Inahain ni Sorsogon Governor Francis ‘Chiz’ Escudero ngayong araw ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa poll body upang makakuha ng bagong mandato sa Senado na kanyang pinaglingkuran nang dalawang buong termino at inaalay niya ang kanyang mayamang karanasan bilang isang public servant sa susunod na administrasyon sa pagsolusyon sa bumabagsak na ekonomiya at lumalalang problemang pangkalusugan dahil sa COVID-19.
Sa pamamagitan ng kanyang election lawyer na si Atty. George Garcia, naipasa ang COC ni Escudero ganap na alas-otso ng umaga sa pansamantalang opisina ng Commission on Elections sa nasasakupan ng Sofitel Hotel sa Pasay City.
“Inilalagay ko pong muli ang aking pangalan sa balota para sa Senado na dala-dala sa puso ang pagnanais na makatulong, sa abot ng kaya, sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya pagkatapos ng administrasyong ito,” ani Escudero. “Sa dami ng mga problema na kinakaharap natin, dapat po, magsama-sama at magtulong-tulong tayo.”
“Ako po ay kakandidato para maidagdag iyong mga p’wede ko na maiambag sa muling pagbangon ng bansa kasi iyong susunod na magiging presidente ay sobrang laki ng problema na kanyang haharapin. Kailangan niya ng tulong ng bawat isa. Kung sakaling ako ay mahahalal, dala ko sa Senado ang alam ko, nalalaman, at karanasan ko,” aniya.
Kasabay nito, sinabi ni Escudero na magsusulong siya ng mga batas para sa pagpapalakas sa local government units (LGUs) dahil palagi na lamang natatapakan ng mga desisyong galing sa pambansang gobyerno ang kanilang kapangyarihan na nakatadhana pa naman sa batas, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Kailangang palakasin pa ang ating mga LGUs at bigyan pa nang higit na autonomy. Ang ating mga mayor at governor ang higit na nakakaalam ng tunay na sitwasyon sa kanilang mga lokalidad. Nararapat lang na sila ay pakinggan at manguna sa pagdedesisyon sa kanilang mga lugar,” anang gobernador ng Sorsogon.
Nagsimula noong 1998 ang public service ni Escudero nang mahalal siya bilang kinatawan ng unang distrito ng Sorsogon at na-reelect nang dalawa pang termino. Nag-number 2 siya nang tumakbo siya sa pagkasenador para sa kanyang unang termino noong 2007 at nag-number 4 naman sa kanyang reelection noong 2013.
Bilang isang mambabatas sa mahigit dalawang dekada, nakalikha siya ng mga importanteng batas at ilan lamang dito ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act, at RA 9504 na nag-exempt sa mga minimum wage earner sa pagbabayad ng tax at nagtaas ng iba pang personal exemption sa mga empleyado.
Nanalo na rin si Escudero ng maraming parangal at pinakatampok sa mga ito ang nakuha niyang Ten Outstanding Young Men of the Philippines award noong 2005.