ESCUDERO INENDORSO NG MAIMPLUWENSIYA SA E. VISAYAS NA AN WARAY PARTY-LIST

 

Nagpahayag ng buong pagsuporta ang An Waray, isang party-list group na may malaking impluwensiya sa Eastern Visayas (Region 8), sa kandidatura ni Sorsogon Governor Chiz Escudero para sa Senado sa darating na halalan sa Mayo.

Ang pag-endorso ay personal na ipinaabot mismo kay Escudero ng kasalukuyang An Waray Rep. Florencio “Bem” Noel na ang grupo ay gumawa pa ng isang campaign advertisement para sa beteranong mambabatas na kumakandidato para sa bagong anim na taong termino sa Senado.

Ang An Waray ay isang party-list group na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor na nagsusulong ng mga programa ukol sa bayanihan, kapayapaan, at progreso.

Ang pag-endorso ng An Waray ay isang bagong karagdagan sa dumaraming pagsuporta ng mga grupong politikal, kandidato, at mga kasalukuyang opisyal sa kandidatura para sa Senado ni Escudero na kabilang sa mga dala-dalang plataporma ang pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan at ang pagtulong sa pagbabangon ng bansa mula sa pandemya.

Ang mga party-list na group na ARISE, Ang Kabuhayan, Kusog Bicolandia, at Magdalo ay nagpahayag na rin ng solidong pagsuporta sa kandidatura para sa Senado ng batikang mambabatas na isang senador na two-termer bago nahalal na gobernador ng Sorsogon noong 2019.

Noong nakaraang taon, si Escudero, na palaging nangunguna sa iba’t ibang independent pre-election surveys, ay kinuha sa senatorial slates ng mga tambalan nina Vice Pres. Leni Robredo at Sen. Francis Pangilinan; Sen. Ping Lacson at Senate Pres. Tito Sotto; at Sen. Manny Pacquiao at Rep. Lito Atienza.

Si UniTeam vice-presidential candidate at kasalukuyang Davao City Mayor Inday Sara Duterte ay inendorso na rin si Escudero at pati na ng mga alkalde mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Eastern Samar na nabibilang sa League of Municipalities of the Philippines o LMP.