CHIZ, NO. 2 SA PAGKA-SENADOR SA BAGONG SWS SURVEY

 

Lalong tumibay ang lagay ni Sorsogon Governor Chiz Escudero bilang “most preferred senatorial candidate,” base sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa mula October 20-23 kung saan 51% ng respondents ang nagsasabi na iboboto siya sa May 2022 National Elections.

Lumilitaw sa bagong SWS survey, na kinomisyon ng Stratbase ADR Institute for Strategic and International Studies (ADRi), na number 2 pick si Escudero mula sa 30 pangalan na nasa listahan at pumapangalawa sa broadcaster na si Raffy Tulfo.

Pinagbasehan sa nasabing special nationwide survey ang kabuuang bilang numero ng mga rehistradong botante at halos 32 milyong Pilipino ang tinatayang boboto kay Escudero sa halalan sa susunod na taon na nagpapatunay lamang na patuloy na lumalakas ang kanyang kandidatura.

Bago ito, nanguna si Escudero sa Third Quarter PAHAYAG survey kung saan 60% ng respondents ang nagpahayag na iboboto siya sa eleksiyon sa susunod na taon.

Si Escudero, na dalawang buong termino na naglingkod sa Senado mula 2007-2019, ay tumatakbo sa ilalim ng partidong Nationalist People’s Coalition.

Ang pagtakbo sa Senado ng beteranong mambabatas ay sinusuportahan ng tandem nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto, ng grupo nina Sen. Manny Pacquiao at BUHAY Party List Rep. Lito Atienza, at pati nina Vice Pres. Leni Robredo at running mate nito na si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.

Ang ADRi ay isang nangungunang independent think tank sa bansa.