Para maging ganap na “cash-lite economy” ang bansa, dapat na gawin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng istandardisasyon sa singil sa online transactions, ayon kay senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero.
Sinabi ni Escudero, na dating chairman ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, kung layon ng BSP na maging digital payments na ang 50% ng lahat ng retail payments pagdating nang 2023, dapat nitong gawing madali at abot-kaya ang online transactions para siguradong tatangkilik ito ng nakararaming Pilipino.
“Di naman porke’t digital ay mahal na at hindi na kasali agad sa financial inclusion ang marami sa ating mga kababayan. Ngayon pa nga lang, may mga sektor na sa ating lipunan ang naeetsapuwera sa digital economy. Dapat himukin natin silang maging kabahagi sa pamamagitan ng mababang singil,” ani Escudero.
“Kung hindi kayang alisin o gawing libre ng BSP ang online transaction fees, sana naman ay siguruhin nito na tama lang at standardized ang fees na kinokolekta ng mga banko, e-wallets, at iba pang financial institutions para hindi naman mataboy ang mga tao at maging parte sila ng digital ecosystem,” aniya.
Karaniwang naniningil ang mga banko ng Php25 per online transaction habang hindi naman bababa sa Php15 ang singil ng mga e-wallet kada transaksiyon kahit magkano pa ang halaga nito. Noong Nobyembre 2021, iniulat ng BSP na halos 43 milyon ang nangyaring InstaPay transactions na nagkakahalaga ng Php270.2 bilyon kung kaya kumita rito ang mga banko ng mahigit sa isang bilyong piso.
Binigyang-diin ng BSP sa isang ulat na nasa 78% ang consumer payments sa Php4.6 bilyon na monthly payments noong 2019 at nang magkapandemya noong 2020, naging mahigit 20% rito ang online transactions dahil na rin sa mga restriksiyong ipinatupad sa unang taon ng pandemya.
“Sa isang digital and cash-lite economy, dapat na binibigyang-prayoridad iyong mga walang banko, tulad ng mga manininda sa informal sector, iyong mga tahanang sapat lamang ang kita, at pati na iyong mga MSMEs pero kung tatagain naman sila sa singil, paano naman sila makikinabang, lalo’t napakaliit lang ng kanilang kinikita?” ani Escudero.
Kanyang hinimok ang Monetary Board ng BSP na repasuhin ang mga kasalukuyang singil sa online transactions at gumawa ng isang pare-parehong singil na magiging katanggap-tanggap para sa lahat.