HOST (H): Our first question is from DYWZ Anthony Magadzane.
QUESTION (Q): Maayong hapon, Anthony minsan lang ako mag-interview kay Senator Chiz. Unang-una Sir, kumusta po kayo, Sir?
GOVERNOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Mabuti naman. Maaga akong umalis ng lalawigan ng Sorsogon para makaikot sa (speaking local language) sa araw na ito.
Q: Kasi, nandito ka na Sir, gusto ko lang malaman kung papaano makakabangon ang bayan natin nitong nasa pandemya tayo at hindi pa tayo nakakarekober?
CHIZ: Idagdag mo pa ang Bagyong Odette. Tinamaan tayo ng pandemya, dalawang taon ang lumipas. Ang ilang parte ng Pilipinas kabilang ang Negros Oriental ng Bagyong Odette. Simple lamang naman ang paraan, gumastos at magbigay ng tulong ang pamahalaang nasyonal dahil hindi kakayanin gawin ang mga bagay bagay na kailangang gawin ng local government units. Bagama’t may Mandanas ruling, alalahanin natin sa darating na taon, ang IRA ay nakabase sa internal revenue ng national government three years ago, noong 2020.
Ang ekonomiya ng bansa, bumagsak ng 15% (inaudible) mula sa -6% naging -9% ng 2020 mula sa 2019. Importante at mahalaga na nandoon na magbigay ng kalinga, ayuda, tulong at pagmamalasakit ng national government. Iyon lamang ang tamang paraan para makabangon tayo dahil hindi kakayanin ng mga lokal na pamahalaan ng mag-isa iyon.
Q: Ito ba ang dahilang kung bakit nag-decide ka na bumalik sa Senado?
CHIZ: Tama ka, isa sa mga dahilan kasi kahit na gaano kagaling ang gawin ko sa lalawigan ng Sorsogon bilang gobernador. Kahit na mag-tumbling, magsirko at magsayaw pa ako doon ay may hangganan ang puwedeng marating ang magagawa ko sa lalawigan naming kung hindi saba-sabay na aangat ang buong bansa. Ika nga sa Ingles, dapat “all hands-on deck”. Dapat sinuman ang may iniaalay, may maiaambag ay ialay ito sa muling pagbangon, pag-angat. Muling pag-ikot ng ekonomiya ng ating bansa. Iyan ang pangunahing rason kung bakit muli kong inilagay ang pangalan ko sa dambana ng balota para sa isa sa pagpilian na maging miyembro muli at kinatawan ninyo sa Senado.
Q: 2.2 million ang apektado sa Odette. Until now marami pa ang hindi natataggap ang ayuda pinansiyal lalo na dito sa Negros Oriental. Karamihan sa mga workers ay apektado at hindi pa nakatangga, particular in the north of Negros Oriental. Ano po ang masasabi ninyo sa TUPAD Program?
CHIZ: Bago ko i-address ang nakita kong datos, kulang-kulang na mahigit sa kaunting tatlong milyon ang apektado ng Bagyong Odette. Lahat apektado sa Bagyong Yolanda. Ang tanong ko nga ay kung nagkaroon ng Yolanda Commission, Yolanda Rehabilitation Fund na batas, bakit tila walang ganoon an ipinapasa ngayon ang Kongreso o ang administrasyon kaugnay sa Odette Rehabilitation at Odette Relief Fund. Halos pareho lamang naman ang bilang ng datos ng naapektuhan. Mas maraming probinsiya pa ang naapektuhan ng Odette kaysa Bagyong Yolanda. Isa iyan sa mga pangunahing adbokasiya at adhikain kong muli kung makakabalik sa Senado, ang pagpasa ng batas tulad niyan na magbibigay ng mas madaliang pag-recover sa mga lugar na apektado. Ang ibinigay sa Yolanda Rehabilitation ay Php20 billion lamang.
Bakit ko sinasabing Php20-B? Ang surplus ng national government ibig sabihin ponding hindi nagastos last year na kinerry over sa 2022 nasa Php400-B. Ano ba naman ang Php20-B para sa mga naapektuhan. Limang porsiyento lamang ‘yon ng surplus ng gobyerno sa nagdaang taon. Kaugnay ng TUPAD sorry medyo nag-doctorate na siguro ako at eksperto ako pagdating sa pagda-drive, bagyuhin po ang aming lalawigan.
Tinatamaan kami ng isang bagyo na kasing lakas ni Odette kada taon halos at kung hindi man, walo hanggang labing dalawang bagyo na kalahati ng Odette. Kaya medyo sanay at eksperto na kami pagdating sa bagyo. Ginagamit namin at malaki ang silbi ng TUPAD sa pag-recover sa isang lugar na tinamaan ng bagyo. Ginagamit namin ito para cash for work. Dinadagdagan ng probinsya para sa food for work para hindi magmukhang namamalimos ang aming mga kababayan para may dignidad pa rin ang muling pagbangon nila. Kapalit ng hinihingi namin ay pagtulong sa kanilang kapwa, kabarangay o kapitbahay at paglilinis sa kanilang barangay at hindi pag-asikaso lamang sa sari-sarili nilang mga tahanan at bahay. Ginawa namin ito ng pang mahabaan. Umabot ng anim na buwan upang sa gayon ay matiyak na may sapat silang malilikom na pera para makapagpatayo rin ng kanilang mga tahanan at makapag-ipon muli para sa kanilang mga kagamitan na nawala o nasira dahil sa Bagyong Odette.
