CHIZ: MGA PROYEKTO SA 150 BARANGAY SA SORSOGON, SAPUL SA NTF-ELCAC BUDGET CUT

 

Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na di-bababa sa 150 barangay sa probinsiya ang maaapektuhan ng malaking kaltas sa 2022 budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELAC).

Sa isang online interview, binigyang-diin ng dating senador na napakinabangan ng 16 barangay sa Sorsogon ngayong taon ang Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ELCAC kung saan naipatupad ang mahigit 157 proyekto tulad ng road networks, daycare centers, electrification, at potable water system.

“Labing-anim na barangay ang nabigyan ng benepisyo ng NTF-ELCAC sa kanilang Barangay Development Program. Sa kabuuan, ang natanggap ng mga barangay na ito ay kulang-kulang Php400-M na bottom-up budgeting ang ginamit. Ibig sabihin hindi ako namili ng projects. Ang namili ng mga proyekto ay ang mga barangay residents mismo at pinapatupad na siya ngayon,” aniya.

Mula sa ipinapanukalang Php24-B, ginawang Php4-Bna lang ng Senate Committee on Finance ang pondo ng anti-insurgency task force para sa susunod na taon.

Sa kanyang pagbatikos sa nangyaring budget cut, sinabi ni Escudero na labis na nakakapanghinayang kung maaapektuhan ang pondo para sa BDP, lalo’t isinama ng NTF-ELCAC ang 150 Sorsogon barangay sa mga proyekto nito para sa 2022.

“Ang Sorsogon ay binubuo ng 541 barangays. ‘Yung unang nakabenepisyo sa BRP ay 16 lamang na barangay. Ayon sa NTF-ELCAC, ‘yung kanilang BDP sana next year, ay may sa 150 ‘yung kanilang pinanukala na magbenepisyo na more or less ay Php20-M per barangay sa 2022,” pagbibigay-diin ng beteranong mambabatas.

“So, kaya ko lang sabihin sa amin sa Sorsogon, maganda ang programa ng barangay development program at malaki ang tulong talaga sa mga barangay. Next year, kung hindi tinapyasan ang pondo, ang benepisyaryo sana sa lalawigan ng Sorsogon ay 150 barangays. ‘Pag tinapyas ‘yan, tatapyasin din yung bilang ng mga barangay na magbebenepisyo,” dagdag niya.