DOS POR DOS

 

GERRY BAJA (GB): Nasa linya na natin, nahuli rin ng Dos Por Dos sa matagal na panahon ang mala palos na si Senator Chiz Escudero. Senator Chiz, magandang morning!

ANTHONY TABERNA (AT): Magandang morning!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Gerry, Tunying, magandang umaga sa inyo. Sa lahat ng listeners magandang umaga. Pakilakasan lang ng kaunti ‘yong monitor please.

GB: Pakilakas daw monitor. Senator, pinag-uusapan naming ni Kumbachero kanina, mukhang ngayon ka pa lang namin ulit makakausap ilang taon na tayo sa—

CHIZ: —Kayo din ngayon lang din.

AT: Ang tagal ka naming pinapahanap dito mula pa noong panghapon dito sa Dos Por Dos.

GB: Iniiwasan mo raw kami?

CHIZ: Hindi lang kayo, kayong lahat.

GB: Kaya naman pala. Pero Senator, bumabata ka Senator Chiz, bumabata ka.

CHIZ: Nah. Pagtumatanda humahanap ng paraan.

GB: Ibang klase. OK dito na tayo sa issue.

AT: Sige.

GB: Bago doon sa Cha-Cha ‘yon munang rally kahapon sa Davao, Senator Chiz na-monitor mo ba ‘yong sinabi ng dating Pangulong Duterte?

CHIZ: Well, nakita ko na lamang kaninang umaga paggising ko sa social media ‘yung ilang bahagi ng kanyang talumpati pero hindi ko na-monitor kagabi. Tila maraming binitiwang maanghang na salita si dating Pangulong Duterte na marahil maski kayo Gerry, Tunying ay medyo nilulunok pa natin at dina-digest pa natin, ika nga, ‘yong mga salitang binitiwan niya kagabi.

GB: Talaga, masasakit at mabibigat na alegasyon pinag-uusapan nga namin Kumbachero kanina ito ba itong mga ganitong salita ay wala bang pananagutan, criminal liability ‘yung ganoon? Senator Chiz, bilang isang abogado?

CHIZ: Well, ilang punto ang maliwanag bago ko sagutin ‘yung criminal liability dahil maliwanag, una, na natuldukan na ‘yung Uniteam. Wala nang pagkakaisa sa pagitan ng Duterte at Marcos. At dahil nandoon din si Vice President Sara Duterte, nagulat man din siya sa mga binitiwang salita ng kaniyang ama, nandoon pa rin siya at hindi kinontra o pinagtanggol ang Pangulo. Pangalawa, maliwanag din sa akin na itong ingay, bangayan at pagkakaroon ng kawalan ng pagkakaisa dulot ng people’s initiative na isinusulong ng Kamara ay isang mabigat na problema na maaring makaapekto sa administrasyon ni Pangulong Marcos at gayoon din sa estabilidad ng ating bansa at ng ating ekonomiya. Kaugnay sa kaso depende ‘yan, Gerry, sa magkakaso, ang inatake at tinira niya ay si Pangulong Marcos ang may Karapatan magkaso, maghain ng reklamo ay si Pangulong Marcos pero sa pananaw ko sa dami ng batikos, atake at paninirang tinatanggap ng mga politico mula sa kung sinu-sino bibihira naman magdemanda talaga ang pulitiko.

AT: Pero kung ang akusasyon ay masyadong direkta and somehow po ay baka makaapekto pa sa kanyang panunungkulan bilang isang chief executive at commander-in-chief ng ating sandatahang lakas at lahat ng puwersa ng military natin, ang pangulo po ay tinawag na drug addict ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi naman past tense, drug addict current. Kung kayo po ba ang tatanungin dapat ba itong patulan ng Pangulong Bongbong Marcos?

CHIZ: Nasa sa kanya, Tunying, napakarami niyang adviser na puwedeng magbigay sa kanya ng payo kaugnay niyan pero para sa akin ang puwedeng maidemanda kung saka-sakali naman ay kasong libelo ang problema sa kabilang banda naman nung nagrereklamo ang isang depensa sa kasong libelo ay papatunayan niya ‘yong sinasabi niya kaya madalas ang nililibelo, ika nga, maliban sa magastos at mahabang panahon ay ayaw ng dumaan sa prosesong ‘yon.

AT: So, ayaw niyon payuhan ang Pangulo?

CHIZ: Above my paygrade ‘yan, Tunying. Kapag tinanong siguro ng Pangulo kung ano ang pananaw mo, anong dapat gawin sasagot ako pero hindi para sa akin at mataas sa suweldo ko ang tinatanggap ika nga ng isang senador na payuhan ang mas mataas na opisyal sa akin lalo na kung hindi naman niya hinihingi ‘yon.