Dagdag ko pa dahil nga bagyuhin kami, ginagawa namin nilalagay na namin sa ilalim ng lupa ang kawad ng kuryente para sa gayon ‘pag tumama ang bagyo, i-o-off lang naming, pag-alis ng bagyo i-o-on namin hindi namin kailangan maghintay ng isa hanggang dalawang buwan bago magkakuryente. Sa mga lugar na malalayo at mahal ilagay sa ilalim, humingi kami ng pahintulot, sumunod kami sa proseso ng DENR, pinutol namin ang punong nakatanim na kapag ka bumagsak ay babagsak sa kawad ng kuryente na magiging sanhi ng dahilan para bumagsak din yung poste. Hindi naman nakakabagsak ng poste ang hangin o ulan. Ang nakakabagsak nu’n yung punong tatama sa kuryente o sa poste mismo. Isang punong bumagsak, sampung poste agad ang tumba. Rason kung bakit inaabot ng buwan bago mabalik ang kuryente dito man sa ilang bahagi ng Negros Oriental o sa ibang bahagi ng bansa na tinamaan din ng bagyo.
Ang relief operations namin ginagawa namin makalipas ang isa o dalawang buwan dahil ‘yung unang dalawang buwan nang pagkakatama ng kalamidad, nagpapakain kami sa pamamagitan ng soup kitchen sa kada barangay at sitio. Madalas natin nakikita sa TV, nagre-repack ng ilang kilong bigas, nagbibigay ng ilang mga delatang sardinas, instant noodles, instant coffee. ‘Yung binagyo ang bahay, ‘yung inanod ang bahay at wala ng bahay. Pagkatapos ng picture-taking na mabigbay ‘yung relief pack pag-uwi niya sa bahay o sa evacuation center tititigan po niya ‘yon dahil ano ang gagamitin niyang pangsaing? Ano ang gagamitin niyang pang bukas man lang ng delata? Buti noon may susi ‘yung mga sardinas, ‘di ba may pangbukas, may abrelata. Ngayon wala na. Paano siya kukuha ng mainit ng tubig para sa kape o instant mami?
Kaya soup kitchen kami sa unang dalawang buwan. ‘Pag medyo nakakumpuni na sila, doon pa lang kami magbibigay ng sampung kilos o dalawampung kilo sa kada pamilya bilang panimula nila sa kanilang bagong tahanan o naayos na tahanan. Ilang bagay lamang bilang pagbabahagi ng karanasan namin.
H: Maraming salamat po, Sir.
Q: Isang tanong na lang, Sir, galing sa akin. ‘Yung problema natin ngayon ‘yung health care system natin. Isa sa mga problema ‘yon yung kulang na benepisyo, ‘yung mga frontliners natin, medical workers at the same time, ‘yung pinaka-importante kulang pa rin sa mga pasilidad ‘yung mga hospital tapos ‘yung mga doctor nurses natin nag-iibang bansa. Ito ang problema namin dito sa Negros Oriental na naranasan na naming. Mayroon pa rin mga pribadong ospital na humihingi ng mga downpayment. Ano po ang magagawa natin sa Senado?
CHIZ: Hindi lang dito, buong bansa ‘yan. Ang Sorsogon kung puwede kong, kung pahihintulutan niyo ako na magmalaki ng kaunti tungkol sa Sorsogon, ang nangungunang lalawigan pagdating sa pag-implement ng Universal Health Care. Mula noong isang taon no balance billing ang 9 na ospital na pagmamay-ari ng Sorsogon. Lahat ng RHU na walang ospital, binigyan naming ng xray at nang ultrasound para kumpleto ang radiologist serbisyo sa kada bayan naming. Kapag sinabi mong nangungu na sa UHC, ibig sabihin no balance billing kami sa lahat ng in-patient. Itong darating na Hunyo dahil sa Hunyo pa lang mare-release ‘yong e-Konsulta package ng UHC dahil qualified nga kami. Kaya na rin naming magbigay ng out-patient maintenance medicines. Ibig sabihin lahat ng may diabetes, lahat ng may hypertension, lahat ng may asthma, AIDS, nagbubuntis na nanay, nagpapasusong nanay pati na rin ang 0-5 na mga bata mabibigyan naming ng maintenance medicines at vitamins nila para mabawasan ang problema kaugnay sa pagkakasakit nila, pagtanda o ang paglaho ng panahon.
Ang UHC ay nandiyan na, batas na kailangan na lang ipatupad. Hindi lang naman puro batas ang kailangan gawin sa Senado’t Kongreso, malaking bahagi nun ay away at bugbog para gisingin ‘yong mga natutulog para gawin ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno ang trabaho nila. Dahil ika nga ng kasabihan, kung gusto palaging may paraan, kung ayaw palaging maghahanap ‘yan ng dahilan.
Q: Magandang hapon po, Senator. Kumusta ang biyahe natin patungong Dumaguete?
CHIZ: Maayos naman po.
Q: OK po sige.
CHIZ: At maganda.
Q: Hingiin ko lang ang reaksyon niyo po ano kung ano ang reaksyon mo tungkol sa mga sinasabi ng ilang mamamayan natin na mas nanaisin nilang iboto ‘yong mga baguhan kaysa sa mga beteranong katulad mo? Ano po ang reaksyon natin?
