ENERGY AGENDA, DAPAT MAGING PRAYORIDAD NG SUSUNOD NA ADMINISTRASYON – CHIZ

 

Inihayag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na dapat isali ng susunod na administrasyon sa mga pangunahing prayoridad nito ang energy agenda upang maiwasan ang posibleng krisis sa kuryente at masiguro na mayroong pangmatagalang estratehiya ang bansa para sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente bilang paghahanda na rin sa pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.

“Nitong panahon ng pandemya, maraming lugar pa rin ang nakaranas ng brownout. Paano pa kaya kung tuluyan nang magbukas ang ekonomiya ng bansa?” ani Escudero. “Ngayon pa lang, dapat ilabas na ng mga nagnanais na pumunuan ang bansa matapos ang administrasyong ito ang kanilang energy and power development program.”

Ayon sa Department of Energy, bumaba nang mahigit 4% o 101,756 gigawatt hours (GWh) ang konsumo sa kuryente sa buong bansa noong 2020 dahil sa Luzon-wide lockdown na nagpahinto sa operasyon ng mga negosyo sa rehiyon, subalit tumaas sa 34,292 GWh ang konsumo ng mga kabayahan mula sa dating 30,552 GWh lamang noong 2019.

“Matagal nang problema ang kakulangan sa kuryente. Taun-taon na lang kada panahon tag-init, kada summer months ay sinasalanta tayo ng brownout pero mataas pa rin ang singil sa kuryente. Hopefully, mabigyan na ito ng pangmatagalan at permanenteng solusyon,” ani Escudero.

Aniya, isang solusyon sa problema ang paggamit ng “clean and affordable energy” na isinulong ni Escudero nang pamunuan nya ang Committee on Environment and Natural Resources sa Senado noong 2016, at pati na ang paggawa ng isang bagong batas para suportahan ang Updated Philippine Energy Plan (PEP) 2018-2040 na nananatiling nakabinbin sa Senado at Kamara.