FACTS FIRST

 

CHRISTIAN ESGUERRA (CE): Ang pag-uusapan po natin ngayong gabi ay ‘yung Maharlika Investment Fund. ‘Yung version po ng Senate ay pasado na po. Actually, inumaga po sila sa pagbusisi at pagpasa nitong panukalang batas na ito na certified as urgent by President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Pero, basically, magkakaroon pa po ng bicam at ire-reconcile po ‘yung dalawang versions na lumabas po from the House and, of course, coming from the Senate. So titingnan natin gaano ba kalayo o kalapit ang dalawang bersyon na ito and, ultimately, the more important question is, makakabuti po ba sa atin ito? May mapapala ba tayo rito bulang ordinaryong Pilipino? Makakasama po natin ngayong gabi, isa po sa mga senador na bumusisi dito sa panukalang batas na ito, I’d like to welcome to our program for the first time si Senator Chiz Escudero. Magandang gabi Sir, and thank you for joining us here in “Facts First.”

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Christian, magandang gabi sa ‘yo at sa lahat ng tagasubaybay mo magandang gabi rin. Good evening. Christian, may iko-korek lang ako sa aking pagkakaalam ay ewan ko kung nagse-session pa ang Kamara ay wala ng bicam ito.

CE: Wala na ba?

CHIZ: Ia-adopt ng Kamara sa aking pagkakaalam ang bersyon ng Senado at malayo, malaki ang pagkakaiba ng dalawa. Sinabi ko noong simula pa lang, ewan ko kung na-monitor mo, noong aming binubusisi ito sa komite na hindi mo na makikilala ang itsura, hugis, at kulay ng Maharlika Investment Corporation or Fund na ipapasa ng Senado kumpara sa ipinasa ng Kamara na talaga namang minadali at kulang sa pag-aaral at pagbusisi.

CE: So ibang-iba ‘yung version ng Senate sa House? Wala ng bicam at ia-adopt na nila yung Senate version? As in final na ‘yon?

CHIZ: ‘Yon ‘yung balita ko kagabi, Christian. Pero siyempre depende sa Kamara ‘yan inter-chamber courtesy dictates. Hindi ko naman sila puwedeng pangunahan. ‘Yon lamang ang balitang nakarating sa amin kagabi.

CE: Mas mabuti ba ‘yan kung ia-adopt na lang nila ‘yung Senate version? Would that be better?

CHIZ: Well, kung talagang gusto nilang umabot sa SONA ‘yan na lang ang tanging paraan na nananatili. Kung gusto nilang bigyan ng panahon pa tulad ng aming payo na busisiin pa, kumpletuhin yung requirements bago ito ipasa para hindi ito makuwestiyon at marahil ma-struck down ng Korte Suprema. Nasa kamay ng Speaker at ng Senate President at ng Pangulo ang bola.

CE: OK. O sige pag-usapan muna natin ‘yung desisyon niyo officially dito sa batas na ito. Nakita ko online maraming bumabanat sa inyo. Actually, when I introduced you as tonight’s guest may mga nag-comment on social media sinasabi bakit daw kayo ini-invite ko ay hindi naman kayo bumoto. So, ano ba officially ang boto niyo? You didn’t participate? Tama ba?

CHIZ: Did not participate, bumoto ng no, nag-abstain, Christian, pareho lamang naman ng suma-total nu’n. Ang binibilang kung papasa ang isang panukalang batas, alam mo ‘yan matagal kang nag-cover ng Kongreso, ay ‘yung bilang ng affirmative votes at dapat majority of quorum ‘yan. Kung ilan man ang nag-abstain, bumoto ng no o wala du’n sa botohan, hindi pwedeng mabilang sa pagpasa ng batas. Akala ko kasi, Christian, hindi aabot, hindi nila tatapusin ng madaling araw at kinaumagahan na kaninang hapon pagbobotohan ito dahil napakahaba noong amendments ng komite mismo bagaman substitute bill ito at napakarami pang amendments nung aming mga kasamahan. Tulad ng madalas kong sinasabi, anumang bagay na minadali mo hindi maganda ang kinalalabasan. Maligo ka ng mabilis, may parte ng katawang hindi ka makukuskos. Kumain ka ng mabilis, baka maimpatso ka. Ganoon din ito pero ang epekto nu’n nag-abstain man, uulitin ko, did not participate o bumoto ng no pare-pareho ang bilang nu’n hindi sila sumuporta at bumoto para sa panukalang batas na ito.

