GERRY BAJA (GB): Ito magtanong tayo kay Senate President Chiz Escudero. Mr. Senate President, magandang morning.
ANTHONY TABERNA (AT): Magandang morning.
SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Gerry, Tunying, sa ating mga taga-subaybay, magandang umaga sa inyo. Good morning.
GB: Nasaan kayo ngayon, Senator Chiz? Nasa Bicol ba kayo?
CHIZ: Kadarating ko lang galing Sorsogon. Nasa Manila ako ngayon, Gerry.
GB: Okay. Ito SP, may mangyayari bang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte?
CHIZ: Mayroon, tiyak ‘yon. Maliban na lamang kung pigilan ‘yan ng Korte Suprema at pagpasyahan ng Senado na katigan ito. Pero sa ngayon, dahil wala namang TRO, mayroon at ‘yan na nga ‘yong pinaghahandaan namin ngayong pa lang.
GB: Puwede bang patigilin, hadlangan ng Korte Suprema ang impeachment, Senator Chiz?
CHIZ: Well, may dalawang pagkakataon na nagpasya ang Korte Suprema sa isang impeachment case. Una, noong kaso ni dating Chief Justice Davide. Nag-issue ng TRO ang Korte Suprema para pigilan ang Kamara na pagbotohan ang impeachment complaint laban sa kanya. Hindi sumunod ang Kamara noon, pinagbotohan pero kumulang sa one-third kaya na-dismiss din ‘yung kaso. Pangalawa ay doon sa Senate naman sa impeachment ni Chief Justice Corona. Nag-issue din ng TRO ang Korte Suprema sa foreign currency deposit ng dating Chief Justice. Sumunod ang Senado doon. So dalawang pagkakataon pinagbotohan ng Kamara at ng Senado kung ano ang gagawin nila sa desisyon ng Korte Suprema.
AT: So nakadepende po sa Senado, ‘no?
CHIZ: Opo. Pero dito sa kaso na inihain ni Vice President Sara, necessary party lamang ang Senado, Gerry, Tunying. Ibig sabihin wala namang sinabing ginawang mali, walang alegasyon laban sa Senado roon. Sinama lamang kami dahil anumang epekto ng desisyon ay kasama o kabaling ang Senado.
GB: Okay. So, kung hindi mag-issue ng TRO at hindi papasok ang Korte Suprema, sabi niyo kanina mayroon, tiyak ‘yon. Kailan, Senator?
CHIZ: Kung walang magaganap na special session ‘yung calendar o schedule na pinapanukala ng legal team ng Senado na sinulat ko sa mga Senador copy furnished ang mga partido, ang House at ang tanggapan ni VP Sara. ‘Yon ‘yung magiging, hindi ito schedule ng nakaukit sa bato, ‘yon yung magiging itsura nito. Maisasapinal ‘yan once nag-convene ang impeachment court at pinagpasyahan na talaga itong schedule na ito. Puwede pa itong mabago ng malaki o maliit pero mangyayari yan sa June 2 or June 3 kapag nag-resume kami.
AT: ‘Yon pong special session ang sabi naman ng pangulo doon kung hihilingin ng Senado. Hihilingin po ba ng Senado na mag-special session?
CHIZ: Wala akong balak gawin ‘yon Tunying. Dahil, una, sang-ayon sa Saligang-Batas, puwede lamang humiling ng special session ang Senado kaugnay ng urgent legislation. Hindi ito urgent legislation at ano magsisinungaling ba tayo ng harapan na kunwari may urgent legislation pero ito talaga ‘yung gagawin? Pangalawa, noong impeachment ni Corona, isang linggo pa bago mag-adjourn ang Senado pero hindi nag-convene ang impeachment court. Tinapos muna nila ‘yong Christmas at New Year break nila. Kaugnay naman ng impeachment ni Gutierrez, ganoon din isang araw pa bago mag-adjourn, hindi rin sila nag-convene. Tinapos muna nila ‘yung kanilang recess na nakatalaga din mahigit isang buwan, dalawang pagkakataon.
Itong kalendaryo namin, inaprubahan naming ito July pa noong nagdaaang taon na mag-a-adjourn kami ng February 5, Wednesday kasi ‘yon at magre-resume kami ng June 2. Noong panahon ni Corona at ni Gutierrez, wala namang nagsabi na, “Hoy! Dini-delay niyo hindi ‘yan forthwith.” Bakit ngayon ang daming ganyan?
