Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na kailangan ng dagdag-pondo para sa plano ng bansa upang magkaroon ang mga mamamayan ng pangmatagalang suplay ng malinis na tubig at tamang sanitasyon na susi sa pangkalahatang pag-unlad ng Pilipinas.
Kapag nahalal sa Senado sa Mayo 2022, sinabi ni Escudero na kanyang sisiguruhin na makakatanggap ng karagdagang alokasyon ng pondo ang National Economic Development Authority’s (NEDA) para sa Philippine Water Supply and Sanitation Master Plan (PWSSMP) nito upang makamit ang layong magkaroon sapat na suplay ng mura at malinis na tubig at tamang sanitasyon pagdating nang 2030.
Binigyang-diin ni Escudero, na dating chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, ang nasabing plano ay nagpapakita lamang ng patuloy na pagsuporta ng Pilipinas sa Sustainable Development Goals o SDGs na itinakda ng United Nations kung saan isa sa mga pangunahing layunin para sa tuloy-tuloy na maunlad na pamumuhay ng tao ang pagkakaroon ng malinis na tubig at tamang sanitasyon.
“Isa sa mga susi ng maunlad at malusog na pamayanan ay ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig,” ani Escudero na kumakandidato sa darating na halalan sa 2022 para sa bagong termino sa Senado. “Ang tubig ay para sa lahat, hindi lamang para sa iilan.”
Tinatayang nasa Php1.1 trilyon o mahigit Php100 bilyon kada taon ang kabuuang gugugulin ng Pilipinas simula 2020 hanggang 2030 upang maabot ang nasabing SDG target kung kaya kinakalingang mahimok ang investors at iba pang stakeholders na makiisa sa proyekto sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga insentibo sa mga ito.
“Kung nakayanan ng gobyerno ng magbigay ng insentibo sa mga negosyante para maglagak ng puhunan sa kuryente at internet connection sa kanayunan, bakit hindi rin ibigay ito sa negosyante na magpapabuti sa estado ng patubig sa bansa,” he said. “At kung papalaring makabalik sa Senado, tututukan natin at papataasin pa ang pondo na dapat ilaan para sa tubig.”