CHIZ: Desisyon ng ating mga mamamayan kung sino ang nais nilang iboto. Sa totoo lang, bawat isa sa atin baguhan man o beterano, mayaman man o mahirap, babae o lalaki, may hitsura o wala, tig-iisa tayo ng boto pagdating ng eleksyon. Malayang makakapili ang ating mga kababayan pero siguro sa parte ko, hindi ko kayang talikuran ‘yong responsibilidad at obligasyon na pwede kong maiambag sa bansa tulad ng binanggit ko kanina. Sa laki ng problema ng Pilipinas ngayon dulot ng pandemya, all hands-on deck dapat. Sino man ang may maiaalok, alokin na ‘yan. Sino man ang may maitutulong, itulong na ‘yan. Sino man ang may maibibigay, ibigay na ‘yan. Nais kong muling alukin ang aking karanasan, nais kong iambag anumang talent, galing o nalalaman ko sa muling pagbangon ng ating bansa. Dahil ‘yan ang kinakailangan sa ngayon. Pero sa dulo, taumbayan pa rin ang magpapasya kung sino ang nararapat at kung sino ang pipiliin nilang manilbihan sa anumang pwesto sa gobyerno.
Q: Follow-up lang po. Baka na-answer mo na ito kanina sa tanong ni Anthony, pero meron pa rin akong gustong itatanong po. Kasi bilang isang beteranong senador at alam naming kung gaano ‘yong mga ginagawa mo noong nasa Senado ka pa. Kapag tayo ay nailuklok muli bilang Senator, meron pa ba tayong dapat ayusin, dapat gawin kung baka sakaling maluklok tayong muli, Governor?
CHIZ: Noong huli akong nasa Senado, wala pang pandemya. Noong huli akong nasa Senado, hindi pa tinatamaan at hindi binibigyan ng sapat na tulong ang mga tinamaan ng Bagyong Odette. Noong huli akong nasa Senado hindi pa ganito kalaki ang utang ng ating bansa. Noong huli akong nasa Senado wala pa tayong pandemic response na puwedeng reklamuhan dahil walanghiya, kulang at hindi sapat. Nagbabago ang problema o suliranin na kinakaharap ng ating bansa. At iisa ang maipapangako ko sa iyo sa dami ng problemang ito hindi ito ang panahon para magpraktis, mag-OJT at doon pa lang matututo. Panahon ito para gampanan ang tungkulin ng may kakayahang magbigay tulad nang binabanggit namin siguradong direksyon, siguradong solusyon sa mabibigat na problema ng ating bansa. Iyan ang aking inaalay iyan ang dahilan kung bakit ninais kong tumakbo at ilagay ang pangalan ko sa dambana ng balota.
Q: Isa na lang po.
CHIZ: Basta tungkol sa pag-ibig, OK lang.
Q: Nais mo pa bang umibig nandiyan na si Heart. Ito na lamang po huli na lang. Kung gagraduhan natin si Pangulong Duterte, ano kaya gradong maibigay natin sa kanya tapos na kasi ang term niya?
CHIZ: Kung zero to ten ang pinakamataas ay 10 at passing ay 5 siguro ay 5. Bakit wala naman kasing paaralan na nagturo kung paano maging presidente sa panahon ng pandemya. Wala namang kursong mapag-aralan kung ano ang dapat gawin sa panahon ng isang pandemya. Huling nangyari ito mahigit isandaang taon nang lumilipas, 1920s pa, Spanish flu. Lahat ng eksperto noon lahat ng may karanasan tungkol matagal na pong pumanaw at namatay at hindi na naipasa yun. So bagaman hindi kataasan pasado pa rin maituturing dahil sinikap niyang gawin at gampanan ang kaya niyang gawin sa panahong ito na wala naman talagang eksperto at wala namang kursong nagturo kung ano ang dapat gawin.
Q: It’s been a problem to most Filipinos now. Is there something we can do if you are back in the Senate with regards to the prices of fuel of which we are affected?
CHIZ: Hindi lang kayo apektado. Mas mahal ang diesel at gasoline dito sa Negros Oriental at Visayas kumpara sa Metro Manila at sa Mindanao.
Q: Bakit?
CHIZ: Dahil sa logistics. Dini-deliver, kinukuha, inaangkat mula sa ibang bansa patungo sa Batangas at Mindanao bago ihatid dito. So iyon ang rason kung bakit mas mahal ang gasolina dito at kinakailangan itulak ng pamahalaan na magkaroon ng depot dito kung saan rekta na i-import para ‘yung presyo sikaping nating maging pareho halos sa buong Pilipinas. Ang presyo ng diesel dito ay nasa Php60 na kada litro. Iyan na ang pinakamataas sa kasaysayan siguro ng bansa. Sigurado ko mula noong ipinanganak ako iyan na ang pinakamataas.
Ano ang puwedeng magawa? Una, batas na magbabalik sa OPSF, Oil Price Stabilization Fund. Ito po ay ponding nilikom mula sa buwis na nakukuha sa presyo ng gasolina para sa gayon pagkamataas ang presyo magbibigay ng subsidiya ang gobyerno sa mga oil companies para huwag galawin ang presyo. ‘Pag mababa ang presyo, papasok ang pondo komite ‘yung Oil Price Stabilization Fund para may pondong maiiwan tuwing tataas na naman.