CE: Pero for the record bakit niyo ‘yon yung naging desisyon niyo? Why didn’t you vote officially as no or why didn’t you officially abstain o you didn’t participate?

CHIZ: Uulitin ko, akala ko kasi ang botohan ay ngayong hapon pa lamang kaninang hapon pa lamang hindi nila tatapusin ng hanggang madaling araw. Pangalawa, hinihintay ko, Christian, ‘yung hinihiling ko na test of economic viability dahil kung wala ‘yon bilang isang abogado. I cannot in good conscience vote for it aside from other questions or reservations that I have.

CE: OK. Puntahan natin mamaya ‘yung test of economic viability kasi kaya ko kayo in-invite napanood ko ‘yung inyong manifestation. Pero bago ‘yon, can you honestly say after the proceedings kasi talagang mabilis ‘to because this is certified as urgent by the President. Can you honestly say looking back that the Senate stood its ground na talagang nag-independent ang Senado sa pagbusisi nitong Maharlika Investment Fund Bill?

CHIZ: Well, compared to the House my answer is, definitely Christian, dahil iba nga na itsura, hugis, kulay at porma nito at malayong maraming safeguard. Malayong maraming limitasyon ang nailagay dito bago ito maipasa at, kung ia-adopt nga ng Kamara, mas maganda namang bersyon ito kumpara sa ipinasa nila. Hindi man perpekto, mas maganda at mas maayos ito. May posibilidad pa rin na may mag-abuso pero tulad naman ng ibang panukalang batas at ibang batas may mga umaabuso naman talaga. Ang tanong lang ay kung mapapanagot sila at kung may paraan ba para malaman sa madaling panahon ‘yung pag-aabuso nila.

CE: OK. ‘Yun namang certification as urgent nung bill kasi may nagku-question din nun ‘di ba? Under that category ba iyong Maharlika Investment Fund Bill to justify its certification as urgent?

CHIZ: Alam mo, Christian,  bumabangon pa lamang tayo mula sa pandemya na tinamaan tayo ng dalawang taon, bumagsak ang ating ekonomiya na negatibo. Para sa akin masyado ng maliliit na bagay ang pinagdedeskusyunan natin kung sasabihin pa natin na illegal ang pag-certify and, therefore, ilegal ang pagpasa on second and third reading sa iisang araw tulad ng ginagawa ng Senado. Mas tatayuan ko at mas gusto ko sanang tayuan ‘yung substantive constitutional at hindi lamang simpleng procedural issues tulad ng legal ba o hindi ang sertipikasyon dahil political question ‘yan, Christian. Puwede namang sabihin ng pangulo, halimbawa, hindi pa ba ninyo nararamdaman yung hirap at higpit ng ekonomiya natin ngayon? Hindi pa ba ito ‘yung urgency na maitatawag o kalamidad na maituturing para gumawa tayo ng ilang hakbang? Magtagumpay man ito o hindi sa pananaw ko isa ito sa mga paraan para maresolbahan ito. Mas tatayuan ko at mas pipiliin kong labanan kung saka-sakali, Christian, ‘yong substantive issues tulad ng binanggit ko na hindi pagsunod sa requirement ng Saligang-Batas sa pagtatatag ng isang GOCC.

CE: Sir, favor pala, baka puwedeng mas lumapit kayo sa mic para mas madinig nila kayo.

CHIZ: Sorry.