AT: Pero dapat bang sagutin?

CHIZ: Para sa akin, oo. Hindi man niya pero ‘yung mga tagapagsalita niya dahil mabigat ‘yung akusasyong binitiwan ni Pangulong Duterte. Aat maganda rin mahiling tulad nga noong tinanong niyo kay Atty. Harry Roque kanina ‘yung basehan nun upang sa gayon ay hindi manatiling paratang lamang.

GB: Sa mga pangyayaring ito, Senator Chiz, malinaw na ba ‘yung hati. Wala na talaga ‘yung Uniteam?

CHIZ: Mga 98 percent, Gerry. May 2 percent pa kasi nag-attend si Vice President Sara doon sa Bagong Pilipinas na pagtitipon sa Luneta.

AT: Mayroon pa hong isang nagsalita doon, si Baste. He was actually asking for the President’s resignation.

CHIZ: Conditional ang dating sa akin ng kanyang sinabi kung hindi mo na mahal at wala kang malasakit, ‘yon ang panawagan niya.

AT: ‘Yon naman ay bulaklak na lang ng dila ‘yon sasabihin ba ni President ‘yon na wala na akong pagmamahal at wala na akong pagmamalasakit sa bayan.

CHIZ: Akala ko ba people’s initiative ang pag-uusapan natin? Kayo naman nililiko niyo ako doon sa—

GB: —‘Yan ang susunod.

AT: Ito may nag-message sa atin kung kayo po ang inakusahan ng Pangulong Duterte ng kasing bigat ng akusasyon kay Pangulong Bongbong Marcos, sasagutin mo ba? Papatulan mo ba? Magdedemanda ka ba?

CHIZ: May pagkakataon Gerry, Tunying, na may mga batikos sa akin sa buhay ko sa paninilbihan sa pamahalaan na hindi ako pumapatol. Pero kapag ganyan kataas na opisyal ang nagbitiw ng salita, kung ako, sasagutin ko ng diretso din. Dahil, ika nga, kapag ikaw Tunying inakusahan kita sa harap mo ng kung anu-anong masasamang bagay, alangan namang ngumiti ka lang at tumahimik, ‘di ba? Ang natural na reaksyon mo bilang isang taong inakusahan ng mali at hindi totoo may kasama pa ngang galit siguro o tampo. So ‘yon ang natural na reaksyon palagi ng sinumang aakusahan ng mabibigat na bagay o krimen.

GB: Kapag kasi nanahimik parang ang magiging impression nun ay guilty. OK, napag-uusapan ang mga akusasyon kayo rin daw, Senator Chiz may akusasyon. Totoo bang inakusahan niyo si Speaker Martin Romualdez na utak ng pirma?

CHIZ: Matagal nang sinasabi ni Senator Imee ‘yan. Tiyak ko alam niyo din naman ‘yan. Tiyak ko, alam ‘yan ng marami sa ating mga kababayan. Parang sila na lang ‘yung hindi alam daw na sila ‘yong gumawa n’yan. May pinakita lamang ako dahil nakita ko rin sa social media ang isang video kung saan inamin, pinagyayabang pa nga, sine-share pa nga niya ang kanilang balakin sabi niya makikipag-usap daw siya sa party leader pero unahan ko na kayo ang pag-uusapan naming ay ‘yong pag-aayos ng proseso kung paano amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng people’s initiative.

Ngayon, Gerry at Tunying, importanteng ma-konsepto ng transparency at accountability sa lahat ng ginagwa naming sa pamahalaan. Hindi pupwedeng hindi alam ng kaliwang kamay ‘yung ginagawa nung kanan dapat alam nung dalawa ‘yung ginagawa nung isa. Ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit biglang nagde-deny na siya ‘yung nasa likod nito. Noong siya’y unang kinausap ni President Zubiri kaugnay dito sa ginagawa nilang people’s initiative hindi naman niya dineny kasama ‘yon sa pinag-usapan natin kanina. In fact, ang sagot lang niya kay Senate President Zubiri ay naglagay na ‘yong barko hindi na makakabalik sa Puerto, lumabas na ‘yong toothpaste sa tubo mahirap ibalik ‘yon. Wala naman siyang sinabi na, “Uy, hindi kami ‘yan.” Wala namang ganoon. Pagkatapos na lang nung natanong na hindi daw sila ‘yon.

