Nanawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tingnang maigi kung nararapat ba ang pag-alis sa mga di-modernisado o tradisyonal na dyip pagsapit nang Abril ng kasalukuyang taon dahil makadaragdag lamang ito sa marami nang pasanin ng mga Pilipino ngayong pandemya.
Ang deadline sa Abril, na inanunsiyo ng isang opisyal ng LTFRB sa Central Visayas, ay hindi lamang makadaragdag sa kawalan ng trabaho kundi magiging sanhi rin ng kakulangan ng mga pampublikong transportasyon sa maraming rehiyon, aniya.
“Sino ba naman ang ayaw sa modernisado at maayos na pampublikong sasakyan? Ang isyu dito ay ang paraan ng pagpapatupad dahil hindi nila binigyan ng sapat na oras, sapat na kakayahan ang mga jeepney drivers at gayun din ang mga may-ari ng jeep na bayaran iyan. Napakamahal nu’ng modernized jeep,” ani Escudero na kumakandidato para sa Senado.
“At kapag pinilit nilang ‘wag payagan mamasada ‘yung mga lumang jeep, magkukulang naman ang sasakyan kapag muling bumukas na ang ekonomiya natin. Magkukulang ang transportasyon para sa marami nating mga kababayan at manggagawa na kailangan nang pumasok sa kani-kanilang lugar na pinagtatrabahuhan o kapag muli nang nagbukas ang mga paaralan para sa face-to-face classes,” dagdag niya.
Ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na ipinasa noong 2017 ay isang programa ng administrasyon na naglalayong gawing moderno at makakalikasan ang sektor ng transportasyon kung saan saan hindi na papayagang makapamasada ang mga dyip na lampas 15 taon na ang kalumaan. Tanging mga dyip na may mga makinang compliant sa Euro-4, LPG-powered, electronic o hybrid ang mabibigyan ng prangkisa.
Ayon sa Department of Transportation, tumaas ang presyo ng isang modernized vehicle mula Php1.6 milyon ay naging Php2.4 milyon na ito kung kaya ginawa nang Php160,000 mula Php80,000 kada isa ang subsidy ng gobyerno sa mga PUV operator sa ilalim ng PUVMP.
“Namumuro sa away ang LTFRB kung sakali. Sino ba naman, sa panahon ngayon, ang kayang magbayad ng ganyang halaga para lamang makapasada? Kapag ganitong pandemya, ang una dapat nating isipin ay paano ba tayo magtutulungan para makabangon? Kapag ipinatupad ang jeepney modernization sa Abril, maraming drivers ang mawawalan ng kabuhayan at lalong maraming Pilipino, mga commuters, ang mawawalan ng sasakyan. So ano na ang benepisyo nitong modernization?” ani Escudero.
Samantala, kanyan sinabi na nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panglalawigan ng Sorsogon kung saan pinapayagan ang pamamasada ng mga tradisyonal na dyip hanggang Hunyo 30 kung kailan may mga bagong halal na pinuno ang probinsiya.