CE: Medyo mahina ng kaunti. OK, sige substantive issues tayo ‘no doon muna tayo sa talagang nagpasakit sa ulo ng maraming nagmo-monitor nito including myself. Siguro lahat ng mga naghuhulog sa SSS atsaka mga kawani ng gobyerno sa GSIS talaga bang safe na ‘yong pera nating lahat dito pagdating sa Maharlika Investment Fund? Malinaw ba na hindi gagamitin for capital yung GSIS at SSS funds?

CHIZ: Maliwanag ‘yung probisyon pero noong nagpahayag sa isang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na bawal sa initial capitalization pero pwede na matapos ang initial capitalization. Sa pagkakaunawa ko, sa amendment ng Senado ay bawal, initial man o pagkatapos ng initial capitalization mag-invest itong mga pension funds na binanggit, lima ‘yan, Christian, na inilgay ng Senado na hindi puwedeng mag-invest diyan. Sa totoo lang, ‘yung mga kasamahan ko sa Senado na bumoto, pabor dito sa hindi nila pagsama ng mga pension funds na mag-invest sa Maharlika. Nagpapakita ng kakulangan sa ngayon at least ng tiwala o paniniwala sa kakayahan ng pondong ‘yan na kumita at maprotektahan ang investment ng mga pension funds.

CE: OK. Binabanggit niyo rin kasama yung PhilHealth,‘no, tapos ‘yung Pag-ibig, OWWA, Philippines Veterans Affairs Office, tapos ‘yung Home Development Mutual Fund.

CHIZ: Yes.

CE: Pero sa letra doon sa probisyon ng Senate version as in malinaw, not for the initial capitalization or ever hindi puwedeng i-invest ang pera dito sa mga pondong ito?

CHIZ: ‘Yon ang intensyon. Base sa debate, hindi man ‘yan naiklaro baka nag-compromise-compromise sila kagabi. Hindi man ‘yan naiklaro ‘yan ang intensyon nung ginawa ‘yang amendment na ‘yan. Bahagi, Christian, ng anumang batas na ipinapasa ng Kongreso ang intensyon ng Kongreso kung may magkaibang interpretasyong ibinibigay ang executive man o ang publiko.

CE: Ito naman procedural question pero very substantive ito, ‘no. So kung sinabi niyong ia-adopt ng House ‘yung Senate version at malinaw ‘yung intensyon pati ‘yong letra nung probisyon. Syempre pag-akyat sa Presidente, ang option lang naman niya ay i-veto ‘yong provision na ‘yon o hindi ‘di ba? Hindi niya puwedeng palitan, tama ba?

CHIZ: Nasa kanya ‘yon dahil hindi tulad ng budget, ng taunang budget o GAA, Christian, na may line-item veto ang Pangulo. Hindi siya puwedeng mag-line-item veto sa panukalang batas na ito. Either pipirmahan niya ng buong-buo o ive-veto din niya ng buong buo budget lamang at written customs code ang puwedeng i-line veto ng Pangulo sa ilalim ng Saligang-Batas.

CE: So, take it or leave it ito ng batas na ito?

CHIZ: Yes.

CE: Pero how about ‘yong sinasabi kasi kanina na mo-monitor ko rin ‘yung conversation ng iba, sinasabi papaano raw ‘yong board ng SSS o GSIS sila ang mag-volunteer? Doon sa language ng Senate version, hindi rin puwede ‘yon?

CHIZ: But if there is an express prohibition in the law hindi nila puwedeng gawin ‘yon. This is actually effectively an amendment to the charter of the five government corporations kaugnay ng investment portfolio, investment directions nila. Mahabang usapin ang binigay ng Senado sa bagay na ‘yan at ‘yon ang intensyon ng Senado na initial investment man o susunod pa ay hindi.

CE: OK. Puntahan natin, Sir, ‘yong binabanggit niyong kanina kasi mabigat ‘yong binitawan niyong salita doon sa manifestation ninyo you mentioned ‘yong “fatal, procedural and substantive mistakes that we may be committing but can still be corrected.” OK. Ano po ba ‘yong binabanggit niyo na ‘yon?

