Makakapangampanya sa buong Sorsogon ang mga kandidato sa pagka-pangulo, anuman ang kanilang partidong kinaaaniban, nang hindi sila nasasabote o nagigipit, ayon kay Governor Chiz Escudero.
Sinabi ni Escudero na makakatulong sa pagdidesisyon ng mga Sorsoganon sa kanilang pagpili ng mga susunod na pinuno ng bansa kung bukas ang probinsiya sa lahat ng presidential candidates.
“Mas nais kong bukas ang aming lalawigan para makita at makilala lahat ng tumatakbo sa pagka-pangulo para sila rin ang makapili ng may nalalaman at may basehan,” paliwanag ni Escudero na tumatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.
“Bilang ama ng Sorsogon, nasa interes ng probinsya namin na makilala nila lahat ng tumatakbo para makapili nang husto. Hindi ko sasaraduhan ang aming probinsya tulad ng ibang mga lugar na hindi pwede magpunta, at pinapatayan ng kuryente yung mga rallies,” dagdag ng beteranong mambabatas na palaging nangunguna sa iba’t ibang pre-election surveys.
Mayroong 493,116 rehistradong botante ang probinsiya ng Sorsogon noong 2019 Elections.
Sinabi ni Escudero na karapatan ng mga kandidato na maipabot sa mga botante ang kanilang plataporma tulad din na karapatan ng mga mamamayan na makuha ang tamang impormasyon na makakatulong sa kanila sa pagboto sa halalan sa susunod na taon.