Bakit kailangan ito? Bakit importante maging stable ang presyo ng gasoline? Sa isang simpleng dahilan, kapagka-tumaas ang gasoline, tataas ang pamasahe, ang lahat ng presyo ng bilihin. Kahit bumaba ang gasolina mananatiling mataas pa rin ang presyo ng bilihin, ‘di ba? So nasa interest ng bawat isa, sinumang ekonomista, sinumang presidente na panatilihing mababa po iyan. Ang pangalawang dapat sanang ginagawa ay ito, noong nasa Senado pa ako nilagay ko po sa batas ýan hindi lang iniimplement at ginagamit ng kasalukuyang BIR. Ano po iyon? Binigyan po namin ng kapangyarihan ang BIR na babaan ang rate ng taxes na pinapataw sa gasolina VAT o excise tax man. Para sa gayon para tumaas ang presyo hindi kasama yung buwis sa pagtaas ng presyong babayaran natin.
Halimbawa po, kung 10% ang buwis ng halaga ng presyo ng gasolina kung dating Php40 ang diesel ang makukuhang pondo ng gobyerno sa tax ay Php4. ‘Pag tumaas kada litro, pag tumaas Php60 tulad ng presyo ngayon ng diesel, 10% pa rin ang buwis ang makukuhang tax ng gobyerno ay Php6 kada litro imbes na Php4 lamang.
Bakit kailangan pagsamantalahan at makinabang ang gobyerno sa pagtaas ng presyo? Bakit kailangan pa nilang dagdagan ‘yung mataas na presyo sa mas mataas na rate ng buwis. Binigyan na po namin sila ng kapangyarihan na ibaba iyun. Dahil kung ang target niyo ay makolekta ay apat na piso kada litro, dapat iyon pa rin ang target na makolekta kahit tumaas pa ang presyo ng diesel o gasolina. Dahil hindi lamang kasama sila sa pagpapabigat na dinaranas ng ating mga kababayan sa mataas na presyo ng gasolina’t diesel.
Q: So, Sir Chiz, through your efforts we have Republic Act No. 9504, if you can still recall, so what other bills do you have in mind that will give and impact to help the life of our low-income marginalized Filipinos?
CHIZ: Karamihan ng mahihirap nating kababayan na nabibilang sa sektor ng agrikultura. Noong una akong naupong senador ang budget po ng Department of Agriculture ay Php30-B, napataas naming ‘yan hanggang Php50-B o halos 40% pero kulang at mali pa rin, noong nawala ako tila napabayaan at napagiwanan na talaga ang kagawaran ng agrikultura, panalangin natin karamihan ng mahihirap na Pilipino nasa sektor na iyan, mangingisda, magsasaka, mga nagaalaga ng hayop, nagtatanim ng gulay, o gayundin umaasa sa iba’t ibang produkto at prutas. Pero ang budget na binibigay napagiwanan na, to site some examples, ang budget po ng Department of Agriculture ay Php80-B, sapat na lalala, lahat na ng attached agency, ‘pag suweldo, capital outlying, MOD, ang budget ng DND, Department of National Defense, hindi pa kasama ang pensyon, ay nasa mahigit kumulang nasa Php600-B. Ang budget ng DPWH ay mahigit Php800-B sa 2022. Biro mo, Php800-B ang budget para sa kalye mas marami namang magsasaka at mangingisda at nasa agrikultura, bakit ni walang 10% ng budget ng DPWH ang budget ng Department of Agriculture? ‘Yun pa lang mali na ‘yon. Ika nga sa wikang ingles “put your money where your mouth is.” Kung hindi mo lalagyan ng pera ang isang bagay na tingin mo ay mahalaga at importante at malapit daw sa puso nila, wala ka talagang magagawang malaking pagbabago.
Simulan natin sa paglagay ng tamang budget sa sektor na ‘yun para matulungan ang pinakamahihirap nating mga kababayan, dahil sa ibang bansa hindi mahirap ang mangingisda, hindi mahirap ang magsasaka. Sa ibang bansa, sapat ang kinikita nila at taas-noo silang nagtatrabaho at kumikita ng tama at sapat at wasto. ‘Yun ang kailangan nating gawin at patunayan sa mga magsasaka at mangingisda natin na sa ngayon po ay tumatanda na. Dahil lahat ng mangingisda’t magsasaka maliban na lang kung may ipapakilala sa akin kahit isa, lahat ng mangingisda at magsasaka pangarap nila para sa anak nila maging doktor, maging nurse, maging teacher, maging pulis, maging abogado hindi nila pinapangarap maging mangingisda’t magsasaka tulad nila sa hirap ng buhay. Hangga’t hindi natin napapatunayan na puwede silang kumita at kumite ng sapat, patuloy na tatanda na ang mga nagbibigay ng pagkain sa lamesa, tatlong beses sa isang araw.
Q: Bonus question, Senator Chiz. Sir, you have an experience being a senator and a governor, a legislator and an implementer. I heard that in your platform, you want full autonomy for LGUs. Would you kindly expound more on this, Sir Chiz?
