Ang kandidatura sa pagkasenador ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ay inendorso ng nakabase sa Leyte na Kontra Brownout, ang partylist ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE).
Sa isang pahayag, idineklara ng grupo ang todong pagsuporta nito para kay Escudero, ang nag-iisang kasalukuyang gobernador na kumakandidato para sa Senado sa halalan sa susunod na linggo.
“Bilang isang pro-electricity consumer advocacy group sa loob ng mahigit dalawang dekada, naniniwala kami na kayang-kaya ni Chiz na makapagsulong ng mga bagong batas at makagawa ng mga reporma para sa kapakanan ng milyon-milyong konsyumer sa buong bansa,” laman ng pahayag ng party-list group na pinirmahan ng first nominee nito na si consumer advocate Pete Ilagan.
“Bilang isang beteranong mambabatas sa Kamara at Senado, siguradong makikinabang ang ating bansa mula sa kanyang karunungan at karanasan na nadagdagan pa sa kanyang pagsisilbi bilang Gobernador ng Sorsogon. Napaganda ng butihing Gobernador ang buhay ng kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mabilis na implementasyon ng mga proyekto sa imprastruktura, agrikultura, panlipunang serbisyo, turismo, at disaster risk management,” dagdag dito.
Nananalig ang Kontra Brownout na kapag nahalal si Escudero sa Senado ay makakatrabaho nila siya sa pagsusulong ng kanilang 20 taon nang adbokasiya na nagpoprotekta at nagsusulong ng electricity consumer rights.
Isang dating senador sa loob ng 12 taon, sinabi ni Escudero na kapag nanalo siya uli para sa Senado ay kanyang isasaprayoridad ang paggawa ng mga batas para maging mas maagap ang pagtugon ng bansa sa pandemya, palalakasin niya ang mga lokal na pamahalaan, at kanyang sisiguruhin ang masinop na paggamit sa pondo ng taong-bayan upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya na pinadapa ng pandemya.
Bukod sa Kontra Brownout, si Escudero ay suporta rin ng 10 pang party-list groups at ito ay ang Ang Probinsyano, Ang Kabuhayan, Agimat, An Waray, ARISE, BHW, Kusog Bikolano, KAPUSO-PM, Makabayan, at Uswag Ilonggo.
Nauna nang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kandidatura ni Escudero para sa Senado dahil sa magandang track record bilang isang beteranong mambabatas na aniya’y napakaimportante sa paggawa ng mahahalagang batas at reporma sa panahong nasasapul ang bansa ng mga hamong dulot ng pandemya. Ang kanyang anak na si Davao City Mayor at vice-presidential candidate Sara Duterte-Carpio ay personal na sinusuportahan ang pagbabalik-Senado ni Escudero.
Ang mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza ay kinuha rin sa kani-kanilang senatorial slates si Escudero.
Ang League of Provinces of the Philippines ay isinama rin si Escudero sa listahan nito ng iniendorsong anim na kandidato sa pagkasenador sa halalan sa Mayo 9 habang nag mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP ay nag-endorso rin para sa kanyang balik-Senado.
Ang pinakamalaking non-government organization sa bansa na Federation of Free Farmers, na may 200,000 miyembro, ay naghayag na rin ng pagsuporta sa kampanya ni Escudero.