CHIZ: SOLUSYUNAN ANG PROBLEMA SA DISTANCE LEARNING SANHI NG MABAGAL NA INTERNET

 

Isinusulong ni senatorial aspirant at Sorsogon Governor Chiz Escudero ang pagkakaroon ng magandang internet service sa buong bansa sa harap ng hindi matapos-tapos na pandemya upang matulungan ang maraming mag-aral na makasabay sa distance learning.

Ginawa ni Escudero ang pahayag makaraang i-report ng World Bank na nakakaapekto sa edukasyon ng mga batang Pilipino ang kawalan ng akses sa internet o ang mabagal na koneksiyon at nabigyang-diin dito na siyam sa 10 mag-aaral ang hindi marunong magbasa sa pagtuntong nang edad 10.

Dahil dito, naging 90% ang tinatawag na “learning poverty” ng bansa noong Agosto 2021 mula sa dating 69.5% bago magkapandemya. Sa ngayon, nasa 20% lamang ng mga pamilya na may mga miyembrong nag-aaral ang nagagawang makapag-distance learning at ito ang pinakamababang numero na katulad ng nangyayari ngayon sa Ethiopia.

“Ito na nga ang masakit at hubad na katotohanan ng remote learning na ipinilit ipatupad sa buong bansa kahit sa mga lugar na wala naman o mababa ang kaso ng COVID-19,” ani Escudero. “Nakakaalarma na nga ang estado ng edukasyon bago magpandemya, tapos nabiktima naman ang ating mga mag-aaral ng magulong pagpapatupad ng distance learning.”

Kanyang binanggit ang magandang sitwasyon ng Sorsogon kung saan wala nang COVID-19 sa mahigit 50% ng mga barangay na aniya’y puwede nang alisin sa distance learning na ipinatutupad ng Department of Education.

Nananawagan si Escudero, na isang beteranong mambabatas, na buhusan ng puhunan ang pagpapalawak at pagkakaroon ng mabilis na internet upang maabot ang maraming mag-aaral, lalo’t aniya’y matatagalan pa bago magbalik-normal sa mga paaralan.

“Sa datos ng World Bank, mga 26.9 porsyento lamang ng mga estudyante ang may access sa internet sa bansa. Paano naman ang mahigit na 70 porsyento na wala na ngang gadget, wala na ngang internet at paminsa-minsan ay walang kuryente sa kanilang mga kabahayan? Pababayaan na lamang ba natin silang maging mangmang?” ani Escudero na kumakandidato para sa bagong termino sa Senado.