Pangalawa, bakit kung hindi sila ang nagbibigay ng blow-by-blow na update ay puro mambabatas at kung tanungin mo si G. Onate lumabas naman ‘yung balakin niya kung siya talaga ang nasa likod nito ang sabi niya ang gusto ko talaga sa isang interview. Sinabi niya ang gusto ko talaga kaya naming ginagawa ito para maging unicameral na tayo. Ang gusto ko talaga i-extend ang term at tanggalin ang term limits. So, kung sila talaga ang nasa likod nito dahil suportado din ba nila ‘yon?

May tutugunan pa akong isang bagay, Tunying, Gerry, kung mamarapatin ninyo sinabi ng aking kaibigan at kababayan na si Cong. Salceda na mangampanya na lang daw kami sa plebesito eleksyon na lang bakit daw ba kami takot? Hindi kami takot sa plebesito sa katunayan, hinahadlangan naming anumang tangka na i-postpone ang eleksyon, i-extend ang term at tanggalin ang term limits. Hindi kami ‘yung takot sa eleksyon sa ganyang paghahadlang naming ang marahil takot sa eleksyon ay ‘yung ayaw magka-eleksyon gustong palawigin ang term at tanggalin ang term limits.

GB: Ngayon kami ni Kumbachero tumuntong sa edad na 35, ngayon lang naming nakita na ganito katindi ang—dati ng may iringan ang Senado at ang Kongreso—pero ngayon lang nangyari na  nagkabulyawan, nagkakapalitan ng akusasyon ang mga senador at mga kongresista.

AT: At 100 percent na mga Senador ay nagkaisa sa isang pagkilos laban sa kabilang kapulungan.

GB: Kaya nga. Saan ho hahantong ito Senator Chiz? Kailangan natin ang Senado at Kongreso.

CHIZ: Patungo sa isang krisis sa pamahalaan ang mga bagay na ito. Patungo sa marahil simulant natin sa kawalan ng pagkakaisa, gulo kung saan man hahantong ‘yon ay hindi ko masabi kung kaya’t ang panawagan at hiling ko ay para sa Pangulo na gumalaw na bilang pangulo. Anong ibig sabihin kong galaw? Pigilan na niya, kausapin na niya. He should rein in his cousin and ally, the Speaker, kaugnay sa bagay na ito dahil hindi ito makakabuti sa kanyang administrasyon. At bagaman sa tingin ng marami ang nasa likod nito ay ang Speaker at ilang mambabatas lamang kapag ito’y tumuloy-tuloy parang wala lang nangyayari at hinahayaan lamang niya sa dulo sa kanya na rin mababaling marahil ang sisi ng ating mga kababayan.

GB: May commitment po ang Senado sa pamamagitan ni Senate President Zubiri na magsusulong kayo ng sarili niyong pagkilos para maamyendahan ang Konstitusyon, ‘yung economic provisions. Itinigil niyo na ba ‘yon? Ititigil niyo na ba ‘yon dahil sa ang Kongreso ay nagpapasimuno ng pirma?

CHIZ: Well, may commitment din, alam ko, sa parehong usapang ‘yon. Wala ako doon, Tunying, Gerry, mas magandang matanong d’yan ay si Senate President Zubiri. Alam ko may commitment din sila noong nag-usapan sila na may ipa-file si Senate President Zubiri na ititigil na nila ‘yan. Ulitin ko, paano mo matitigil, hindi naman pala ikaw ang, so hindi din naman nasunod at natupad ‘yon. So hindi ko alam ang estado ng usapan nila kaugnay n’yan dahil tila wala naman yatang nasunod sa commitment ng magkabilang panig sa usapan nila na ‘yan na hindi ako kasama, bahagi Gerry o bound ang usapang ‘yon.

GB: So hindi na rin itutuloy ng Senado ang Charter Change sa anumang paraan doon sa economic provision dahil sa ginagawa ng Kongreso?

CHIZ: Sa ngayon, mayorya ng mga Senador ‘yun yata ang pananaw pero hindi ako makapagsalita sa ngalan ng liderato ng Senado, Gerry at Tunying. Iisa lang ang committee ko, minor pa, pero sa tingin ko ‘yon ang damdamin ng karamihan ng mga Senador kaugnay sa bagay na ‘yon.

