GISING PILIPINAS

 

ALVIN ELCHICO (AE): Isalang na natin agad. He is all over, ang bago nating Senate President.

DORIS BIGORNIA (DB): Man of the hour!

AE: Yes. Senator Francis ‘Chiz’ Escudero is in the house. Senator, Senate President. Kita mo partner hindi pa tayo sanay, ‘di ba.

DB: Oo nga. Good morning, SP.

AE: Ayan. Magandang umaga po sa inyo, Mr. Senate President.

SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Alvin, Doris magandang umaga sa inyo. Sa ating mga taga-subaybay, magandang umaga din po. Hindi rin ako sanay, Alvin, Doris.

AE: What’s with the t-shirt? Nakita kita kahapon, in-interview ka ng mga Senate media parang nakaputing t-shirt ka rin. Anong ibig sabihin niyan?

DB: May statement ba ‘yan?

CHIZ: Palagi naman akong naka-ganito, Alvin. Hindi niyo lang napapansin dati. Wala naman kasing pasok. Pero mamaya may dadating na dignitaries na magko-courtesy call, so obligado akong mag-barong.

AE: Ayon. So how does it feel to be the new Senate President, Senator Chiz?

CHIZ: Pareho lang, Alvin. Dagdag trabaho lang dahil ngayon, ‘di lamang ako senador na kumakatawan sa ating mga kababayan pero tumatayo din ako bilang ama ng mga empleyado ng Kamara at bilang ama na tinitignan ang tahanang tinitirhan ng Senado.

AE: Anong gagawin mo, Senator Chiz? Hindi naman lingid sa lahat, ano po, na may himig ng tampo, Partner, ‘yung grupo, ‘yung “Magnificent 7” kung tawagin nila former Senate President Migz Zubiri. Anong plano mo susuyuin mo ba sila o kung ayaw nila, ‘di doon sila sa Minorya?

CHIZ: Malalaki na kami, matatanda na kami, Alvin, Doris. Ibig sabihin, hindi naman kailangang mahabang usapan o usapin dahil puwede at kaya magpasya ng bawat isa, base sa mas nakatataas na interes ng bansa at ng institusyon. Kung magkakataong magkausap kami, hindi naman kami magkagalit, Doris, Alvin. In fact, matapos lang ang botohan noong Lunes, nakapag-usap na kami nang makailang ulit, hindi lang ni Senate President Zubiri pero pati na rin ng mga iba naming kasamahan.

AE: But you will be on your toes, ano. Kapag ganyan na may seven, ibig sabihin, maghahanap lang din ng oportunidad kapag nakakuha ng 6 yung 7, may 13 din sila.

CHIZ: Wala naman akong balak na gumawa ng mali, Alvin, Doris, para maging on my toes palagi. At, sa dulo, tulad ng sinabi ko, ang pagpapalit ay walang dahilan kumpiyansa lang o kawalan ng kumpiyansa at posibleng mangyari ‘yun sa anumang araw na may sesyon ang Senado.

DB: Pero kapag ganyan ang sitwasyon, sa palagay mo, bilang tatay ng Senado, ikaw ang laging magpapakumbaba, ikaw ang mag-a-adjust. Ganoon ba?

CHIZ: Oo, Doris. Subalit darating din ang panahon kapag may mahahalaga at kailangan ng gawin kailangan mo pa rin ibaba ang paa mo, ika nga, at magpasya para sa ikabubuti ng lahat. Nakikita man nila ‘yon o hindi nung mga panahong ‘yon.

AE: Ang naalala ko lang, ‘yung paa ni Senator Bong Revilla. Ikaw ang nagbanggit ng paa, kasi bigla kong naalala.

DB: Pinakamahalagang paa sa balat ng lupa.

AE: ‘Yun ba ang mitsa ang pagpapalit ng liderato diyan sa Senado?

