Nanawagan noong Huwebes si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Commission on Elections (COMELEC) na siguraduhing makakaboto sa halalan sa susunod na taon ang mga tinatawag na “Persons Deprived of Liberty” o PDLs habang hindi pa sila pinal na nahahatulang nagkasala.
Sa isang pahayag na ipinost niya sa kanyang Twitter account na @saychiz, sinabi ng dating senador na dapat kilalanin ng gobyerno ang mga karapatan ng mga nasabing PDLs.
“Persons Deprived of Liberty (PDLs) who have not been convicted by final judgment that includes the penalty of civil interdiction, have the legal right to vote,” bigay-diin ni Escudero.
“The COMELEC must devise a way to allow them as they number over 200,000 all over the country,” dagdag niya.
Ang isang PDL, sa ilalim ng Republic Act No. 10575 o ang Bureau of Corrections Act of 2013, ay tumutukoy sa “a detainee, inmate, or prisoner, or other person under confinement or custody in any other manner.”
Ginamit ng pamahalaan ang terminong “PDL” bilang pakikiisa sa International Covenant on Civil and Political Rights upang maiwasan ang pagmamarka o panghihiya sa mga taong nasa bilangguan.
Nangyari noong 2010 ang dalawang importanteng okasyon sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas at ito’y ang paggamit ng automated election system sa buong bansa at ang maramihang pagpaparehistro at pagboto ng mga PDLs.
Sinabi ni Escudero na dapat isamang muli ng COMELEC sa paghahanda nito para sa susunod na halalan ang mga probisyon na nagbibigay-proteksiyon at kumikilala sa karapatan sa pagboto ng mga PDLs.