CHIZ: Definitely. Ang dami kong natutunan na wala sa batas na ipinapatupad pala ng DBM, DILG at COA at Civil Service Commission. Halimbawa, anumang budget na maipasa ko- pondo namin ha, IRA namin. Locally-generated revenue naming katulad ng Negros Oriental alam ninyo ba na kailangan pa iyong aprubahan ng DBM? Wala sa batas iyon ha. Wala sa deregulasyon. Kapag may item kami sa budget namin na ayaw ng DBM, hindi namin puwedeng gastusin ang sarili naming pera para doon. May gusto kaming i-create na item dahil kailangan ng probinsya namin. Aba, hindi namin puwedeng i-create kung hindi pumayag ang DBM at ang Civil Service Commission naman. Hindi yata tama iyon pero amin iyon e. Pera namin iyon. Ngayon, kung subsidy o granted galing sa national government, e di sige magbigay kayo ng menu. Sabihin ninyo sa amin kung paano gagastusin iyan. Pero, kung amin ang pera at sa amin galing, wala na dapat pakialam ang national government. Wala po sa batas iyan. Nagturo ako ng local government code noon sa UP College of Law. Ito ay nasa regulasyon ng DBM, COA at ng DILG.
Kung ano ang ipinapagawa sa amin ng DILG at DOH sa gitna ng pandemya na hindi naman bagay sa aming lalawigan. Angkop at bagay lamang sa Metro Manila o CALABARZON. Sa totoo lang mas maraming best practices ang mga lalawigan na puwedeng matuto ang DOH at IATF imbes na kami ay susunod sunod na lamang sa kanila. Mas alam ng mga lokal na opisyal ang kailangan at dapat gawin sa kani-kanilang lalawigan. Hindi sinumang secretary- maski presidente pa. Gaano man siya kagaling o katalino dahil hindi naman nila nakikita ang nakikita naming. Hindi niya nararanasan ang nararanasan namin at palagi lamang siyang nakaupo ng madalas sa kanyang air-conditioned na opisina sa Maynila. Ni hindi man lamang tumatayo para tanawin ang ating kalagayan mula sa mga kanayunan at malalayong probinsiya. Dagdag pa doon, ang Mandanas ruling ay oo tumaas ang IRA natin. Ang halaga ay 855 billion. Ang idinagdag na IRA para sa barangay, munisipyo, syudad at probinsiya. Iyong bilyong pinirmahan ng Executive Order ni Pangulong Duterte, nag devolved ng funds na ang halaga ay doble no’n- P1.4-T.
Tumaas nga iyong IRA, iyong responsibilidad at trabaho naman ay dinoble at pagdating ng 2023 ay babagsak ang IRA sa tinatayang 27-28% na dapat paghandaan ng susunod na president at ng Kongreso. Isipin ninyo, kapag ginamit ng mga LGU iyong pondo para mag-create ng mga permanenteng item, next year kulang ang IRA nila pang-suweldo sa mga item na iyon. Huwag na nating pag-usapan iyong bayad-utang. Huwag na nating pag-usapan ang bagong proyekto. Huwag nating pag-usapan ang MOE. Suweldo pa lang parang kulang na.
Sa totoo lang, sa bigat ng problema ng ating bansa, nagugulat at nasusurpresa ako kung bakit ang daming gustong mag-presidente. Dahil ang hirap ng mga problema na kakaharapin niya na sa ngayon ay naghihintay pa ang marami ng kanilang natutunan, sagot at plataporma sa mga bagay na iyon.
Q: (News Director Fil Products Cable channel 6, Mr Neil Meriyan) Magandang hapon po Governor. First, kumusta naman po ang naibigay na nating mga tulong sa Negros Orriental, tapos iyong mga naging biktima sa Bagyong Odette. Pangalawa, kung babalik kayo sa Senado, ano po ang mga batas na maipapasa natin para sa ating disaster response?
CHIZ: Una, nagbigay tulong ang Pamahalaang Panglalawigan ng Sorsogon sa Pamhalaang Panglalawigan ng Negros Oriental. Personal din akong nagbigay ng tulong sa pamamagitan ng tulong na iniabot sa akin at pinadaan sa akin ng aking mga kaibigan. Hindi ko na minabuting magpunta rito dahil makakaabala lamang sa ginagawa ng air force ng mga panahon na iyon dahil aasikasuhin pa ang pagbisita ko rito. Importante, tiniyak namin na nakarating ang nakayanan naming tulong para dito at hindi na kailangan pang ipagmalaki at ipagsigawan pa.
Kaugnay naman sa tulong kailangan at dapat gawin o puwedeng gawin, nabanggit ko nga kanina. Kung gawin lamang ang mga ginagawa namin sa mga typhoon prone areas sa Eastern Sea board ng bansa sa mga lugar katulad ng Negros Oriental na kahit na bihirang bagyuhin hindi naman kawalan na maging handa rin. Isang bagay ‘yon. ‘Yon ang dapat idagdag sa ating NDRRMC Law. Pangalawa, gaya ng sabi ko kanina. Ang pagpasa ng Odette rehabilitation and relief package para sa lahat ng lalawigan at taong naapektuhan ng Bagyong Odette na hindi po gaanong kalayo sa dami at bilang ng naapektuhang tao, nasira ang bahay ng apektadong lugar sa bagyong Yolanda na tila mas nakakuha ng atensyon sa media kaysa sa Bagyong Odette.
Q: (inaudible) I was wondering about promises benefitting the ELCAC. We have several na mga barangays (inaudible). Tell us more about what you think about ELCAC budget.
CHIZ: Ang whole-of-nation approach ay hindi bago. Hindi ito solong approach ng Philippine Government. Ito ay inungkat at kinuha mula sa United Nations policy tsaka ganyan din mga programa. Ang whole-of-nation approach ika nga sinasabi hindi naman puwedeng bala, bomba at baril lamang ang gamitin natin para labanan ang komunismo o teroristang grupo sa ating bansa. Dapat whole-of-nation na kasama ang pag-unlad at pagtulong.
