Mariing kinondena ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang nangyayaring pagkalakal sa mga Filipino domestic worker na parang produkto sa Middle East gamit ang Facebook at Instagram kasabay ng kanyang panagawan sa mga nasabing social media company na alisin agad ang mga naturang “maid-selling” accounts.
Ginawa ni Escudero ang kanyang pahayag matapos magsalita sa Associated Press (AP) ang mga Filipino helper na “ibinenta” sila ng kanilang employer sa ibang employer sa pamamagitan ng Instagram o Facebook.
“Nakakakilabot, nakakapanglumo, at nakaka-high blood ang kwento ng mga kababayan nating domestic helpers na dumaan sa mga maid-selling sites,” ani Escudero patungkol sa artikulo ng AP kung saan may mga testimonya ang ilang Filipino domestic worker.
“Hindi po produkto ang ating mga kababayan na mabibili sa Facebook Marketplace kasabay ng mga basahan. Hindi rin po sila produkto sa mga online barter kung saan puwede silang pagpasapasahan,” ani Escudero na dating pinamunuan ang Senate Committee on Justice and Human Rights.
Sa parehong artikulo, iniulat ng AP na kapag nag-type ng salitang Arabic na “khadima” (maids sa English), lalabas na ang mga account na naglalaman ng mga litrato ng mga African at South Asian katabi ang kanilang edad at kung magkano ang kanilang presyo.
“Noong panahon ng slavery, ang mga sinasabing alipin ay pinapahanay at pinipili ng mga magiging master nila. Parang ganoon din po ang nangyayari ngayon. Kapag nag-quick search po sa Facebook ang isang pamilyang nangangailangan ng isang kasambahay, lalabas po doon ang kanyang picture kasama ang kanyang edad at ang presyo ng kanyang pagkatao,” pagbibigay-diin ng dating senador.
Hinimok ni Escudero ang gobyerno na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon tungkol sa ibinunyag ng AP at iprotesta ang kasuklam-suklam na kalakaran sa dalawang social media platform.
“Sa kagustuhan nilang kumita para sa kanilang pamilya dahil kulang o salat ang trabaho at oportunidad sa sariling bansa, nagiging subject sila ng iba’t ibang klase ng pang-aabuso. Sa kabila ng kanilang pagtitiis at pagkawalay sa kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng pandemya, ganito pa ang nangyayari sa kanila. Sana’y tugunan at saklolohan agad sila ng ating gobyerno,” aniya.