Pero tukuyin ko, Gerry, Tunying ‘yung economic provisions na ‘yan ang hindi ko lang gusto ay parang hostage ang Senado kailangan talakayin ‘to para pigilan nam ‘to. Kapag hindi niyo tinalakay ‘to itutuloy naming ‘to. Ano ‘yon? Sa isang demokrasya dapat nagkukumbinsihan tayo at kung may kailangang pagbotohan, nagbobotohan tayo at kung sino ang mas nakararami yun ang susundin sang-ayon man tayo o hindi. Ang ginagawa ng Kamara porke’t hindi sang-ayon ang Senado sa gusto nilang gawing pagbabago sa Saligang-Batas, tanggalin na lang natin sa equation, gawin na lang nating joint voting. Hindi demokrasya ang tawag doon, hindi kumbinsihin ang tawag doon. Hindi botohan ang tawag doon at kaugnay ng people’s inititiative, mismo, may depekto ito dahil revision ito at hindi amendment lamang ng Saligang-Batas. Bakit revision? Binabago niya kasi ‘yung system of checks and balances at ‘yung system natin ng pamahalaan kaugnay ng bicameral system.

Maliwanag ‘yan sa desisyon ng Korte Suprema sa Lambino case kapag binabago mo ang system of checks and balances at system of government, revision ‘yan at ayon sa Korte Suprema sa Lambino case hindi ‘yan puwedeng maging subject matter ng people’s initiative. At nakalagay mismo sa COMELEC rules na kapag revision ang pinag-uusapan, hindi rin ‘yan saklaw ng people’s initiative at ng rules na ginawa ng COMELEC. Sa ibang salita, in-adopt ng COMELEC ‘yung desisyon ng Korte Suprema sa Lambino noong ginawa nila ‘yung rules and regulations ng people’s initiative and referendum law nung taong 2020.

AT: Pero alam din naman naming pare-pareho, Senator Chiz, na ang komposisyon ng Korte Suprema nung nilimbag ang Lambino case ay ibang iba na sa komposisyon ng Korte Suprema ngayon. So, maari po bang magbago ‘yung doctrina na ‘yun na itinakda ng Korte Suprema noon?

CHIZ: Palaging possible, Gerry, Tunying, pero sa nakikita kong tradisyon at kasaysayan ng Korte hindi ganoon kadali sa kanila magbago ng mga ika-nga landmark decisions lalong-lalo na kung ‘yun ay suporta ng sobra pa sa mayorya ng korte nung mga panahong ‘yon. Ginagalang, nirerespeto din naman ng korte yung mga nagdaang desisyon pero syempre may mga pagkakataon na ito’y binabaliktad o nababaliktad din ng mga sumusunod na korte.

AT: Last point na lang, Senator Chiz, dahil bihira naman namin kayong mahagilap. OK, nakikita niyo po ba—

CHIZ: Parang kinakabahan ako diyan, Tunying.

AT: Hindi po. Katulad lang din ng entrada niyo kanina na natuldokan na alam na natin kung nasaan ‘to. Nadoon ‘yung Sara Duterte kabila. Nandoon sa kabila ang mga Marcos, although mayroong Imee Marcos doon sa side ng mga Duterte. Ano po ba ang nakikita niyong laro noong Imee Marcos na lahat ng ginagawa niya ngayon ay lumalatay sa kanyang kapatid, Senator Chiz?

CHIZ: Kung mapapansin mo, Tunying, sa dulo hindi naman niya binabanatan pa ng diretso yung kanyang kapatid na Pangulo. Ang binabanatan niya kahit doon sa dasal niya sa Bulacan ay patungkol doon sa nakapalibot na may masamang impluwensya daw sa kanya at sana’y humayo na. Wala pa siyang rektang banat talaga sa kanyang kapatid. Sa pinsan siguro mayroon, pero sa kapatid wala pa naming rekta. ‘Yan ‘yung isang sinasabi ko kanina, Tunying at Gerry, na sana umaksyon ang Pangulo dahil kapag hindi ay wala ng ibang mababalingan kundi siya na dahil mayroon siyang kapangyarihan, mayroon siyang pagkakataon, mayroon siyang relasyon, mayroon siyang koneksyon pinsan at kaalyado niya. So ‘pag nagpatuloy ‘yan hindi mo puwedeng hindi isipin na siya ay hindi kasabwat o bahagi nun sa ngayon hindi pa ako handang sabihin ‘yon, Gerry at Tunying.

AT: ‘Yun nga po ang punto ko, hampas sa kalabaw, latay sa kabay. Hindi naman niya hinahampas ‘yung kanyang Kapatid, nalalatayan naman ‘yung kanyang Kapatid. And in the same argument na sinasabi niyo, bakit hindi pinipigilan ni BBM ‘yung kanyang pinsan, pinipigil ba ng Pangulo ang kanyang kapatid?

CHIZ: Sa palagay ko, Gerry at Tunying, ito tsismis lang ‘to. Mas nag-uusap naman yata si Speaker at ang Pangulo kumpara kay Senator Imee at ang Pangulo. Maliwanag naman siguro na mas magkasundo ‘yung magpinsan kaysa sa magkapatid sa kaso ni PBBM at Speaker. At sa kaso naman ni Senator Imee, maliwanag din sigurong pareho niyang hindi kasundo ‘yung kanyang pinsan at kapatid sa maraming mga issue lalong-lalo na patungkol kay VP Sara tsaka patungkol kay Pangulong Digong.