Ang Sorsogon labing-anim na barangay ang nabenepisyuhan ng Php20-M kada barangay na malaki ang pagbabago o pagtulong na naidulot sa mga barangay na ‘yan. At kung mapapansin po ninyo, malaki na rin ang naging pagbabago sa orientation ng Armed Forces of the Philippines. Ika nga, hindi na lamang ang pagsugpo, pagpatay, paghuli sa kaaway ang kanilang ginagawa. Sila’y nakikilahok na tinatawag nating winning the hearts and minds of the people. Kaya nga may NTF-ELCAC at kaya may pondo na barangay development program. At nakita ko rin ang pagbabago sa amin marami pa ring infested, influenced barangays. Alam niyo mas ini-encounter ang puwede mong sabihin na ‘pag may nasugatan na kalaban ng militar, sila pa ang naghahatid sa hospital namin sa probinsya. At kung pumanaw o namatay, sila rin ang naghahatid sa pamilya kung tiga doon noong nabaril sa isang encounter. Malaki na ang pinagbago pati pagdating sa karapatang pantao siguro natodo na rin. Hindi nila makuha ang retirement kung may kaso sila. Hindi mapo-promote ‘pag may human rights case. So naging mataas na ang pagrespeto sa karapatang pantao na marami sa ating mga kasundaluhan at opisyal. Tingin ko hindi lamang barangay development program pero pati ‘yung orientation na ‘yon ang rason kung bakit marmaing nanunumbalik sa loob ng batas, sa loob ng ating republika. Maraming sumusuko at nawawala o nababawasan ng impluwensya ng armadong grupo ng CPP-NPA sa ilang mga barangay at munisipyo sa ating bansa.
Q: So ELCAC must continue po and need more budget po?
CHIZ: I think it should because of priority niyan ay sa mahihirap na barangay na nagkataon ‘yon ang pinagsasamantalahan ika nga sa mga isyu laban sa pamahalaan. Ang barangay development program at NTF-ELCAC pinapakita muli na may malasakit pala at concern ang pamahalaan sa kanila kahit malayo ‘yung kanilang lugar.
Q: Magandang hapon po, Governor. My concern is about education. We know that you are campaigning for improvements in our education. And you know in your province you have a premium on education. What could be more we do in our education sectors especially that we’re going towards a normal education?
CHIZ: We should implement fully the free tertiary educational which I was a part in project when I was in the Senate. Hindi lamang naman ang ibig sabihin ng batas na ‘yon ay libre ang state colleges and universities. May importanteng bahagi component ‘yon ‘yung tinatawag nating TES (Tertiary Education Subsidy). Ito ang pambayad sa tuition at allowance na puwedeng ibigay sa mga estudyante na nag-aaral sa private schools. Ginawa namin ‘yan para hindi malimitahan dahil kung minsan wala namang kursong inaalok sa public school system natin sa state universities and colleges na private lang ang nag-aalok. Halimbawa, doctor kulang kami sa Sorsogon, nurse kulang kami sa Sorsogon. Ang State University walang kurso sa medicine, walang kurso sa nursing, private school lang ang meron. So ang ginawa po namin, dinagdagan naming at tinulungan naming mag-apply at mag-qualify sa test ‘yong mga nais mag-nurse at doctor na mga tiga-Sorsogon para may constant supply kami ng nurse at doctor at hindi kami maubusan o magkulang. ‘Yong mga binata at dalaga, marami kaming pinapakilalang mga tiga-Sorsogon para doon na din sila mag-asawa dahil kapag nakapag-asawa sa ibang lugar, iiwanan din kami nun at hindi kami babalikan na.
Nagtayo din kami ngayon ng kauna-unahan sa buong bansa ng residency program para sa family medicine specialization. Ngayon meron kaming 32 doctor na estudyante sa residency program na ‘yon para doon na sila mag-residency sa provincial hospital at 8 pa naming level 1 infirmary hospitals para hindi kami din mamroblema. Madalas sa mga resident sa mga ospital na pribado, sila pa ang nagbabayad parang tuition fee sa mga ospital, kami sa Sorsogon binabayaran namin ang students ng sweldo na tama at dapat para sa isang doctor para sana kalian man hindi na kami magkulang ng doctor at nurse tulad ng naranasan naming sa mga nagdaang panahon.
So bilang sagot sa inyong katanungan, tamang pagpapatupad ng tertiary education ang isa sa tutukan ko at kung may kailangan mang lehislasyon at pagbigay ng karampatang tulong at subsidiya sa mga pribadong eskwelahan. Bakit? Hindi naman kaya ng public education system na pag-aralin ang bawat Pilipino. Katuwang, katulong at partner ng gobyerno ang mga private educational institutions na tila napapabayaan at nahihirapan i-maintain ‘yong kanilang mga eskwelahan. Isang halimbawa lang kung bakit, mas mataas na ang sweldo ng public school teacher kaysa private, elementary o high school teacher. Kaya karamihan umaalis sa mga private high schools at elementary at nagpupunta sa public school kung saan may permanenteng item. Hindi dapat magkumpitensya ang private at public educational system o schools dapat nagtutulungan sila dahil hindi kakayanin ng gobyerno mag-isa ‘yan. Kailangan pa rin naming ng tulong ng private educational institutions. ‘Yan ang isang nais kong bigyan ng daan at tutukan na muling buhayin at panatilihing matatag, malakas ang mga private educational institution sa bansa.