CHIZ: Well, particular Article 12, Section 16 ng Saligang-Batas, Christian, na nagsasabing puwede lamang maglikha ng isang GOCC ang Kongreso sa tatlong kondisyon. Una, magpasa ng batas ang Kongreso. Pangalawa, in the common good. Pangatlo, subject to the test of economic viability.

Ang rason kung titignan natin ‘yung debate ng constitutional commissioners noong 1986 ay ‘yong pang-aabuso, ‘yong napakalaking utang na ipinamana at ‘yung bagsak na pagpapatakbo ng mga GOCC noong panahon ng dating Pangulong Marcos, noong administrasyon niya. Galing doon sa natutunang aral at leksyon na ‘yon nilagay nila itong probisyong ito.

Ngayon, Christian, hiniling ko ‘yan sa unang hearing pa lamang subalit hindi nila naibigay. Binigay sa akin nag-i-interpellate na ako sa floor at ang binigay sa akin makalipas pa ang isang linggo matapos kong hilingin ay isang papel na hindi pirmado nino man, may covering letter lamang mula sa National Treasurer at ang pamagat pa ay “Business Proposal” for Maharlika Investment Fund. Ni hindi nilagay na test of economic viability na ayon sa Saligang-Batas at kung babasahin mo pinag-uusapan lamang doon na posibleng kumite ang MIC, ang MIF ‘pag nag-invest ito sa stocks ng hindi man lang binilang ang inflation. Hindi binilang ang two percent na overhead cost ng Maharlika Investment Corporation. Hindi binilang ‘yong dapat na ibabayad mo sa Landbank at DBP na kumikita ngayon ng 7 porsyento. Hindi kinunsidera ang presyo ng bonds na ini-iisue ng gobyerno ay nasa 6-6.5 percent interest rate at hindi rin binanggit ‘yong governance, rationalization at investment strategy na kabilang ng isang tinatawag natin na test of economic viability of a sovereign wealth fund.

Ngayon baka sabihin nila, Christian, gawin na lang namin ‘yan kapag nandiyan na. Ang problema nakalagay sa Saligang-Batas dapat mayroon muna ‘yon bago maglikha at kung hindi nila nakikita sa probisyon ‘yon basahin nila ‘yong debate ng mga constitutional commissioner na nagsasabi na dapat mauna ‘yon, dapat ma-establish muna ‘yon.

Hiniling ko rin, ito ba’y para sa common good? Ang sagot na ibinigay sa akin ay simple ay para sa kabutihan ng tao ‘to gagawa tayo ng tulay, gagawa tayo ng dam, gagawa tayo ng mga gusali, gagawa tayo ng kalye sabi ko hindi rin ‘yon ang intensyon ng framers ng Saligang-Batas. Ang intensyon nila ng common good ay ito; dapat kung gagawa tayo ng government corporation ito’y para sa isang public utility o serbisyo tulad ng pagkolekta ng basura, pag-deliver ng kuryente, pag-distribute ng kuryente na hindi kayang gawin o ayaw gawin ng pribadong sector at na kapag ginagawa na ‘yan ng pribadong sector, ito ang sinabi ng framers ng ating Saligang-Batas, hindi dapat pasukan na ‘yan ng gobyerno at hayaan na dapat ang pribadong sector.

Because the 1987 Constitution, Christian, follows the basic principle of laissez faire which basically says, government should only perform a function that the private sector cannot or is not willing to perform at an affordable cause. ‘Yon ang klarong intensyon so dapat sana naipaliwanag, nasagot ‘yung mga ‘yon bago ito inilikha ng Kongreso. Bigay man nila ‘yan pagkatapos marahil ay huli na at hindi na ito tumalima sa intensyon at titik ng Saligang-Batas.

CE: Yes. Even then maski hindi nga nakasulat sa Saligang-Batas, ‘di ba, logically kung gagamitin natin ilalagak ‘tong ganito kalaking pondo na pera ng bayan—hindi ba dapat may test of economic viability? Magbubukas ka nga ng tindahan o ng isang franchise kailangan mo ng business proposal, bakit dito wala?