CHIZ: Alvin, napakadaling sagutin ng tanong na ‘yan. Si Senator Joel pumabor sa pagpayag kay Senator Revilla na payagang mag-virtual attendance. Ako ang nag-mosyon nun. Kung pareho ang posisyon namin doon, kung ‘yan ang rason, bakit magkaiba ‘yung posisyon namin pagdating sa pagpapalit ng liderato.

AE: So hindi nga?

CHIZ: Sinagot ko nga ng diretso kung pareho, bakit magkaiba ang boto.

AE: So hindi nga? Ang pinakasimpleng sagot, hindi ‘yun. So anong dahilan bakit nagpalit ng liderato?

CHIZ: Kanya-kanyang dahilan, Alvin, Doris, pero sa dulo, kawalan o kakulangan ng kumpiyansa ang palaging dahilan sa anumang pagpapalit ng liderato. Nawala ang kumpiyansa ng Mayorya sa nakaupong Senate President.

AE: Ganoon lang ka-simple, Partner. Ganoon lang ‘yun.

DB: Meron akong nabasa na parang hindi dapat maging, hindi matuwa si Chiz Escudero dahil sandamakmak ang trabaho minana niya, ang mamanahin niya. Ngayon kapag ganyan, Senator, ano ang magiging prayoridad kasi syempre lahat may isinusulong na interes at mga adbokasiya lahat yan ang sabi mo nga para sa kabutihan ng pangkalahatan. Ano para kay Chiz Escudero ang pinakamabuti para sa pangkalahatan?

CHIZ: Well, iipunin naming, Doris, ‘yung mga panukalang batas na mahalaga para sa iba’t ibang sektor at grupo. Halimbawa, ‘yung priority measures na inaprubahan ng LEDAC kasama ang Kongreso at ang Pangulo, ‘yung mga priority measures ng Senado bilang isang institusyon, ‘yung mga priority measures ng indibidwal na mga Senador, ‘yung priority measures ng Kamara bilang institusyon at ‘yung priority measures naman ng mga indibidwal na miyembro ng Kamara. Pagsasama-samahin namin ‘yan nitong recess, susuriin at magbubuo kami ng isang tinatawag nating Senate agenda na kakatawan lahat ng ‘yan. Dahil iisa lamang ang 24 oras naming tulad ng 24 oras ng bawat isa hindi naman naming magagawa lahat so kailangan naming unahin ‘yung mga pinakaimportante base sa aming pagkakasunduan sa isang consensus.

AE: Kaya bang tiyakin sa publiko na ang Senado ay hindi parang gagawing didiktahan na lang ng Malacanang? Kung anong gustong mangyari ng Malacanang parang sa Kamara na kung ano ang gusto ng Malacnang, posisyon ng Malacnang ‘yun din ang posisyon ng Kamara. May assurance ba, for the people, na hindi kayo magiging rubber stamp o sunod-sunuran na lang?

CHIZ: Kahit kailan, Alvin, hindi naman nangyari ‘yun at hindi ko alam kung saan nanggagaling ang akusasyon na ‘yun mula sa ilang mga senador. Unfair ang akusasyon na ‘yon, to say the least, porke’t nagkaroon ng pagpapalit ng liderato.

AE: Can we have your word for it? Ano kasi ito nama’y balikan ng ating mga kababayan. Hindi sinabi mo recorded ‘yan, hindi ba? Can you assure them?

CHIZ: Gaya nang sinabi ko, Alvin, sa ilang interview ko na, we will focus on quality and not quantity. ‘Yaan na ang tatak ng Senado at wala akong balak mabago ‘yan sa ilalim ng aking liderato. At uulitin ko, unfair ang akusasyon na sinasabing magbabago ‘yan porke’t nagkaroon ng pagpapalit ng liderato. Ilang ulit na nagkaroon ng pagpapalit ng liderato ang Senado sa kasaysayan nito at hindi nagbago ‘yung karakter na ‘yan ng Senado. Hindi rin ito panahon para magbago at baguhin ‘yun.