At panghuli, narinig ko sinabi raw ni Congressman Bongalon na ang ibig sabihin daw ng “forthwith” ay “immediately.” Ibabalik ko sa kanya, ang nakalagay sa Konstitusyon ay “forthwith”, ang nakalagay sa rules ng Kamara particular ang Section III, immediately. Anumang impeachment complaint shall be immediately referred by the Secretary-General to the Speaker. Inabot ng dalawa’t kalahating buwan hindi nila ni-refer sa Speaker, magkatabi lang naman ‘yung opisina nila at sa katunayan hanggang ngayon, Gerry, Tunying hindi pa nila nire-refer sa Speaker ‘yan. Hanggang ngayon wala pa, kasi in-archive na nila.
AT: In-archive na nila ‘yung tatlong nauna.
CHIZ: So, kung ‘yon ang tratasyon nila, ‘yon ang depinisyon nila, ‘yon ang interpretasyon nila ng salitang “immediately,” sino ba sila at ano ba ang pinaghuhugutan nila para sabihin na ang “immediately” ay ganito ganyan sa salitang “forthwith.”
AT: May balik pala kayo doon sa “forthwith” na ‘yan.
GB: ‘Di iba talaga, Cumbachero.
AT: Tsaka naging House Minority Leader—
CHIZ: Ngayon lang tayo nagka-usap kaya ngayon lang nakabalik.
GB: Ang totoo niyan Senate President ay iba talaga ‘yung medyo may edad nakakatanda sa atin, Cumbachero. Alam ‘yung mga nangyari sa nakaraan, kabisado. Tignan mo inisa-isa sa atin ‘yung impeachment kay Corona at sa mga nakaraang impeachment natin.
AT: Specially, Cumbachero, doon sa mga hindi nakakaalam, ito pong si Senate President Chiz Escudero, beterano ng impeachment ito. Naalala niyo po ‘yung naging issue pa ang—I’m sure ito rin ay alam ng ating mga kababayan na ito ang ginagamit na batayan ng grupo ni VP Sara ‘yung tungkol ba sa one impeachment per year. ‘Di ba mayroong desisyon, na-settle na po ‘yung issue na ‘yan during the time of GMA, ‘no.
CHIZ: Mayroon desisyon na ‘yan.
GB: Tungkol sa kung kailan ‘yong magsisimula ‘yung bilang ng isang taon.
CHIZ: Sa Francisco ruling, napagpasyahan ‘yan ng Korte Suprema na ‘yung isang taon magsisimula matapos i-refer sa Committee on Justice anumang complaint at kung anuman ang kasarian nung complaint na ‘yon. Ibig sabihin, isa lang ba nag-file o one-third? ‘Yun na ang magdidikta sa impeachment complaint process at hindi na puwede ‘yung creeping impeachment, naalala niyo ‘yon? ‘Yong unti-unting kumukuha ng pirma noong nakarating ng one-third ay biglang pinaspas. Bawal ‘yon ayon sa Korte Suprema.
AT: Kumbaga, settled na ‘yung issue na ‘yon.
GB: Pero kung ang magiging issue dito ngayon ay kung pwede tumawid sa susunod na Congress. From 19th Congress to 20th Congress kung July 30 pa magsisimula ang trial, Senate President?
CHIZ: Ilang bagay kaugnay niyan. Una, may prinsipyo sa batas na nagsasabing ano man ang sinimulan dapat tapusin. Hindi naman pupuwede na porke June 30 na ay para kaming grade one, finish or not finish pass your paper. So, June 30 na, “Hoy! Desisyunan na natin ‘to, acquitted ba o convicted?” Hindi pa tapos magpresinta ng ebidensya ang prosekusyon at depensa ganoon na agad? O, “Hoy, dahil hindi pa tapos, finish or not finish, dismiss na natin ‘to?” Hindi naman pupuwedeng ganoon.
Pangalawa, ang SET o Senate Electoral Tribunal, ‘yan po ang pinakamalapit ng ehemplo hindi ‘yung legislation dahil batas ‘yon. ‘Yung SET ay kaso kaugnay sa Senador na natalo at nagprotesta. Sa karanasan at precedent ng Senado, ito’y tumatawid ng Kongreso. So halimbawa, may kasong finile laban sa isang senador sa protesta ng 19th Congress, tatawid ‘yan hanggang 20th Congress kung hindi pa tapos bagaman nagpalit ang mga senador na magiging miyembro ng SET, bagaman nagpalit at nagretiro ang mga justices ng Supreme Court na miyembro ng SET.