CHIZ: Christian, ang pinakamaliwanag na sagot diyan ay hindi. Bakit? Kapag nag-issue ng bond ang gobyerno, utang ika nga.

CE: Yes, utang.

CHIZ: Para pondohan ang mga proyekto at gastusin ng pamahalaan. Sa ngayon, ang rate ng gobyerno sa government bond is at 6 or 6.5% So ‘yon ang cost ng government sa pag-utang para magpagawa ng tuloy o para sa pagbigay ng ayuda. Ngayon, sabi nila mag-Maharlika tayo. Ang problema mayroon kang 2% na overhead cost, mayroon kang inflation na nasa 6% sabi nila hindi, bababa ‘yan ng 3%.

Ano gagawin ko sa ngayon 6%? So, 8%? Mayroon ka din na dapat kita ng DBP at Landbank na pinuwersa mong mag-invest diyan. Ang average na kita ng Landbank at DBP sa investment nila ay 6% din on the low side, 8% on the high side. So, para naman hindi malugi ang DBP at Landbank na pinuwersa ninyong mag-invest dito samantalang kung bumili na lamang sila ng government security, government fund kikita sila ng 6 to 6.5%. E ‘di 6%na lang, 6% plus 6% na dapat kita ng Landbank at DBP, 6% na inflation, 2% na overhead, 14%.

Ang overhead ng pera na inilalagak natin sa Maharlika ay 14%. Para kang nanghiram ng pera, tawagin mo mang equity ‘yan sa halagang 14%, samantalang kung may gustong ipagawa ang gobyerno, walang sakit ng ulo, walang bagong puwedeng magnakaw, walang bagong imprastraktura, walang bagong gastusin, 6.5% lang. So, its 6.5% against 14%. Asaan ‘yong viability doon? Sabi nila dagdag utang kasi ‘yan. Bakit hindi ba utang ‘yong obligasyon na dapat nating bayaran sa Landbank at DBP doon sa overhead at para tugunan mo ‘yong inflation bago magsimulang kumite ang Maharlika Investment Corporation.

CE: Going back to my original question,  kasi napakalinaw ng pagkakalatag ninyo. Kung ganyan kalinaw ang pagkakalatag, bakit pinirmahan ng 19 Senators? Of course, they have their reasons pero ang sa akin, hindi ba curious na kailangan ng test of economic viability, at least business plan?

CHIZ: Ni hindi nga business plan, Christian, business proposal ang pinadala sa amin. In-insert ko sa record ‘yong business proposal na ‘yon para kasi baka mamaya pinag-uusapan lang, pinagkukwentuhan lang pero hindi naman talaga, wala naman talagang may hawak nung dokumento, sinubmit lang sa kumite. So nilagay ko sa record, sa journal mismo ng Senado ‘yong sinasabi nilang compliance at test of economic viability.

CE: Kung sakaling magka-leche leche ‘yung pera ng taumbayan dito, how can we exact the accountability? Sinong mananagot?

CHIZ:  Well, isa sa mga amendment ng Senado na pinanukala ko sa economic team na tinanggap bilang committee amendment ay ang pagliwanag sa penalty at accountability clause. Kasi nakalagay lamang doon kung sino man ang mag-iimpluwensiya na may gawin na pagnanakaw dapat makulong sila. Paano ‘yong opisyal ng MIC, MIF na siya mismo ‘yung nagpa-impluwensiya. So klinaro naming anumang kaparusahan na inilagay sa MIC Bill sa Maharlika Bill ay karagdagan at walang epekto at hindi maaaring mabawasan ang penalties sa ilalim ng anti-graft law, Republic Act 3019 sa ilalim ng revised Penal Code at sa ilalim ng Plunder Act.

CE: How about ‘yung ano, ‘di ba, ang taga-pamuno nung Maharlika Investment Corporation ‘yong Finance secretary?

