Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na nabalewala ang October 8 deadline sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2022 elections dahil sa panuntunan sa ilalim ng Omnibus Election Code kung saan pinapayagan ang “substitution of candidates.”
Pinahihintulutan sa ilalim ng Omnibus Election Code ang “substitution of candidates” kung namatay, na-disqualify o nag-withdraw ang mga indibidwal na nagnanais kumandidato subalit ngayon pa lang, ibinunyag mismo ng aspirante at partido na tumatakbo o may pinatatakbo sila bilang “placeholders” lang dahil sa November 15 pa naman ang deadline ng “substitution of candidates.”
“Ang paghahain ng COC ay dapat na sariling kagustuhan, boluntaryo, at isang akto ng paghahain ng sarili sa sagradong balota sa layong paglingkuran ang mga Pilipino. Hindi ito ginagawa para i-please ang sinumang tao o alinmang grupo o partido, lalo na kung paglalaruan lang ito at iikutan ang proseso ng halalan,” ani Escudero sa kanyang Twitter account.
“Nabalewala lang ng substitution na hanggang November 15 ang filing ng certificates of candidacy na natapos noong October 8,” anang beteranong mambabatas.
Nakatakda nang rebyuhin at busisiin ng Commission on Elections ang mga aspirante upang masala ang mga ito mula sa mga panggulo lang o wala naman talagang intensiyon at kakayanang mangampanya, base na rin sa Sec. 9 ng Omnibus Election Code.
“Sana masusing tingnan at busisiin ng COMELEC ang listahan ng mga kumakandidato at tanggalin at alisin ang mga fake candidates. Karapatan ng mga botante ang pumili ng mga seryosong kandidato na ang tunay na intensyon ay maglingkod at magserbisyo,” ani Escudero.