Pangatalo, ‘yung mga collegial court natin CA, Supreme Court, Sandiganbayan parang Senado, collegial court kapag nagpalit ba ng justice dismiss lahat ng kaso sa Korte Suprema? Kapag nagpalit ba ng Justice sa Court of Appeals, dismissed lahat ng kaso kailangan mong simulant muli? Hindi naman. Mas malala pa nga ‘yung RTC judge, kapag nagretiro, na-promote o nag-retire siya lang naman nakarinig ng ebidensya, kapag nawala na ba siya doon sa korte dismissed lahat ng pending na case doon? Hindi, ‘di ba. Kung sino man ang pumalit dahil court of record ‘yan parang impeachment court itutuloy niyang ibase ang desisyon doon sa records at doon sa rolyo ika-nga ng kaso. So ‘yon ang pinanghahawakan ng Senado kaugnay sa bagay na ‘yan.
AT: Na puwedeng tumawid. Okay. So, kung July 30 pa next Congress na ito ibig sabihin, in between Senate President ano ang mangyayari? Ano ang gagawin ng Senado?
CHIZ: Well, ‘yon ‘yung nakapaloob sa liham ko, kailangan naming maghanda, mangyayari ‘yung review ng rules, approval ng rules, pagpapadala ng summons, pre-trial o preliminary conference para mapagkasunduan nila ‘yung puwede nilang pagkasunduan na hindi na kailangang patunayan pa. Halimbawa, na vice president, si Vice President Duterte. Alangan namang kuwestiyunin pa ‘yon ng depensa. Na nakatanggap siya ng confidential funds, alangan namang kuwestiyunin pa ‘yon nandoon naman talaga ‘yon. So ilang bagay na mag-stipulation of facts na tinatawag at gagaminit natin ‘yong isa pang innovation sa rules kaugnay sa judicial affidavit na medyo binabalanse kasi ‘yung judicial affidavit, Tunying at Gerry, nandoon na ‘yong direct examination ng testigo. Pero ito ay public hearing hindi naman maaaring ang marinig lang ng publiko ay ‘yong cross examination. Halimbawa, paano maririnig ‘yung, “I was one foot away,” so babalansehin naming ‘yon because this is a public and political trial hearing. So, hindi lang ‘yung senator-judges ang kinukumbinse pati ‘yung publiko na sumusubaybay.
GB: So ‘yan ay mga gagawin ninyo kaagad pagbalik na ng sesyon by June 2, Senate President?
CHIZ: Actually, ginagawa namin ngayon pero maisasapinal ‘yan by June 2 kasi kailangan ‘yon pagbotohan ng impeachment court, kailangan ‘yon pagbotohan ng Senado. Maski na itong proposed calendar, Gerry, Tunying, ito’y kailangan ipagtibay pa rin ng mayorya sa impeachment court at sa plenaryo ng Senado.
GB: Sa mga ebidensya Senate President, halimbawa ay may gustong kuning mga ebidensya, ipalabas na mga ebidensya mga bank records ang prosecution, puwede na bang hilingin nila ‘yon by June 2?
CHIZ: Sa ngayon, hindi pa pero ‘pag nag-convene na ang impeachment court, oo,
AT: ‘Pag nag-convene. Kailan po ba magko-convene?
CHIZ: June 2 o June 3. May proseso lang kaming dapat sundan kabilang na diyan ang pagbabasa ng articles of impeachment sa plenaryo ng Senado na siyang magsisilbing hudyat para i-convene ‘yung impeachment court at manumpa kami bilang impeachment court judges.
AT: Mayroon na po ba kayong mananahi ng robe ninyo?
CHIZ: Mayroon nang pinagpipilian ‘yung ng Senado dahil bidding yata ‘yan. Baka small value lang ‘yan hindi na dumaan sa bidding ng Senado.
GB: So malinaw, para ‘yung iba ang tingin sa inyo, Senate President, ay ayaw niyo talaga na simulan o ayaw niyo sa inyong panahon magkaroon ng impeachment trial kay Vice President Sara?
CHIZ: Hindi totoo ‘yon, Gerry. Hindi kami puwedeng magsimula ng impeachment kapag recess kami. Puwede magpatuloy ng recess kapag nagsimula ng may sesyon. Kapag ginawa namin ‘yan ng walang sesyon, ilegal po ‘yan sa akin pananaw at binibigyan lang natin ng bala kung saka-sakali ang nasasakdal ng impeachment na kuwestiyunin ‘yung proseso. Kuwestiyunin ang pagiging patas at parehas, kuwestiyunin ang pagiging makatarungan ng Senado kaugnay sa paggawad ng desisyon kaugnay ng impeachment kung ang proseso ay tila may pinapaburang panig.