CHIZ: Siya ang uupo bilang—tsaka appointee ng presidente lahat, Christian. Lahat ng uupo sa board ay appointee ng president o nominado ng president kabilang na ang advisory board. Pero Christian, siguro ang mas magandang argumento doon sa pag-certify ay ito, sige na may problema tayo sa ekonomiya ngayon pero anumang investment ng MIC gamit ang MIF ngayon sa sama ng takbo ng ekonomiya sa buong mundo, kikita ito makalipas ang lima o anim na taon. Tapos na ang termino ng kasalukuyang pangulo. Ang makikinabang dito kung talagang ito’y kikita ay makalipas nag limang taon pa o anim na taon baka nga pitong taon pa. So, mas puwedeng maidikit sana ‘yon doon sa tagal bago mo makita ang kita o profit kaysa doon sa may kalamidad ba o wala.

CE: OK. Ito naman ano pa po ‘yung ibang safeguards dito para hindi naman tayo malugi. For instance, may guarantee ba coming from the National Government? Sasaklolo ba ang National Government kung sakaling malugi itong pondo?

CHIZ: Wala. Pinagbawal ‘yung, Christian, walang government guarantee dito tulad ng nakita natin sa NAPOCOR, tulad ng nakita natin sa TRANSCO at sa iba’t ibang GOCC. Binalik din ng Senado, hindi pala binalik kasi wala naman talaga doon. Nilagay din ng Senado ang papel na dapat gampanan ng GCG kaugnay sa mga nominado na uupo diyan sa Maharlika Investment Corporation. At naglagay din kami ng authorized capital stock at ‘yong termino, ‘yong clean copy kasi, Christian. Kanina tina-type pa, walang makapagsagot sa akin kung ‘yong termino ay nailagay doon pero amendment ko ‘yon. Twenty-five, renewable for another 25 years dahil kung ang Bangko Sentral ng Pilipinas nga ay may termino, malayong mas importante at dapat perpetual ‘yon kaysa dito, dapat may termino din ito  o life span din ang korporasyong ito.

CE: Hindi ba, Sir, mas maganda kung hindi na-certify as urgent ‘yan para hindi minadali ‘yung pag-pass from second to third reading para at least nakita niyo mismo kung ano ‘yung pumasok na amendments, hindi ba? Ngayon, mukhang hindi pala sigurado rin kung ano ‘yong lumabas na nasa mismong kopya.

CHIZ: Well, Christian, nabanggit ni Senator kung tama ang pagkakaalala ko ni Senator (Koko) Pimentel. Paano naman naging urgent ito ni hindi binanggit ni Pangulong Marcos ito noong unang SONA niya?

CE: Correct.

CHIZ: Hindi ba, Christian, sa SONA ang sinasabi ng Pangulo ‘yung kanyang legislative agenda, ‘yong kanyang nais gawin ng Kongreso sa darating na taon para sa susunod niyang SONA. Hindi ba nandoon na ‘yon lahat? Wala ‘yan sa SONA ng Pangulo noong nagdaang taon, wala ‘yan sa priority measures ng LEDAC sa unang pagpupulong nila. Isa ito sa mga huling dagdag ika-nga sa LEDAC o legislative agenda na isa ito sa mga unang na-certify.

CE: Ito Sir, prangkang usapan, sa lahat ng mga argumentong ni-raise niyo specially during the hearings, during the interpellation, kailangan ba talaga ‘tong Maharlika Investment Fund na ‘to? Ano sa tingin niyo bakit pinu-push ‘to?

CHIZ: Hindi ko alam at hindi ko kayang basahin ang motibo ng mga tao sa likod nito, Christian, pero ang puwede kong masabi ay hindi ako tutol per se sa isang sovereign wealth fund.