AE: Kaya nga para kapag—

DB: —‘Yung sinasabi niya, ‘yung Senado ang hindi magbabago ang karakter. Ikaw Chiz Escudero, ikaw mismo sinasabi ay nako lalabas at lalabas ang totoo niyan at makikita natin kung ano ang mga isusulong niya.

AE: Kasi anti- siya sa Cha-Cha. Kapag biglang naging pro-Cha-Cha ‘to, ibig sabihin, “Ayan nagbago. Ayan ganyan, Senator Chiz.”

DB: Ayan.

CHIZ: ‘Di hintayin nila para at least matiyagan nila yung Senado. Ulitin ko rin lahat naman ng akusasyon madaling sagutin kung totoong pro-cha-cha ang galaw na ito bakit sumama sa pagbabago si Senator Imee Marcos, si Senator Cynthia Villar na tutol sa Cha-Cha. Tutol na tutol din si Senator Joel Villanueva sa Cha-Cha, bakit hindi siya sumabay sa galaw na ito? So hindi puwedeng sabihing ‘yan ang mga dahilan kaugnay ng pagbabagong ito.

AE: May liligawan ba kayo doon sa Solid 7? I mean aalukin mo sila ng magagandang posisyon diyan sa Senado para lang mapahupa ‘yung tension, Senator Chiz?

CHIZ: Naniniwala akong panahon ang kailangan para doon, hindi pagti-trade ng kung anumang kumite. Naniniwala akong kailangan lamang lumipas ang kaunting panahon para lumamig anumang init para mawala anumang tampo at bagay na bagay at tamang-tama, angkop ang recess na meron kami ngayon na mahigit kumulang dalawang buwan.

AE: Sige, punta tayo sa ibang issue. Naalala ko lang noong hindi pa Senate President, si Senator Chiz nagpa-interview ‘yan sa atin. Nakausap namin kayo Senator Chiz, sabi mo you were pushing na magdala ng supply to construct something diyan sa West Philippine Sea. Naalala mo, partner siya ‘yon, ‘di ba?

DB: Magtayo ng imprastraktura. Oo, siya ‘yon.

AE: Anong posisyon mo ngayon after so many months na sinabi mo ‘yun dapat bang gawin pa rin natin kasi tinutulan ‘yon.

CHIZ: Hindi ako nagpu-push lamang, naglagay ako ng pondo, Alvin, Doris sa 2024 Budget para diyan. Ang pagkakaiba nga lang ay ‘yung pinag-uusapan ngayon ay galaw-military para magtayo ng pasilidad doon. Ang aking panukala ay galaw-sibilyan para mag-improve ng kaunti ang facility doon na puwedeng magamit hindi lamang ng mga Pilipino, pero sinumang mangingisda na maaaring mangailangan ng kubkuban, ika nga, kapag masama ang panahon. Wala namang rason, Alvin, para magbago ‘yun nasa budget na ‘yan, nasa kamay na ng Executive kung paano ipapatupad ‘yan at sana mapatupad ‘yan ng hindi naglilikha ng anumang gulo away at tensyon.

AE: Magkano ‘yung nilagay mo doon, Senate President?

CHIZ: P100-M kung hindi ako nagkakamali.

AE: P100-M. Now that you are Senate President mas may poder ka ba to push it? I know you are with the Legislature, Executive function na kasi ho ‘yan, ‘di ba?

CHIZ: Executive function pa rin ‘yan, Alvin, alam mo hindi ko feeling primus inter pares o first among people, Alvin, Doris, ang tingin ko sabi mo nga imbes na congratulations, condolence ang daming trabahong kailangang gawin. Hindi ko naman hiling, may kakaiba o espesyal na power at bigla akong naging superhero porke’t naging Senate President ako. Mas utusan pa nga ng 23 ang pakiramdam ko imbes na bossing ng 23.

AE: So dapat ang Executive, in relation to that kasi may isinusulong din si Senator Chiz na isa lang dapat ‘yung nagsasalita sa issue ng West Philippine Sea. Sino dapat ‘yun, Senator?

