CHIZ SA DFA: MAGKASA NG HUMANITARIAN FLIGHTS PARA SA OFWS SA UKRAINE

 

Kasabay ng panawagan ng maraming bansa sa kanilang mga mamamayan na lisanin ang Ukraine dahil sa namumuong sigalot doon, hinimok naman ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Department of Foreign Affairs (DFA) na agad na magkasa ng humanitarian flights para maiuwi pabalik ng bansa ang 380 Pilipino na nagtatrabaho roon sa harap ng pagbababala ng ilang kanluraning gobyerno sa napipintong pagsakop ng Russia.

“Pinapabalik na ng ibang bansa ang kanilang mga mamamayan mula sa Ukraine, sana’y ganito na rin ang gawin ng DFA at maghanda na agad tayo ng libreng humanitarian flights para sa ating mga OFWs upang ligtas silang maihatid dito sa ating bansa,” anang beteranong mambabatas.

“Ngayon pa lang ay kailangan nang paghandaan ang mga posibleng kaganapan na mangyayari sa pagitan ng Russia at Ukraine. Huwag na nating hintayin na kung kailan lumala ang sitwasyon ay saka lamang kikilos at aasikasuhin ang lahat. Kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakasalalay dito,” dagdag ni Escudero.

Ang Philippine Embassy sa Poland, na siyang may jurisdiction sa Ukraine, ay nakikipag-ugnayan na sa Filipino community roon, ayon kay Dep. Asec. for Public and Cultural Diplomacy Gonar Musor kung saan kanya ring sinabi na karamihan sa mga Pilipino sa Ukraine ay naninirahan sa Kyiv at mga kalapit na lugar at malayo sa border ng Russia.

Sinabi ni Musor na kanilang nasabihan na rin ang overseas Filipino workers na makipag-ugnayan sa embassy kung kinakailangan, mag-report kung may mga hindi inaasahang insidente, at patuloy na alalayan at subaybayan ang isa’t isa roon sa pamamagitan ng social media.

Kaugnay nito, sinabi ni Escudero, na kumakandidato para sa Senado, na dapat tingnan din ng DFA ang kondisyon ng mga Pilipino na nasa mga bansang kalapit ng Ukraine, tulad ng Belarus at Moldova, dahil maaaring maapektuhan din sila kapag mas lumala ang sitwasyon.