Bigyan kita ng halimbawa, isa sa mga kauna-unahang sovereign wealth fund na tinatag ay ang sovereign wealth fund ng Dubai, UAE. Ito’y itinatag noong 1954 kung tama ang pagkakaalala ko dahil nakita nila paubos na ‘yong langis nila so dapat ‘yong windfall, ‘yong malaking kita mula sa langis ay mapaabot naman natin 3, 4, 5, 10 generations from now. Hindi ‘yong kasalukuyang henerasyon lamang ang makikinabang sa napakalaking perang pumapasok dahil sa pagbenta nila ng langis. ‘Yon ang intensyon nila. Klaro. At ang ginawa nila, Christian, sa pondong ‘yon, nagtabi sila ng pondo mula sa malaking kita galit sa langis at hindi nila ginastos sa mga kasalukuyang proyekto na ang makikinabang ay ‘yong kasalukuyang henerasyon. In-invest nila dahil para sa saling lahi ito. Puro long at hindi short ang investment nila, pangmalayong hinaharap, malayong taya, malaking taya sa malayo. Pangalawa Christian, ang ginawa nila dahil nga langis naka-base sila, fossil fuel, nag-invest sila Christian sa real estate, sa electricity, sa electric technology tsaka sa renewables nag-hedge sila. Ginamit nila ‘yong pondo para kung anuman yung mayroon sila nag-invest sila sa kung anong wala sila.

May mga magagandang pagkakataon at paraan na puwede itong magamit ang pangalawang halimbawa ay ang TEMASEK ng Singapore. Tumaya sila pero unique ang TEMASEK ng Singapore in-authorize nila ang TEMASEK na manghimasok, pumasok at pakialam sa pagpapatakbo ng kumpanya. Itong ating Maharlika, bawal makialam sa pagpapatakbo ng kumpanya kung saan nag-invest ‘yong Maharlika. Kasi, ang problema, copy-paste lang sila. Kuha tayo dito, kopya dito pero hindi naman talaga alam kung bakit, para saan, ano ba ‘yung intensyon at ano ba ang gagawin natin dito? Ang pinakamalakas na argumento na narinig ko ay marami nang bansa ang may ganito, dapat mayroon na rin tayo. Oo, pero dapat alam din natin kung para saan dahil sila noong ginawa nila ‘yan alam nila eksakto kung saan nila gagamitin ito at bakit nila ginagawa ito.

CE: ‘Yon nga parang hindi ba mapapaisip rin tayo siguro lalo na ‘yong mga ibang senador, ‘no? Bakit ba ipinipilit ito? Correct me if I’m wrong, kung sovereign wealth fund kasi pinalitan ‘yong pangalan nito baka naman ano lang siya ‘no semantic issue lang. ‘Di ba dapat may requirement na dapat mayroon kang windfall or excess wealth na puwede mong gamitin para diti?

CHIZ: Hindi naman requirement, Christian. Alam mo, mahigit isang dekada na kung hindi ako nagkakamali ang lumilipas o kulang-kulang isang dekada nag-pulong ang iba’t ibang bansa na may sovereign wealth fund, kabuuan, 48 bansa. Ginawa ang pagpupulong sa Santiago, Chile kaya ang tawag sa mga pinagkasunduan nila ay Santiago Principles. So hindi ‘yan bahagi ng Santiago Principles na dapat manggaling sa isang windfall ‘yong paglalagyan, pagkukunan ng isang sovereign wealth fund. Subalit mahigit 80% ng mga sovereign wealth fund na tinayo ay galing sa dagdag, sa sobra o excess n akita ng mga bansang ‘yon noong itinatag nila ‘yong sovereign wealth fund. Pero hindi nila ginawang requirement o isa sa mga prinsipyo o principle ‘yan.

CE: May nabanggit ba sa hearings kung magkano ‘yong potential na kikitain nito during a specific period?

