CHIZ: WELCOME SA SORSOGON PARA SA KAMPANYA ANG LAHAT NG PRESIDENTIAL CANDIDATES

 

Bukas ang Sorsogon para sa lahat ng presidential aspirants at pati na sa iba pang mga kandidato na tumatakbo para sa mga pambansang posisyon, ayon sa kasulukuyang gobernador ng probinsiya at dating senador na si Chiz Escudero na nagsabi rin na isa itong hakbang upang mas makilala ng mga kapwa niya Sorsoganon ang mga kandidato at mas mabatid ang mga plataporma na dala-dala ng mga ito bago pa man sila bumoto sa Mayo 9.

Bago pa man magsimula ang opisyal na pangangampanya noong Pebrero 8, tiniyak ni Escudero, na tumatakbo para sa Senado, sa lahat ng partido politikal na malaya silang makapangangampanya sa buong probinsiya upang maipresenta ang kani-kanilang plano ukol sa pamamahala.

“Parte ng aking commitment sa aking constituents na mabigyan sila ng pagkakataon na makasalamuha nila ang mga kandidato, hindi lang para makita at makilala nila ang mga ito, kundi para sila’y ma-empower at sila na mismo ang magdesisyon sa kung sino ang kanilang susuportahan at siyang iboboto sa Mayo,” ani Escudero na nag-iisang incumbent governor sa bansa na kumakandidato para sa Senado.

“Tinitiyak ko sa lahat ng mga kandidato na malaya silang makakapaglibot dito sa Sorsogon,” ani Escudero. “Bilang ama ng probinsiya ng Sorsogon, dahil hindi pa naman tapos ang aking termino, bahagi rin naman ng aking tungkulin at obligasyon ay tumanggap, mag-host, mag-alay ng tulong kung kinakailangan at ipakita ang hospitality naming mga Sorsoganon sa sino mang bibisita o dadalaw dito sa amin.”

Sa numero ng Commission on Elections ukol sa 2019 mid-term elections, nasa 493,116 ang mga rehistradong botante sa probinsiya ng Sorsogon.

“Mas nais kong bukas ang aming lalawigan para makita at makilala ng aking mga kababayan lahat ng tumatakbo sa pagkapangulo para sila rin ang makapili ng may nalalaman at may basehan,” paliwanag ni Escudero na ang kanyang pagtakbo para Senado ay suportado ng mga presidential candidate at iba’t ibang political at party-list group.

Nakadalawang magkasunod na buong termino si Escudero sa Senado mula 2007-2019 bago nahalal na gobernador ng Sorsogon magtatatlong taon ang nakalilipas. Bago ang mga ito, naging kinatawan siya sa Kamara ng unang distrito ng Sorsogon mula 1998-2007.

May isang salita, naging mga panauhin ng probinsiya ang mga bigating kandidato mula sa magkakalabang kampo. Si UniTeam vice-presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte at ang partido nito ay nag-ikot-ikot sa ilang bayan ng Sorsogon sa pamamagitan ng kanyang Mahalin Natin Ang Pilipinas motorbike caravan.

Noong Miyerkules, tinanggap naman ni Escudero sa Sorsogon Provincial Gymnasium ang tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan kasama ang senatorial ticket ng mga ito.

Kanyang sinabi na nakahanda rin siya para sa pagpunta sa probinsiya ng Ping Lacson-Tito Sotto ticket, ng tandem nina Sen. Manny Pacquio at Rep. Lito Atienza, at ng iba pang kumakandidato kung gugustuhin ng mga ito.

Ang gobernador ng Sorsogon ay isinama nina Robredo, Lacson, at Pacquiao bilang isang guest candidate sa kani-kanilang senatorial slates habang iniendorso naman siya ni Sara Duterte sa personal nitong kapasidad.

“Ginagarantiya ko na hindi ko sasaraduhan ang aming probinsya tulad ng ibang mga lugar na hindi pwede magpunta, at pinapatayan ng kuryente ‘yung mga rallies,” dagdag ni Escudero na palagi ring nangunguna sa iba’t iba pre-election senatorial survey.