CHIZ: Siguro foreign affairs department, opisyal ng foreign affairs dahil kung mapapansin mo Alvin, Doris, ang nagsasalita minsan unipormadong tao, chief-of-staff natin, Navy natin. Hindi pa naman giyera ‘to tayo ba may gusto na mag-akyat sa lebel na giyera ‘to. Ni hindi secretary of National Defense o counterpart niya ang kausap, kadebate o kapalitan ng statement ng secretary of national defense natin. Tayo ‘yung tila nagtataas ng antas ng mga unipormadong personnel ng ating gobyerno. Usaping sibilyan pa rin ito diplomatic at nais nating panatilihin doon at ayaw nating paratingin nyan sa lebel ng, ika nga, digmaan. Ipaglaban natin ‘wag natin bitiwan sang-ayon ako palagi diyan pero huling option palagi ang paggamit ng kamay at boses ng military. Ang palaging nagpapahayag lamang ng statement sa iba’t ibang bansa kaugnay sa West Philippine Sea ‘yung Karapatan ng Vietnam, ng Malaysia, ng Taiwan ay puro foreign affairs diplomats lang at walang unipormadong nagsasalita para iisa rin ang mensahe na napapadala natin sa ibang bansa na klaro ang ating posisyon na atin ‘yan.

DB: Pero hindi ba ‘yun parang dapat ang sagot natin, kasi dahil nabu-bully tayo ng husto at meron pa ngayon threat na huhulihin nila yung mga mangingisda, may fishing ban pa.

AE: Punto niya, isa lang dapat magsalita kasi maraming nagsasalita pero kung ako ang DFA, Senate President napakahirap interview-hin po nun.

DB: Taga-DFA.

CHIZ: Puwes, kailangan nilang lumabas sa mga lungga nila, Alvin, Doris. Lumabas at magpa-interview. Halimbawa na lamang, magbigay ako ng example: sa dami ng nagsasalita nung unang lumabas ‘yung wiretapping issue ang sabi ng na-interview ng media si Sec. Teodoro, sabi niya illegal ‘yan bawal ‘yan, hindi dapat ginagawa ang wiretapping sa bansa natin. Lumabag sila sa batas. Ang sagot naman ni General Brawner na chief-of-staff ay hindi totoo ‘yan, deep fake ‘yan. Paano magiging illegal kung deepfake? Paano magiging wiretapping kung hindi naman pala totoo? Minsan nahuhuli tayo sa ating mga bibig kaugnay sa magkakaibang posisyon ng opisyal kapag maraming natatanungan at nagsasalita. Sa bentahe pa rin, advantage pa rin ng ating bansa kung ie-embudo natin ang pagsasalita sa iisang designated hitter, ika nga, na awtorisado, kuwalipikado magsalita para sa buong bansa at para sa ating pangulo din.

AE: O, sige. OK ka na, Partner? May mga tanong dito kasi maiksi na lang ang oras natin ‘yung tungkol sa imbestigasyon ni Senator Bato Dela Rosa ‘yung sa “PDEA Leaks,” OK lang sa iyo na ituloy niya ‘yan o tapos na ‘yung imbestigasyon na ‘yun?

CHIZ: Depende kay Senator Bato. Desisyon ng chairman ‘yan. Pinaalalahanan ko siya noon pa man na ang tradisyon sa Senado ang motu proprio ay habang recess puwede siyang maghain ng resolusyon anytime para magpatuloy ‘yan, “unli.” So ang nag-object nun kung maalala ninyo ay sila Senator Joel Villanueva din naman ‘yung majority leader namin dati. So ang sabi ko sa kanya, pinayuhan ko siya bago mag-resume, ikonsidera niya ang paghain ng resolusyon para “unli” na ‘yung kanyang hearing at wala ng isyu na puwedeng maibato pa doon. Ako rin ang isang nag-raise ng issue na ‘yun, Alvin and Doris, dahil nga doon sa rules namin na puwedeng mag-motu proprio investigation ang mga kumite. Pero by practice, ginagawa lang ‘yun kapag recess ang Senado at naghahain na ng resolusyon kapag nag-resume ang sesyon.