CHIZ: Well, ang binanggit nila doon sa business proposal Christian ay parang ‘yung initial investment na Php100-B na galing sa Landbank, DBP, PAGCOR at BSP ay kikita ng 80% sa loob ng sampung taon o 8% per annum. Sabi nila mataas ito sa inflation so kita ito, neto to ang inflation daw ayon sa estimate ng Bangko Sentral ay 4%, so net of 4% daw. Ang problema ko may overhead sila, Christian, nakalagay sa batas ‘yon na 2%. So 2% na lang ‘yung naiiwan paano naman ‘yung dibidendo,  ‘yung kikitain dapat sana ng mga government corporations tulad ng Landbank at DBP ‘di ba gaya ng nabanggit ko kanina na kung hindi nila in-invest ‘yan diyan rekta at klaro ang kita nila para hindi maapektuhan ‘yong kanilang viability na sarili at ‘yong deposits ng mga depositors nila. So ni hindi sinama sa computation ‘yon, kapag sinama mo ‘yon, ‘di negative na hindi na positive.

CE: ‘Yon nga. Hindi ba option na ayusin na lang kunwari may problema sa DBP or Landbank para mas mapataas ‘yong kita nila, hindi ba puwedeng ‘yon na lang ang tutukan? Why do you need to create another corporation for something like this?

CHIZ: Alam mo. Christian, tinanong ko ‘yan sa interpellation. Sabi ko, sabi kasi sa akin alam mo investment ‘to hindi ka naman pwedeng mangako na garantisado kikita ka ng ganito. Sabi ko, oo kung malaya kang nagpasya na mag-invest diyan. Pero sa kaso ng Landbank at DBP hindi naman sila malaya, hindi naman nila desisyon ‘yan. Pinilit, minandate at isinabatas natin na sila ay mag-invest dito ng particular at specific pa na halaga. Hindi ba natin puwedeng sabihin na doon sa halagang ‘yon man lang may guaranteed rate of return sila dahil sila naman ang magkakaproblema sa Bangko Sentral kaugnay ng mga investment na hindi naman sila kumikita o kikita.

CE: OK. Nandiyan pa ba kayo Senator?

CHIZ: Yes, Christian.

CE: Ito last na. Kung pag-uusapan ‘yong version sa House nakausap ko si dating Solicitor-General Florin Hilbay nag-raise siya ng maraming questions diyan pero during our interview isang nabanggit niya, may possibility na ‘wag naman daw sana mangyari. I don’t know kung ito ‘yong nasa Senate version. Puwede bang pumasok ulit sa isang kasunduan ang MIC? Kasi ang fear niya baka raw magamit ito to facilitate the entry to the country or exit out of the Philippines of certain ill-gotten wealth.

CHIZ: Christian, puwede namang gamitin din ‘yan at gawin ‘yan sa pamamagitan ng stock market ngayon kung gugustuhin talaga. Pansin mo kapag nagbabasa ka ng business pages ng pahayagan may tinatawag silang “hot money” ito ‘yong pinapasok at inilalabas pagkatapos kumita na. Nagagawa naman ‘yon ng hindi naman kailangan padaanin sa anumang GOCC. Pangalawa, limitado ang pagpasok ng pribadong sector dito sa Maharlika Investment Corporation hindi sila puwedeng makabili ng common stock na may voting rights puwede lamang silang bumili ng preferred shares ng walang voting rights. Isa rin ‘yon sa pagbabagong amendment na ginawa dito sa bersyon ng Senado. So ang tanong ko, Christian, ay ito maging posibilidad man ‘to na makapasok ang “hot money”, papasok lang sila kapag kumikita na ng malaki ang MIC pero kapag lugi at hindi kumikita ‘yan ay maghahanap ‘yan ng ibang lugar na at least patas man lang ‘yong perang nililinis nila. Kaysa naman ‘yong perang nililinis nila ay nalugi pa o ‘yong kalahati ay nawala.

CE: OK. O sige maraming salamat sa inyo, Senator Chiz Escudero. Nice to hear from you again. Long time no hear and long time no see.

CHIZ: Likewise, Christian. Sa uulitin at hangang sa susunod. Maraming salamat sa mga televiewers at taga-subaybay mo. Thank you and good evening.

CE: Salamat.