Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na maaaring makasuhan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa plano nitong hindi bigyan ng cash assistance ang ilang milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung hindi magpapabakuna ang mga ito.
Imbes na gamiting pang-ipit ang conditional cash grants na ginawa para matulungan ang mahihirap, sinabi ni Escudero na dapat na magbigay na lamang ang gobyerno ng insentibo upang maengganyo ang 4Ps beneficaries na sumali sa vaccination program ng bansa.
“Kaparatan na po nila ang programa (4Ps) dahil may batas na ukol dito,” ani Escudero sa kanyang pagtutol sa panukala ng DILG.
“Kung itutuloy pa rin ang plano ng DILG, magkakaroon ng mga isyung legal,” ani Escudero sa isang interview sa “Headstart” ng ANC.
Ang 4Ps ay pangunahing programa ng pamahalaan kontra kahirapan na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development kung saan napapakinabangan ng halos 4.2 milyong Pilipino.
Ipinaliwanag ng beteranong senador na Emergency Use Authorization lamang ang ibinigay na pahintulot ng Food and Drug Administration sa mga bakuna kontra coronavirus kung kaya hindi ito maaaring imandato sa mga mamamayan.