AE: So nagpaalam na siya na magkakaroon siya ng additional hearings?

CHIZ: Wala pa, Alvin. Hindi pa namin napag-uusapan. Pasiya niya ‘yun kung saka-sakali.

AE: So wala pa rin.

DB: Pero hindi mo naman siya haharangin?

CHIZ: Akusasyon na naman ‘yan, Doris, na hindi ko alam ang pinagmumulan o ang totoong rason kung bakit pinalitan ang liderato ng Senado ay ‘yung hearing ni Senator Bato. Nagkausap kami ni Senator Bato bago magbotohan at ang nasabi ko sa kanya, “wala ka, may 14 kami.” Kung ang talagang ang pakay, pigilan ka, ‘di siya na lang sana ang tinanggal namin at hindi na ‘yung Senate President. Lumikha pa kami ng malaking gulo. Hindi ‘yun ang dahilan, Doris.

AE: OK. ‘Yung sa imbestigasyon ni Mayor Alice Guo, tuloy pa rin? Kasi nagsabi kayo na kayo ang magpatunay, kayong nag-aakusa na hindi Pilipino si Mayor Guo.

DB: Burden of truth.

AE: Which is, actually, true.

DB: Totoo naman.

AE: Go ahead, Senate President.

CHIZ: ‘Yun naman talaga ang sinasabi ng Korte Suprema. ‘Yun ang umiiral na batas at walang kinalaman ‘yan sa pagpapatuloy o hindi pagpapatuloy ng hearing, Alvin, Doris may resolusyong inihain si Senator Risa. At tulad ng binanggit ko kaugnay kay Senator Bato puwede siyang mag-hearing ng “unli” hanggang gusto niyang mag-hearing o hanggang matapos ‘yung nais niyang makuhang impormasyon at kaalaman para maghain ng panukalang batas na magagamit ng ating mga kababayan at bansa.

AE: Sa issue naman ng divorce. May news item ata ang sabi wala kang heart for divorce. Ibang heart ang meron siya partner.

CHIZ: Ang sinabi ko against ako sa kasalukuyang bersyon ng bill sa divorce sa Kamara. Kung tatanggap sila ng mga amendment dito marahil ay masuportahan ko o mabotohan ko kung hindi, mananatili ang posisyon ko. Hindi ko pa nakikita ang bersyon ng Senado kaugnay sa divorce o panukalang divorce. Kasalukuyang kinukuha namin sa Senado ang sentimyento ng mga miyembro kaugnay nito dahil hindi porke’t hindi ako pabor sa bill gaya ng sinabi ko kanina hindi naman ako primus inter pares, hindi porke’t tutol ako sa isang bill ay matutulog na ‘yan sa pansitan. Isa pa rin ang boto ko sa loob ng Senado at kung mapag-uusapan, mapag-dedebatihan at mapagbobotohan man ‘yan kung hindi ko makita ang mga pagbabago o amendments na nais ko, ‘di boboto ako laban diyan.

DB: Ano ang pinakaayaw mo doon sa bill?

CHIZ: ‘Yung katagang divorce, Doris, Alvin, dahil tanda mo sa mahabang panahon meron naman tayong annulment si dating  Pangulong Corazon Aquino na malapit pa sa simbahan ang gumawa at sumulat ng batas na ‘yan. Hindi ‘yan dumaan sa Kongreso, executive order ‘yan. Bakit tayo maghahanap ng panibago na namang away at gulo sa ating bansa sa pagitan ng pamahalaan at simbahan kung puwede namang makamit kung, saka-sakali, nung mga nagsusulong nito ‘yung nais nilang makamit ng walang gulo at away. Ngayon kung talagang sinasabi nila ‘yung divorce ay dapat maging accessible sa ating mga kababayan hindi ko yata nakita sa panukalang batas na pinahihintulutan ang PAO na hawakan ang mga kasong ito para ‘yung mga mahihirap nating kababayan ay baka makakuha ng annulment o divorce. Pinadali lamang ‘yung pagkuha nito pero kailangan pa rin ng abogado at hindi naman in-authorize ang PAO na hawakan ito. So tila ang amendment ay pang mayaman na naman para mapadali ang divorce hindi pa rin angkop sa ating mga mahihirap na kababayan na nasa hindi magandang relasyon.

AE: Naka-monitor sa atin Partner, yung kaibigan kong si Gina, may patanong. Pahabol daw kay Senator Chiz, ano ang solusyon niya sa power crisis? Parang walang gumagalaw na palagi na lang tayong red at yellow alert. Go, Senator Chiz.

CHIZ: Supply and demand, Alvin, Doris. Kapag manipis ang supply, palaging mataas nag demand pataas ang presyo. Kapag maraming supply mababa ang presyo kaya nung natalakan ko ng kaunti ang DOE at ERC kung bakit nila inuupuan yung mga aplikasyon para sa bagong power kung bakit hindi pinapayagan ang coal at naka-concentrate tayo sa variable renewable energy na nalalaman naman natin na ang variable renewable energy ay variable at hindi puwedeng gamiting baseload maliban na lang kung ito ay LNG o kaya hydro. Pero ‘yung mga wind, ‘yang mga solar, puro ‘yan hindi baseload at hindi naman talaga natin magagamit kapag kailangan natin ng supply ng kuryente. Bakit hanggang ngayon panahon pa ni Sec. Cusi pinipigilan ang pagtayo ng clean coal power plants samantalang ‘yan ang uri ng mga power plant na kailangan natin bilang baseload at panghuli bakit ba lahat ng plano sa energy ng Department of Energy kaugnay lamang ng supply at walang sinasabing affordable?

Ang pangako ng EPIRA nang ipinasa ‘yan ay para mapababa ang presyo ng kuryente mula nang ipinasa ‘yan noong 1999, hanggang ngayon hindi pa naman bumababa ang kuryente. So may mali naman talaga na dapat tignan, pag-aralan at suriin ng husto ng DOE at ERC tungo sa pagkakaroon ng sapat na supply ng kuryente.

To give you some figures, about 20,000 megawatts ang supply ng kuryente ang total supply ng kuryente ng Pilipinas. Kung isama mo ‘yung mga renewable na sa araw meron sa tag-ulan wala kapag may hangin meron kapag walang hangin wala aabot tayo ng mga 23,000 megawatts sa buong bansa. Ang Vietnam na mas maliit ang populasyon sa atin nasa mahigit 60,000 megawatts ang supply ng kuryente yun na lamang ay tila mali na sa supply ng kuryente ng ating bansa.

AE: Magagalit sa iyo ang mga environmentalist group. Coal ka pala, you’re a coal—

CHIZ: Alvin, Doris, gusto ba natin malinis at may kuryente o wala? Puwede namang pareho kaya nga inaayos natin ‘yung mix natin. Kung ayaw nila, nuclear magandang source din ‘yon. Kayang magbigay ng 1,000 megawatts isang planta. ‘Yun ba talaga ang gusto natin dapat magdebate tayo kung ganoon. Malinis o regular na supply, puwede namang sabay puwede namang pareho ngayon gusto mo malinis, Alvin. Puwede naman, pero ang presyo niyan P6-8 per kilo-watt hour ang presyo ng nuclear, ang presyo ng coal nasa P2-4 per kilo-watt hour o kalahati.

Hindi ba natin puwedeng pag-usapan ‘yan at magpasya tayo dahil ang kontribusyon natin o carbon footprint natin kumpara sa ibang bansa sa mundo ay .03 percent ang kontribusyon ng Amerika at China sa pagitan nilang dalawa ay 50 porsyento ng carbon footprint sa buong mundo. Sila kaya ang magbawas-bawas at maglinis-linis bago ‘yung maliliit na bansa ang pinipilit nilang magbawas at maglinis at gumastos tuloy ng mas malaking pera para sa kuryente napipigilan tuloy ang pag-unlad ng bansa. Alvin, Doris ang number one na reklamo ng mga dayuhang negosyante namumuhunan sa ating bansa ay ano? Presyo ng kuryente.

AE: Mahal.

DB: Mahal.

AE: Mukhang ganado ka kung energy ang pinag-uusapan. Ang hahaba ng sagot kapag energy. Kasi sa pulitika maiksi.

CHIZ: Kaya nga wala tayong national steel corporation dito dahil sa sobrang mahal ng presyo. Paano uunlad ang isang bansa, paano uunlad sa larangan ng, halimbawa, construction kung wala tayong sarili o malakas at buhay na buhay na steel industry.

DB: Ako may pahabol. Naisip ko lang, ‘di ba, bukod doon sa pagsisiguro ng tamang supply, puwede ba nating maasahan na ang accountability nung mga ahensya—

AE: —Ibig sabihin ‘yung mga may kapalpakan dapat may managot kung bakit nasa ganito tayong sitwasyon.

DB: Palpak na nga sila, tapos tayo pa ang magbabayad. Tama ba ‘yon, Senator?

CHIZ: Mali, Doris. Bigyan kita ng isa pang halimbawa. Imbes na dagdagan ‘yung supply ni-require ng ERC ang NGCP, halimbawa, na magbigay ng ancillary services. Anong ibig sabihin nito? Bibili ng power supply ang transco, ang NGCP para in case may mag-unscheduled maintenance na planta may mahuhugot silang ibang supply. Ang problema doon ‘yan ay tinatawag nating take or pay gamitin mo man o hindi babayaran ng NGCP yan dahil naka-standby ‘yan balik na naman tayo noong panahon ni dating Pangulong Ramos na may take or pay tayo, na meron tayong power purchase agreement na nagpapamahal sa kuryente.

Kung susuriin mo ang electric bill act, more or less mga 3 percent nun ay ancillary services tapat halos nun more or less ng transmission services na 4 to 5 percent ang distribution services mo more or less mga 23 percent ‘yung iyong power generation cost, kalahati ng bill mo at ‘yung natitira na 25 percent o one-fourth ay para naman sa mga system loss para sa taxes at iba pang binabayaran sa gobyerno. So, kung titignan natin kung gusto natin pababain ‘yung bill tingnan natin ‘yung pinakamalaking item sa bill at ‘yun ang generation. So, kung patuloy tayong lilipat sa mas malinis nga pero mas mahal, sana bukas ‘yung dalawang mata natin at hindi nakapikit ‘yung isa.

Talaga bang ‘yan ang pasya ng mas nakararami nating Pilipino na doon tayo sa mas mahal sa malinis pero mas mahal naman at hindi reliable. OK sa akin na matalo sa debateng ‘yun o manalo sa debateng ‘yun, pero importante nalalaman natin ‘yung pinagpipilian natin dahil puwede naman ‘yang sabay puwde naman huwag na natin dagadagan ‘yung carbon footprint natin habang pinapanatili natin na may sapat tayong supply na malinis na kuryente. Isang halimbawa nitong malinis ay hydro tsaka LNG. Hindi naman palaging coal lang hydro kasing mura o mas mura pa nga minsan sa coal ang LNG ay mahal din ‘yan parang wind o solar ‘yan. Mahal din siya, pero malinis siya hindi ba natin puwedeng pag-usapan ‘yun. Huwag lang supply, pagusapan din natin huwag lang malinis pagusapan natin. Higit sa lahat, ‘yung presyo para maging abot kaya ‘to sa ating mga kababayan.

AE: Ganado. DOE secretary kaya gusto mo?

CHIZ: Teacher ko sa college, Alvin, Doris, ang ating DOE secretary na si Sec. Lotilla.