Q: Follow-up ko lang po. Most of the teachers we’d able to interview po, they have noticed sorry for the term but degraded quality of education in the past few years since the pandemic started. In your experience in your province, what can we improve in this level of education na parang online or module na for them it’s not really that defective.
CHIZ: Hindi naman totoo ‘yong online, sa totoo lang. Halos sa buong bansa o maraming lugar sa bansa, modular ang learning at hindi online learning, ni hindi blended dahil wala namang signal sa bundok. ‘Di ba, purely modular at hindi talaga matututo ng parehas ang bata. Sa Metro Manila siguro namimigay sila ng tablet doon. Sa ilang barangay sa aming lalawigan kahit dito siguro, mamigay ka man ng tablet, wala namang signal aanhin nila ‘yong tablet?
Para po sa akin, payagan na ng DepEd ang face-to-face classes. ‘Yon lang ang tanging paraan para matutong muli ang ating mga kababayan lalo na ang kabataan. Halimbawa, sa Sorsogon 40% ng aming mga barangay ang may kaso ng COVID mula noong simula. 60 percent ng mga barangay naming out of 541 ni minsan hindi pa nagkaroon ng kaso ng COVID. Bakit hindi magpe-face-to-face sa mga barangay na ‘yon? ‘Yong mga teacher naman doon din nakatira sa barangay, elementary at high school lang ang sinasabi ko. Ang una pa nilang pinayagan ay college. Samantalang ‘yong elementary at high school pwedeng bubble ‘yon, nandoon ‘yon sa iisang lugar lamang.
Pangalawa, una pa ngang pinayagan ang sabong kaysa sa face-to-face classes, face-to-face sabong na ngayon hindi lang e-sabong. Sana naman ikonsidera ng DepEd ‘yun dahil nakita na natin ang ugali ng surge ng COVID-19. Tatagal ‘yan pinakamatagal isa’t kalahating buwan. Ang pinakamabilis na surge tatlong lingo tapos na ‘yan. ‘Pag nagkita ang positibo kaso at recovery at mas mataas na ang recovery sa bagong kaso bababa na ‘yan.
Hindi ako sang-ayon sa ginagawa ng DOH at IATF na nakabase sa positivity rate kahit kailan hindi namin ginamit sa Sorsogon. Bakit? Sampu ang nagpa-test, pito ang nag-positive 70% positivity rate ay Alert Level 3 kayo. Bakit tinest niyo ba lahat? Ang nagpapa-test ‘yung may sipon, ‘yung may lagnat, ‘yung may nararamdaman. Malamang sa malamang positibo talaga ‘yan, ‘di ba? Kasi wala namang nararamdaman ‘di naman nagpapa-test. Ngayon kung may mass testing, ‘di ibase natin sa positivity. Pero kung walang mass testing tingnan natin ‘yung bagong bilang ng kaso. Tingnan natin ‘yung recovery. ‘Pag mas marami nagre-recover sa ibang kaso ibig sabihin makupad, pababa na, patapos na ang surge. So ‘pag natapos ‘yun mag-resume ulit tayo ng face-to-face.
Hindi natin puwedeng patuloy na payagan na apektuhan ang buhay ng 97% na mga kababayan natin habang ang tinamaan ng COVID ay wala pang 3%. Ang namatay dahil sa COVID mahal sa buhay, kaibigan, lahat tayo meron nun. Wala pa ngang kalahati ng isang porsiyento ang nagpositibo. ‘Pag sinuri natin ang yugto ng ating kasaysayan natin papakita natin mas marami tayong kababayan ang naghirap o baka namatay pa dahil sa pandemyang ito hindi dahil sa sakit dahil sa epekto ng pandemyang dulot ng kahirapan sa buhay, hanapbuhay at trabaho.
Q: Ano (inaudible) survey?
CHIZ: I was a student of numbers and I believe in surveys. Ang pinipili kong paniwalaan survey kung ako ay kandidato kung may tinutulungan akong kandidato ang payo ko ay simple palagi ang payo ko rin sa sarili ko ‘yun. Anumang survey na pinakamababa ka iyon ang paniwalaan mo. Huwag mong paniwalaan pinakamataas ka. Kung hindi man totoo na mababa ka at nagtrabaho ka pa rin ng puspusan, ‘di mas mataas ka. Kung ang pinaniwalaan mo ‘yung mataas, mababa ka pala baka sa dulo maski na dose ang kukunin hindi ka pa makapasok sa magic 12.
Naging ugali ko na ang mataas man o mababa ang survey hindi magbabago ‘yung plano ko gawin sa isang kampanya. Ang hindi dapat magyabang sino mang mataas hindi dapat magalit o mainis ‘yung nasa mababa. Mahaba pa bago dumating ang araw ng halalan. Marami pang mangyayari at puwedeng mangyari at nakita na natin ‘yun sa mga nagdaang panahon. ‘Yung dating lamang sa dulom, natalo. ‘Yung dating dehado, sa dulo nanalo. So lahat ng tumatakbo mataas man o mababa trabaho lang tayo lahat, magsipag lang tayong lahat. Siyamnapung araw lang ito, manalo o matalo ka man puwede kang magpahinga makalipas ng siyamnapung araw ang pinakamasakit ‘yung nagpahinga ka ng siyamnapung araw at mainit ang ulo mo sa susunod na limang taon dahil hindi ka nanalo.
