasyon ng mga banko na protektahan ang mga impormasyon at pera ng kanilang clients. Bilang institution, dapat may public trust. Pero itong pag-breach sa security systems ng mga banko, na paulit-ulit nang nangyayari nitong mga nakalipas na taon, ay nagpapakita lang na may kailangang gawin agad upang maisaayos ang digital infrastructure,” ani Escudero.
“Kung gusto natin ng financial inclusion sa digital banking at digital payments, dapat na gumawa ng mga polisiya ang BSP para masolusyunan ang kahinaang ito sa ating banking systems. Papaano natin mahihimok ang mga tao na mag-online banking at mag-digital payments kung hindi naman sila confident sa kakayanan ng mga banko na mapoprotektahan sila?” aniya.
Nitong kamakailan lamang, halos 700 depositors ng BDO Unibank Inc. ang nawalan ng pera dahil sa pag-hacked ng isang “Mark Nagoyo” sa web service nito na inamin naman ng BDO na karapat-dapat nang i-phase out habang nakaranas din ng mga kaparehong insidente ang iba’t ibang banko – tulad ng Metrobank, Bank of the Philippine Islands, Security Bank, at Land Bank of the Philippines – sa mga nakalipas na taon.
Aniya, may mandato sa batas ang BSP na lumikha ng mga pamantayan at panuntunan pagdating sa operasyon ng mga banko kung ano sa tingin nito ang mga nararapat na gawin.