Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat ipakita ng mga kandidato sa 2022 National Elections ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) para sa diwa ng “transparency and accountability” na makakatulong sa pagdidesisyon ng mga botante sa pagpili ng mga susunod na pinuno ng bansa.
Sinabi ni Escudero, isang beteranong senador na naglingkod sa Senado nang dalawang magkasunod na termino, na makakatulong din para sa kredibilidad at integridad ng isang kandidato ang paglalantad ng SALN habang pinag-aaralan pa ng mga botante kung sino ang kanilang mga iboboto sa darating na halalan.
“Kung alam na mga botante ang SALN ng mga tumatakbo, maaari itong makatulong sa ating mga kababayan sa kanilang pagpili ng mga kandidato para sa darating na halalan,” ani Escudero. “Wala akong nakikitang dahilan para ito ipagdamot sa mga botante kung nais ng kandidato na tunay na maglingkod sa publiko.”
Noong senador siya noong 2010, unang inihain ni Escudero ang Senate Bill No. 16 o ang “Submission of Waiver of Bank Deposits Bill” na naglalayong gawing mandatory para sa lahat ng public officials ang pagpirma ng bank waiver kasabay ng pagpapasa ng SALN sa Office of the Ombudsman.
Ang naturang waiver ay nagpapahintulot sa Ombudsman na matingnan ang lahat ng bank deposits at investment bonds sa Pilipinas man o sa ibang bansa ng mga lingkod-bayan.
Muling inihain ni Escudero ang panukala noong 2013 sa ilalim ng 16th Congress at palagi siyang nagpapasa sa Senate Secretary ng SALN na may kasamang pirmadong waiver upang magbigay ng mabuting halimbawa sa mga kapwa niya lingkod-bayan.
“For greater transparency, we should make our SALNs readily available. Kung wala ka namang itinatago, wala kang dapat ikatakot,” ani Escudero na kumakandidato.