CHIZ SA DOH/IATF: ‘PWEDE NAMAN MANGOPYA NG BEST PRACTICES’

 

Sa gitna ng patuloy na paglobo ng numero ng mga kaso ng COVID-19, hinihimok ni Gobernador at dating Senador Chiz Escudero ang Department of Health (DOH) at ang National Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na tingnan ang mga tamang ginagawa o best practices sa ibang bansa na maaaring aplikable sa Pilipinas.

Nitong Lunes, nasa 48,594 ang mga aktibong kaso, ayon sa DOH, makaraang makapagtala ng 22,366 na mga bagong impeksiyon – ang pinakamataas na numerong naitala sa isang araw mula nang ideklara ang pandemya noong unang bahagi ng nakaraang taon. Dahil dito, pumalo sa halos 2 milyon ang mga kaso sa bansa kung saan 33,000 ang kabuuang bilang ng mga namatay habang nasa 1.7 milyon naman ang naka-recover.

“DOH/NIATF should be more proactive and creative and look at the best practices in other countries  and see what applies to us instead of trying to ‘reinvent the wheel all over again,’” ang post ni Escudero sa kanyang Twitter account na @SayChiz.

Ang Pilipinas ang nag-iisa at natatanging bansa sa mundo na may pinakamahigpit at pinakamahabang lockdown simula noong 2020 kung saan nagpapatupad ang gobyerno ng iba’t ibang community quarantine restrictions sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus. Itinuturing na high risk ang Metro Manila at ilang probinsiya kung kaya inilagay ang mga ito sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) na nagpabagal nang sobra sa gulong ng ekonomiya.

Mula sa ECQ, ibinaba na ang kategorya sa mga nasabing lugar sa modified enhanced community quarantine o MECQ sa loob ng dalawang linggo. Subalit sa kabila ng paghihigpit sa galaw ng mga tao at negosyo, nararanasan pa rin ng bansa ang pinakamalalaking bilang ng mga bagong impeksiyon.

Sa pagtaya ng UP Pandemic Response Team, posibleng umabot sa 3-4 milyon ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 bago matapos ang taon.

“Di na puwede ang puwede na! If you keep on doing the same thing, don’t expect a different result,” sabi ni Escudero sa DOH at sa IATF, ang mga ahensiya ng gobyerno na nasa unahan ng laban kontra COVID-19.