Umapela si Sorsogon Governor at senatorial candidate Chiz Escudero sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong 2022 kasabay ng kanyang panawagan sa mga mambabatas na magpasa ng isang batas na magsususpinde sa nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa ilalim ng Universal Health Care Act, lalo’t maraming miyembro ang patuloy na naaapektuhan ng pandemya na magdadalawang taon na.
“Nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at mukhang matatagalan pa bago magbalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, kaya’t nananawagan ako sa PhilHealth na huwag munang magpatupad ng mandatory increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito habang wala pang naipapasang batas na mag-aamyenda sa UHC Law,” ani Escudero.
“Kung sakaling magpasya ang ahensya na huwag nang palawigin pa ang pag-aantala sa pagtaas ng buwanang kontribusyon, milyong Pilipino ang maapektuhan at tiyak na ito ay magiging dagdag pabigat pa sa kanila,” dagdag niya.
Ginawa ni Escudero ang kanyang mga panawagan sa harap ng mga reklamo ng maraming PhilHealth members na tinatanggihan ng mga payment center ang kanilang bayad dahil wala pa raw abiso ang ahensiya tungkol sa bagong rate.
Noong 2021, magiging Php350 sana ang kontribusyon ng mga kumikita ng Php10,000 pababa kada buwan habang Php350-Php2,450 naman sa mga sumusuweldo ng Php10,000,01-69,999.99 kada buwan at Php2,450 sa Php70,000 subali’t ipinahinto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa matinding epekto ng pandemya sa kabuhayan at trabaho ng mga Pilipino.
Ngayong 2022, nakatakdang maging Php400 ang kontribusyon ng mga may sahod na Php10,000 pababa kada buwan habang Php400-Php3,200 naman ang may mga suweldo na Php10,000.01-Php79,999.99 kada buwan. Php3,200 naman sa Php80,000.
Sa kasalukuyan, may mga panukala naman sa Senado at Kamara ukol sa pagsuspinde sa mga nakatakdang pagtaas ng kontribusyon.
“Sana magkaroon ng win-win solution ito sa lalong madaling panahon. Higit kailan man ay kailangan ng mga Pilipino ng health insurance habang namamayagpag pa ang pandemya. Sa kabilang banda naman ay tuluy-tuloy lang ang pagbabayad ng miyembro para makalikom pa ng pondo ang PhilHealth at madagdagan pa ang makinabang sa mga benepisyo nito,” ani Escudero na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado.