ALVIN ELCHICO (AE): Pahingi muna dahil paminsan-minsan lang ito makausap, hihingi muna kami ng reaksyon nakalabas na pala si Mayor Guo after, sangkaterba ‘yung hearing diyan sa Senado tapos matatakasan lang pala tayo.
DORIS BIGORNIA (DB): Exactly!
SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Alvin, Doris hindi naman maikakaila ‘yun dahil nga may outstanding warrant of arrest siya mula sa Senado at kasalukuyang isinasampa pa lamang ang iba’t ibang kaso laban sa kanya. Sa mahabang panahon wala naman talaga tayong tinatawag na “general aviation terminal.” Ibig sabihin niyan ‘yung terminal kung saan dadaan ‘yung mga may-ari o nagcha-charter ng private plane, rason para magkaroon ng napakalaking butas sa ating airport security sa iba’t ibang parte ng bansa dahil po sa kawalan niyan.
AE: So sabi ng President, heads will roll, kaya lang wala na, too late na. Nakalabas na ‘yung mayora, Senator Chiz. Sino kaya ang dapat sisihin dito?
CHIZ: Well, maliban sa too late, Alvin, kasi nga sabi ko wala tayong general aviation terminal so ang tanong meron ba silang Immigration official o Customs official na nag-assist, nag-facilitate nung eroplanong ginamit ni Alice Guo. Dahil kung wala, at talagang tumakas lang ito gamit ang barko o kung ano mang maliit na bangka, hindi naman talaga dadaan ‘yan sa ating Bureau of Customs kung walang opisyal na involve doon sa Immigration.
AE: Diyos ko po, grabe naman ano.
DB: Pero sa ganyan po na parang hindi naman natin, hindi naman sa walang magagawa kundi moving forward, hindi kaya pupwede na asikasuhin na lang natin ngayon kung meron man tayong extradition na agreement doon sa mga sinasabing bansa kung saan siya pumunta? Bakit hindi po ‘yun ang ating asikasuhin ngayon?
CHIZ: Well, ang alam kong warrant of arrest pa lang, Doris, ay yung mula sa Senado. Hindi yata balidong basehan sa extradition ang warrant of arrest mula sa Legislative branch ng isang bansa. Ang basehan siguro niyan ay kapag naisampa na ang iba’t ibang kasong criminal na pending pa lamang sa DOJ sa ngayon.
DB: Ganoon pala. So wala pa talagang formal na cases na na-file?
AE: Wala. Wala pang ganoon, partner.
CHIZ: Wala pa yata, Doris, kaya nga walang hold departure order sa ilalim ng batas ang puwede lamang mag-issue ng hold departure order ay ang korte. Walang kapangyarihan ang Senado at Kongreso mag-issue ng hold departure order.
AE: Okay.
DB: Opo. Kayo na rin po ang nagsabi, Senate President na hindi pupwede or, malamang sa malamang, may nag-facilitate ng kanyang pag-alis o pagtakas man ‘yan. Kayo po ba ay nakakaramdam ng sobrang nakakahiya na tayo ay—
AE: Nakakahiya talaga.
DB: Oo kasi ang ibig sabihin nyan ay ang gumana ay pera.
CHIZ: Well, tama ka Doris, ang gumana ay pera. Pero simula’t simula ulitin ko, simula’t simula noong naimbento ang airport sa Pilipinas, wala naman tayong general aviation terminal so talagang lamang o nakalalamang ang mayaman at may pera na may kakayahan na mag-charter o magmay-ari ng private plane. Sa pagpasok, sa pagkakaalam ko, sa pagpasok ng private concessionaire sa airport itong darating na buwan, isa ‘yan sa mga plano nilang gawin magkaroon ng general aviation terminal itong NAIA. Pero paano ‘yung ibang international airport natin sa Davao, sa Cebu, sa Iloilo, sa iba’t ibang parte ng bansa? Paano naman ‘yung general aviation doon kapag may private plane na magla-land at magti-take off?
AE: Usad tayo, Mr. Senate President, ano. Ano ang take mo doon sa hearing noong isang araw nagkasagutan si Senator Risa at si Madam Vice President over a P10-M project? Ano ba ‘yun? ‘Di ba trabaho niyo naman talagang busisiin ‘yung mga budget ng iba’t ibang ahensiya?