AT: So parang ang sinasabi ninyo, lalong made-delay kapag inapura?
CHIZ: Malaki ang posibilidad. Ngayon nga, tignan mo na lamang ‘yung sa Kamara ‘di umano inapura raw kaya umakyat agad si VP Sara. So hindi ko tatanggalin sa kanyang gawin din ‘yan kung saka-sakaling may gawing tila pagmamadali ang Senado. Hindi ako takot na idemanda o maakyat ang Senado sa Korte Suprema. Susundin lang naming ‘yung batas at kung hindi siya sang-ayon malaya siyang pwedeng umakyat. Pero hindi ko rin sasadyain na labagain ‘yung batas para bigyan din siya ng rason at dahilan na umakyat at ma-delay pa, lalo ang proceedings.
AT: Pero tatanggapin niyo po ba na ‘yung binanggit niyo kanina na puwedeng tumawid ay maaari rin ‘yang maging legal issue at baka i-akyat din sa Korte Suprema?
CHIZ: Malaki po ang posibilidad din. Pero ultin ko, ‘yung kapalit ano, June 30 lang ‘yung term so dahil late nan ga finile sa amin, patapos na ‘yong Kongresong ‘to, so kahit hindi pa tapos desisyunan na namin? O kahit hindi pa tapos idi-dismiss na lang namin? Hindi ‘yon naaayon sa prinsipyo ng batas, ulitin ko na kung ano mang ang sinimulan ay dapat tapusin.
AT: Okay. Ito po ay malamang naitanong na sa inyo at well narinig ko na naitanong just for the record again para sa mga nakikinig sa atin, interesado po ba kayong maging Vice President in the event na ma-convict po si VP Sara.
CHIZ: Parang na-miss niyo talaga ako, Tunying.
AT: Opo.
CHIZ: Sinagot ko yan sa Sorsogon noong nagkaroon ng presscon sa Sorsogon. Hindi, Tunying, dahil dala ng delicadeza at gayundin dala ng personal na pananaw. Hindi ako interesado at hindi tamang tanggapin o kunin ko ‘yan o sino man para sa akin na may bahagi o parte dito sa impeachment process kung ‘yan ng ang kakalabasan dahil hindi nito mabibigyan ng maganda at tamang pangitain ‘yong proseso ng impeachment.
AT: Last na lang talaga.
CHIZ: Na-miss mo talaga ako, Tunying.
AT: Opo. Dahil vice president po ang isasalang sa impeachment trial, hindi na po kailangan ng Supreme Court chief justice na ka-tandem niyo magpe-preside, ‘no? Kayo na lang, solo niyo?
GB: Hindi na.
CHIZ: Hindi na po. Senate President ang presiding officer at sorry, napag-aralan ko ulit ‘yung impeachment dahil dito. Sa katunayan, kahit ang impeachment ni dating Pangulong Estrada, walang nakalagay sa Konstitusyon o rules ng Senate na mayroon co-presiding officer. Chief Justice lang ang magpe-preside.
AT: Chief Justice lang ang magpe-preside kapag president?
GB: Kapag pangulo?
CHIZ: Opo. Kapag ibang opisyal, maliban sa presidente, ang Senate president lamang. Ang problema nga kung magba-bathroom break ka, ire-recess mo ba o magpapakabit ka na lang ng catheter, hindi ko alam.
GB: Hindi ba puwedeng may magsu-sub sa mga judges?
CHIZ: Ayon sa ilang legal na eksperto, hindi daw. Hindi ‘yan parang Senate president, tapos pro-tempore ang papalit.
AT: Oo nga ‘no.
GB: Kaya nga.
CHIZ: Kasi impeachment court ‘yan hindi naman Senado. Pero pinag-aaralan pa nila kasi paano nga naman ‘yon limang oras, anim na oras imposible naman na hindi ka tawagin ng pangangailangan.
GB: Mayroong wee-wee break.
AT: Dapat lahat lahat.
GB: Sabay-sabay.
CHIZ: Parang elementary ulit ‘yan may recess.
AT: Thank you.
GB: Sana mas madalas ka naming makausap. Hindi ka raw mahagilap nitong mga kasama naming.
AT: Basta, gaya nga ng sinasabi mo, nami-miss ka namin.
GB: Nami-miss ka namin.
AT: Kami ba hindi mo nami-miss?
CHIZ: Sobra. Miss na miss.
GB: Thank you, Senate President.
AT: Thank you.
CHIZ: Salamat, magandang umaga. Sa muli sa ating mga taga-subaybay, good morning.