CHIZ SA MGA BANKO: ILAAN ANG 10% NG LOAN PORTFOLIO SA MALILIIT NA NEGOSYANTE

 

Para bigyang-daan ang pagbangon ng Pilipinas matapos ang pandemya, hinihimok ni senatorial aspirant at kasalukuyang Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero ang mga banko na siguraduhing mapupunta ang 10% ng mga pautang nito para sa financing ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Nangangailangan ng kapital at iba pang tulong sa ngayon higit kailanman ang MSMEs, lalo na ang mga nasa probinsiya, para agad silang makabangon matapos ang pandemya na nagdulot ng pagsasara ng mga negosyo, pagkawala ng mga trabaho ng mga manggagawa, at pagbawas sa suweldo dahil sa nabawasan din ang oras ng operasyon ng iba’t ibang industriya.

“Credit line ang kailangan ngayon ng MSMEs na makakatulong sa kanila para makapagsimula uli at upang buhayin ang nanglulupaypay na maraming negosyo. Oportunidad at tungkulin ng mga banko na tulungan ang mga local entrepreneurs na siya namang laman at sinasabi sa Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises,” ani Escudero.

Inaatasan ng nasabing batas ang mga banko na maglaan ng di-bababa sa 8% ng loan portfolio nito para sa micro and small enterprises at di-bababa sa 2% para naman sa medium enterprises. Hanggang 2018 lamang ang mandato subalit patuloy na nakaantabay rito ang Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa first quarter ng 2021, 5.2% lamang ng Php8.6 trilyon na loan portfolio ng mga banko ang napunta sa MSMEs. Nasa Php448 bilyon lamang ito dahil sa nag-iingat ang mga banko sa pagpapautang sa MSMEs.

“Hindi dapat patayin at bagkus ay dapat pa ngang buhayin ang probisyon sa Magna Carta kung gusto nating ibangon ang ating ekonomiya, lalo’t 99% ng mga negosyo sa Pilipinas ay MSMEs. There is no recovery without the recovery of the MSME sector,” ani Escudero.