Pero bigyan ko kayo ng halimbawa na sana ‘wag gawin ni Pangulong Marcos sa issue na ito siya ang nag-propose ng budget na nagbibigay ng confidential fund kay VP Sara sa DEPED at bilang Vice President. So, president’s budget ‘yon ‘di ba? Nang tinanggal ng Kamara ‘yon, wala akong narinig mula sa DBM Secretary o mula sa Finance Secretary o mula doon sa nagtatanggol sa administrasyon ng budget ng Pangulo na panatilihin ‘yon. Nagawa at ginawa ng Kamara ang kanilang ginawa, kinatigan ng Senado ito ng ni hi, ni ho wala kang narinig so nangyari na nga.

Kung anuman ang nararamdaman o iniisip ni Vice President Sara kaugnay sa bagay na ‘yan, hindi ko siya masisisi kung may kaunting tampo o sama ng loob siya dahil isang salita lamang ay mapipigilan ‘yon at hindi gagawin ‘yon sa maraming bagay sa budget nagsabi ang Malacanang na ito’y hindi puwedeng galawin, ito kailangan naming ‘to pero sa bagay na ito ay nanahimik. Sana sa issue na ito hindi manahimik si Pangulong Marcos. Sana sa issue na ito bigyang linaw niya ‘yung kanyang posisyon at kung nararapat at kung panawagan ng panahon na tingin ko yun ang panawagan ng panahon dahil hindi natin kailangan ang kaguluhan ngayon sa ating bansa at ekonomiya ay pagsabihan niya yung kanyang kaalyado, kapartido, ka-koalisyon at pinsan.

GB: Maikli na lang panghuli, Senator Chiz, lahat ho ng administrasyon nagsulong naman ng Charter Change. Pati si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nagsasabing walang dapat na baguhin sa ating Kostitusyon at ang lagingg nagiging dahilan kung bakit hindi ito natutuloy ay dahil sa duda na ang gusto lang ng nakaupo ay magtuloy-tuloy sa kapangyarihan. Kayo po ba, si BBM ba ay pinagdududahan ninyo na gusto lang din magtagal o magtuloy-tulyo sa panunungkulan sa presidency?

CHIZ: Well, Tunying, Gerry, alam mo, bakit tatanggalin ang Senado kung economic provisions lang naman ang gustong baguhin? Lumalabas sa bibig mismo ng ilang mambabatas nagrereklamo sila bakit ‘yung senador anim na taon, kami tatlo lang. Alam mo, kaya tayo may dinastiya kasi hangang tatlong term lang kaya, ‘yung asawa at ‘yung anak na ang patatakbuhin at kapag nag-graduate kailangan mahanapan ng puwesto ‘yon. Bakit lumalabas ‘yung mga usapang ‘yan mula mismo sa bibig ng mga mambabatas? Kung hindi ‘yon nasa isip man lang nila o ‘yon talaga ang balak na gawin pagdating ng panahon.

Tandaan mo, Tunying, Gerry tinanggal ang budget para sa operations ng COMELEC sa 2024 bilang paghahanda sana sa eleksyon sa 2025 at nilagay nila sa plebiscite, initiative and referendum. Paano maghahanda ngayon ang COMELEC para sa eleksyon? Unless ang assumption nila at plano nila ay wala naman na ‘yan ipo-postpone na natin ‘yan ang asikasuhin natin ‘yung plebesito para maaprubahan yung mga pagbabagong gusto natin. So, kung may duda, may duda talaga at ewan ko baka nakapag-usap din sila ni President Jokowi noong siya’y bumisita dito. Dahil tinangka din ni Jokowi na baguhin ang kanilang Saligang-Batas para bigyan siya ng pangatlong termino o kung hindi man pabatain ‘yung requirement para sa ikalawang pangulo para makatakbo marahil ‘yung anak niya. Sana hindi siya nadala o sana hindi siya nahawa doon sa tangkain ding ‘yon ni President Jokowi ng Indonesia.

GB: Senator Chiz, Salamat sa kauna-unahang dito sa Dos Por Dos sa DZRH.

AT: Thank you, sa uulitn.

CHIZ: Maraming salamat, Gerry, Tunying, at kahit hindi niyo sinabi na, miss ko rin kayo.

AT: I miss you too.

GB: I miss you too. Thank you, Senator Chiz.