CHIZ, NO. 1 ULI SA PUBLICUS SURVEY

 

Nangunang muli si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa listahan ng “preferred senatorial candidates” sa 2022 National Elections, ayon sa independent at non-commissioned quarterly survey na isinagawa ng Publicus Asia mula Disyembre 6-10, 2021.

Sa Fourth Quarter (Q4) PAHAYAG na inilabas ng Publicus noong Lunes, napanghawakan ni Escudero ang kanyang number 1 ranking mula sa Q3 polls matapos siyang piliin ng halos 57% ng 1,500 respondents sa survey ng isa sa mga nangungunang polling company sa bansa.

Pumangalawa kay Escudero si Pangulong Rodrigo Duterte na nakakuha ng 56% habang pumangatlo naman si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na may 45%.

Si Escudero, na dalawang sunod na terminong naglingkod sa Senado, ay nangunguna palagi sa mga nakaraang pre-election survey ng iba pang independent pollsters.

Ang pagtakbo sa Senado ng beteranong mambabatas ay sinusuportahan ng tandem nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto, ng grupo nina Sen. Manny Pacquiao at BUHAY Party List Rep. Lito Atienza, at pati nina Vice Pres. Leni Robredo at running mate nito na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.

Ayon sa Publicus, random ang pagkuha sa mga respondent na binubuo ng mga botanteng Pilipino, gamit na gabay ang datos mula sa Commission on Elections.