Q: Ano po ang puwede pang gawin diyan sa West Philippine Sea?
CHIZ: Ang isang bagay na hindi pa ginagawa at hindi ko alam kung bakit hindi ginagawa. Ang mga Pilipino, karamihan, military diyan naninirahan para patunayan na pagmamay-ari natin. Nakatira sa lumang barko sinadsad natin diyan bilang tahanan nila. Magkano ba ang Php100-M para magpatayo tayo ng settlement area diyan? Magkano lang ba iyon para magpatayo ng permanenteng istraktura diyan bilang tanda na pagmamay-ari din? Hindi ‘yung lumang barko sinadsad lang na nagsisilbing tahanan ng mga Pilipinong ninirahan diyan. Ano ba naman ‘yung magbigay tayo ng hanapbuhay sa nais manirahan diyan at insentiba para magkaroon ng settlement diyan na mabuhay ang tao ng normal na may hanapbuhay bilang patunay na pagmamay-ari din natin sa lugar na iyan. Isang bagay para sa akin para huwag pakawalan, pagbitiwan o mawala sa atin ang ating claim at pagmamay-ari sa West Philippine Sea at mga isla sa West Philippine Sea.
Q: Finally, Governor Chiz, sabi ni President Duterte before his term expires, ‘yung campaign against illegal drugs ay ma-solve na. Ano pa ba ang kulang na do we need additional laws against illegal drugs?
CHIZ: Hindi po. Ang paniniwala ko anumang bagay na napakalaking problema tulad ng droga, tulad ng corruption, hindi mo yan mabubura’t ma reresolbahan sa pamamagitan ng paghuli sa mga maliliit na nagbebenta o maliit na nagnanakaw. Mapipigilan mo lang ‘yan kung sa puno mo pipigilan, ano ibig sabihin nun? Wala naman tayong raw materials sa paggawa ng drogang binebenta dito sa Pilipinas, shabu man o cocaine. Lahat po iyan ay nanggagaling sa labas, pigilan mo ang mga supply mas mababawasan mo ang supply, papasok ang law ng supply and demand tataas ang presyo hindi iyan mabibili ng mas nakararami sa ating mga kababayan. Mas madaling hulihin dahil malaking pera ang pinaguusapan.
Alam mo, iba sa laki ng problema sa droga ng Amerika. Alam niyo ba na iyan ang pangunahing rason kung bakit hindi sila naglalabas ng 500-dollar bill, 200-dollar bill o 1,000-dollar bill o 10,000-dollar bill? Sa laki ng halaga na involved sa droga makapagtago man ng ganong kalaking salapi o pera napakarami mong kailangang itagong tig-iisang daan na dolyar. Kasama iyon sa pakikibaka nila sa droga, sa money laundering at pagnanakaw.
Tayo, mukhang maglalabas na tayo ng 5,000, 10,000 ‘di mas madali pang itago ‘yun, nakaw man o galing sa droga. Pigilan natin sa puno, sa supply sa pinanggalingan, ‘yun ang pinakamagandang paraan para mapigilan din ang pagkalat at pagdami ng droga sa ating bansa kahit ilang milyong ang hulihin natin na nagbebenta na kung ilang gramo d’yan sa kalye, hindi titigil ang pagbebenta hanggang may kita pa sila pero kung bawasan, pigilan at tanggalin natin ang supply. Wala akong nakikitang dahilan para hindi bumaba ang gumagamit at nagbebenta ng droga sa ating bansa.
Q: Alright! Thank you so much, Governor Chiz Escudero for all those questions that you’ve answered on our press conference and by the way this is also live over on Facebook. Now can we have your parting message, Senator Chiz?
CHIZ: Sa muli, maraming salamat at karangalan ko ang makapiling ko kayo, personal na makabalik dito sa Dumaguete, sa Negros Oriental. Ang panawagan ko lamang ay dalawa, maniwala sana, magtiwala tayo at manampalataya na magwawakas din, matatapos din, lilipas din ang pandemyang ito sa hindi malayong hinaharap.
Sana ‘pag handa na ang bawat isa sa muling pagbubukas ng Pilipinas at ng mundo, sana handa tayo at may sapat pa tayong lakas para harapin ang mga bagong hamon at pagsubok na maaaring ibato sa atin ng tadhana bilang isang bansa at bilang isang lahi at sa darating na halalan. ‘Wag natin sayangin ang ating kapangyarihan at karapatan bumoto at pumili ng mga magiging lider natin sa susunod na tatlo at anim na taon. Sana piliin natin ‘yung may kakayahan na magbigay hindi lamang ng solusyon pero siguradong solusyon at direksyon sa mabibigat na problemang kinakaharap natin.
Tulad ng sinabi ko kanina, hindi ito ang panahon para mag practice, hindi ito ang panahon para, ika nga, mag-OJT at hindi ito panahon para mag eksperimento. Para ito sa mabilis na aksyon dahil sa mahabang panahon, matagal tagal na rin namang inantay ng ating mga kababayan hindi lamang yung tinamaan ng kalamidad ng Bagyong Odette, gayundin ‘yung patuloy na nagdurusa sa kalamidad na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa muli po, maraming salamat. Karangalan ko po makasama kayo sa hapong ito. Thank you ang good afternoon! Maayong hapon ug daghang salamat!