CHIZ SA DSWD: REPASUHIN ANG 4Ps

 

Nananawagan si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na repasuhin ang listahan ng mga benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa harap ng pagtindi ng kahirapan sa bansa.

Sinabi ni Escudero, na isang beteranong mambabatas at kasakuluyang chief executive ng probinsiya, na dapat magkaroon ng nakasasapat at naaangkop na pagtaas sa pondo para sa 4Ps sa 2022 Budget na ratipikado na ng Kongreso at ipinasa na sa Pangulo.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2022, nasa Php115.7 bilyon ang inilaan para sa 4Ps na halos kapareho lamang ng pondo para rito noong 2021 na Php115.6 bilyon.

“Hindi ito ang panahon para pagdamutan ang mahihirap dahil milyon-milyon sa ating mga kabababayan ang nahihirapan pa rin sa matinding epekto ng pandemya at hindi pa natin inaasahan na makakabangon tayo nang agad-agad,” ani Escudero na isang senatorial aspirant.

Ang 4Ps ay ang pangunahing programa ng pamahalaan upang labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng cash assistance sa pinakamahihirap na pamilya.

Lumitaw sa mga deliberasyon sa Senado ukol sa 2022 National Budget na “graduate” na o naalis ang 51,000 pamilya mula sa 4Ps na ang benipisyaryo ay umaabot sa halos 4.4 milyong mahihirap na pamilya. Sa 54%, ang 4Ps ang may pinakamalaking tipak sa pondo ng DSWD.

“May disconnect sa numero ng gobyerno at estratehiya nito kontra kahirapan. Kung titingnang mabuti, nasa 10 milyong Pilipino ang halos walang makain at nasa 4.2 milyon naman ang working-age Filipinos na walang trabaho. Dapat na pag-aralan at repasuhin agad ng DSWD ang 4Ps beneficiaries nito dahil iba ang sinasabi ng datos: mas maraming mahirap, mas maraming kailangang tulungan,” ani Escudero.

Sa pinakabagong Family Income and Expenditures Survey ng Philippine Statistics Authority, ang poverty incidence ay tumaas sa 23.7% sa first half ng 2021 at nangangahulugan ito na 26.14 milyong Pilipino ang namumuhay sa ilalim ng poverty threshold na Php12,082 kada buwan.