CHIZ SA DND: MAGTAYO NG MGA PERMANENTENG ISTRUKTURA SA AYUNGIN SHOAL

 

Hinihimok ni Sorsogon Governor at senatorial candidate Chiz Escudero ang Department of National Defense (DND) na palakasin ang presensya nito sa Ayungin Shoal sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga permanenteng estruktura sa teritoryo ng Pilipinas.

“Sa harap ng panibagong agresyon ng China, mas kailangan ng ating pamahalaan na buhusan ang pagtatayo ng mga permanenteng estruktura na magsisilbing military outpost at hindi ang pagbandera lang sa isang lumang barko ng World War II bilang simbolo ng ating soberenya sa West Philippine Sea,” ani Escudero.

Ang BRP Sierra Madre ng Philippine Navy ay nasa Ayungin Shoal simula 1999 upang igiit ang pag-angkin ng bansa sa pinagtatalunang karagatan at bilang tugon na rin sa ilegal na pag-okupa rito ng China.

Noong Nobyembre 16, kinanyon ng tubig ng Chinese Coast Guard ang dalawang sibilyang bangka na maghahatid ng pagkain sa mga sundalong Pilipino na nakaestasyon sa BRP Sierra Madre. Matapos ang insidente, muling binuhay ng China ang dati nitong panawagan na alisin ng Pilipinas ang barko nito sa Ayungin Shoal.

“Pagkatapos ng pamamahiya na naman sa atin ng Tsina, kailangan natin magpakitang-gilas naman. Baka isang dahilan na hindi nila tayo nirerespeto dahil nakikita ng Tsina na mukhang kawawa ang military outpost natin doon. Our soldiers—and our nation—deserve better,” ani Escudero.

Nanghingi ang DND sa Kongreso ng Php297 bilyong pondo para sa 2022 kung saan gagamitin ang malaking parte ng halaga sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon kay Escudero, nilalayon ng AFP Modernization Act na patuloy na palakasin ang sandatahang lakas upang epektibo nitong maipagtanggol at maipaglaban ang soberanya at patrimonya ng Republika ng Pilipinas at kabilang aniya sa modernisasyong ito ang pagtatayo ng mga base at pasilidad.