CHIZ: Well, una sa lahat Alvin, Doris, turo sa akin ng lolo ko kung may nag-aaway na dalawang tao—babae man o lalaki—‘wag kang manghihimasok dahil baka madamay ka.
DB: ‘Yung nag-aawat ‘yun pa ang maano, ‘di ba?
CHIZ: Pero let me say the rest, Alvin, let me say that I think Senator Grace handled it very well. Napanatili niya ang pagiging kalmado sa hearing at sa dulo. Suportado ko si Senator Risa na may karapatan siyang ipukol ‘yung mga tanong na ipinukol niya dahil ito ay may kaugnayan sa budget. At, sa totoo lang, napakahinahon ng pagkaka-deliver ni Senator Risa nung kanyang katanungan walang halong galit o poot nang ibinato niya, ipinukol niya ang mga katanungan niya kaugnay ng project. At paalala sa ating mga heads of agencies, sila ang humaharap sa Senado, sa Kongreso para paaprubahan ‘yung kanilang budget at natural lang naman na sila ay matanong kaugnay nito. Pero doon sa mga hindi sanay tanungin, dapat magsanay na po sila.
AE: Pero bakit hindi naman siya sinita, ‘yung asta niya parang siya pa ‘yung matapang parang gerera, partner, ready to fight. Ganoon ang stance ng vice president during that time.
DB: Parang ano daw, sino pa ang gusto niyo akong awayin? Parang sanggano, ano ba ‘yun?
CHIZ: Well, marahil gaya ng nasabi ko, Alvin, Doris, marahil hindi sanay ang ating vice president na siya ay natatanong, marahil sa pagiging lokal na opisyal niya noon, walang nagtatanong sa kanya. Pero bilang (inaudible) may budget, natural lamang na matanong siya sa Kongreso at sa Senado kaugnay nito.
AE: Ikaw, galing ka rin sa Kamara, ‘no partner, naging young guns ‘yan once a upon a time although, ngayon hindi na siya young. I don’t know, young ka pa ba, Senator Chiz?
DB: Young, young-an na lang.
AE: Oo. Pero wala pa naman siyang sisenta partner.
DB: Wala. Bata pa.
AE: So bata pa, ‘di ba? You are a congressman once ano po, Senator.
CHIZ: Yes.
AE: What do you think, mauuwi ba ito sa impeachment? Kung ikaw ay nasa Kamara meron bang dapat mag-initiate ng impeachment laban sa bise presidente?
CHIZ: Well, ayokong magkomentaryo kaugnay niyan, Alvin. Dagdagan ko pa siguro, papaalalahanan ko ang aking mga kasamahan sa Senado na huwag magkomentaryo kaugnay sa anumang usapin ng impeachment sa Kamara kung sakali man, dahil sang-ayon sa proseso ng batas, posibleng makarating ‘yan sa amin at uupo kami bilang mga mahistrado. Hindi tama na magkomentaryo kami at pangunahan naming ang isang kasong na maaaring makarating sa aming mga mesa, ika nga, bilang bahagi ng trabaho naming sa Senado.
AE: No. But bilang pulitiko, is it wise to initiate impeachment proceedings against the Vice President now?
CHIZ: Well, I am a politician and I am a senator at same time, Alvin. Again, ayokong magkomentaryo kung tama ba o mali sang-ayon sa proseso natin, Kamara (inaudible) kung kailan at kung magsisimula ang isang impeachment process. Hindi po ‘yan papel ng Senado, ang tanging papel ng Senado ay dinggin ‘yung kasong makakarating sa amin kaugnay ng anumang impeachment. Kaya hangga’t maaari, hindi dapat ‘yan kinokomentaryo ng sinumang senador.
AE: Pero kung titingnan mo, Senator Chiz, I mean nandyan ka naman. NPC naman ‘yan, partner, ano kung titingnan mo, may number, ano po?
CHIZ: Sa karanasan ko sa impeachment, doon mo makikita ang linya kung saka-sakali, Alvin, Doris, sa Kamara, ika nga, kung maghahalo ba (inaudible.) Diyan mo makikita ang linyahan kung mangyayari man ‘yan dahil, ngayon, drawing pa lang ang linyahan kaugnay ng pulitika sa pagitan ng dating parehong miyembro ng Uniteam.
AE: Ito, kung nakalagay naman sa Konstitusyon, kung saka-sakaling ma-impeach ang Vice President, ikaw ba ