CHIZ SA DOH: BIGYANG-KAPANGYARIHAN ANG MGA LOKAL NA PAMAHALAAN SA PAGLABAN SA COVID-19

 

Sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng Omicron sa Metro Manila at pagkalat ng variant sa mga probinsiya, hinimok ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Department of Health (DOH) bigyan ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan upang makapagplano at makapagpatupad ang mga ito ng pagtugon sa pandemya na naaangkop sa mga totoong nangyayari sa kani-kanilang nasasakupan at hindi iyong ipinipilit lamang sa kanila ang paiba-ibang panuntunang pangkalusugan na ibinababa ng nasyonal.

Sinabi ni Escudero na may mga local chief executive na nakabuo na ng sari-sarili nilang mga epektibong pamamaraan sa paglaban sa COVID-19 sa loob ng halos dalawang taon ng nangyayaring pandemya subalit nadidiskaril ito ng mga pabago-pabagong direksiyon na nanggagaling sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pinamumunuan ng DOH.

“Sa totoo lang napakaraming best practices ang mga gobernador at mayor sa buong bansa—talo at malayo ang mga ginagawa ng DOH at IATF sa ngayon—na kung bibigyan buwelo lang sana sa mga lokal na pamalahaang ito, magiging mas maganda ang COVID-19 response ng ating bansa,” ani Escudero na may ISO certification ang lahat ng pampublikong ospital ng probinsiyang kanyang pinamamahalaan.

Kanyang inihalimbawa ang Sorsogon kung saan kahit may 600 kaso ng COVID-19, nasa 43% lamang ng mga ospital dito ang okupado habang nasa 12% naman ang laman ng mga isolation at quarantine facility roon.

Kaya ganito, sinabi ni Escudero sa pagsisimula pa lamang ng pandemya noong 2020 ay mayroon na silang home care kits para sa mga mild at asymptomatic COVID-19 patient na hindi kailangang magpaospital.

“Sa pribado o pampublikong ospital man, wala kang karapatang magpa-ospital kung mild o asymptomatic lamang. Hindi tulad ng nakikita natin halimbawa sa ibang siyudad sa Metro Manila, ang mga mayayaman kahit wala namang nararamdaman ay ospital kaagad kapag nagpositibo. ‘Yung mga may malalang karamdaman, may kinalaman man sa COVID o wala, hindi na tuloy nakakapunta sa ospital at nagiging rason na lumala ang sakit nila o ikasawi pa nila,” aniya.

Sa kabila ng debolusyon o paglilipat ng mga serbisyong pangkalusugan mula nasyonal patungong lokal sang-ayon na rin sa Local Government Code of 1991, sinabi ni Escudero na ngayong panahon pandemya ay hindi naman nabigyan ng buong awtonomiya ang mga lokal na pamahalaan para maipatupad ng mga ito ang kani-kanilang mga hakbang upang malabanan ang coronavirus.

“Hind iyan dinevolve sa mga LGUs kaya lahat ng galaw ng LGU— ‘yung pagbabakuna, ‘yung requirements sa quarantining, ‘yung requirements sa pag RT-PCR, kung gagamitin ba ang swab antigen o hindi—lahat ‘yan ang sinusunod ng LGUs ay ang mga panuntunan mula sa DOH, na minsan hindi akma sa realidad sa mga probinsya,” ani Escudero.