AE: Oo naman. Magaling ‘yan. Si Archie Lagman may pahabol, for sound bite siguro ito, kasi pang-news kasi ito. Naniniwala ka ba SP na mayayaman lang ang makikinabang sa panukalang absolute divorce o diborsyo?

CHIZ: Hindi ko kasi nakita baka naman meron, Alvin, Doris. Hindi ko nakitang binuksan nila ‘yan para hawakan ng Public Attorney Office ‘yung kasong divorce kung hindi ‘yan nakalagay doon ‘di pinadali lamang natin sa mayaman magka-divorce. Kung nandoon ‘yun at kung wala ‘yun dun ipapanukala ko ‘yun. Dun na ilagay, ‘yun ilagay sa jurisdiction ng PAO ang paghawak sa mga kaso tulad niyan.

AE: And one last, ikaw daw ba ay naghahangad pa na tumakbo sa mas mataas na posisyon? Dati naman siyang tumakbo as vice president, Partner, ngayon ‘yung Senate President is the third highest position in the land. Nabuhay ba ang ambisyon mong maging bise presidente o president?

CHIZ: Alvin, ikaw na mismo ang nagsabi, hindi mo lang tinapos. Sinubukan kong tumakbong bise natalo na ako sa pagkabise. Sapat na ‘yun, tama na ‘yun. Sagot ko na ‘yun siguro sa lahat ng magsasabing mangarap at mag-ambisyon pa wala at hindi ang sagot ko. Tumatanda na rin tayo, hindi ko sasabihing ako lang kasama ka, Doris doon.

DB: Dinamay mo pa ako, Senator.

CHIZ: Sa pagtanda, mas malapit-lapit sa realidad ang ating mga pangarap din. Hindi lang ang ating kagustuhan sa buhay, upang sa gayon, gawin na lang natin kung ano ‘yung magagawa natin kung nasaan tayo sa pangkasalukuyan.

AE: So walang ambisyon.

DB: Pero ready daw si Heart?

CHIZ: Walang-wala, Alvin, Doris, kaya hindi mo ako makikitang bumisita kung saan-saan tututok ako sa trabaho ko bilang senador at bilang taga-pangulo ng Senado. Hindi pa nga ako nagpapasya, Alvin, Doris, sinabi ko na sa marami kong kaibigan at pamilya hindi pa ako nagpapasya na ako’y muling tatakbo sa 2028, although puwede akong tumakbo ulit.

AE: Pero puwede naman bumaliktad ganyan ang marami. Hindi na-udyok ako ang dami nag-udyok sa akin.

DB: Hindi kasi sabi din ni Heart.

CHIZ: Anumang pagpapasya kaugnay sa pagtakbo bilang pangulo, ikalawang pangulo dapat ang unang gawin ng sinumang tatakbo para sa dalawang posisyong ‘yan aminin, tanggapin na siya ang may gusto. Hindi puwedeng tinulak o nakumbinse, kasi kung ayaw mo, mahirap naman gampanan ang mabigat na trabaho kung napipilitan ka lang pala. Dapat tanggapin at aminin ng sinumang tatakbo sa dalawang puwestong ‘yan na gusto niya. Kung sinabi mong nagbago, nagbago at gusto na niya ngayon hindi pang-denial king o queen ang posisyong ‘yan dapat inaamin nila na gusto talaga nila bago sila tumakbo o maghain ng kanilang certificate of candidacy.

AE: Paki-splice niyo po ito 6:59 May 28, 2024. Tapos pagdating ng 2028, baka puwede nating i-play tapos kandidato pala si SP as president o vice president, sabi mo dati hindi ganyan.

DB: Ano naman ‘to si Escudero, naniniwala ako. Kinakapatid ko ‘yan. Chiz, umayos ka.

AE: Maraming salamat po, SP. Thank you very much for the time

DB: Thank you.

CHIZ: Salamat, Doris. Salamat, Alvin. Good morning sa ating mga taga-subaybay.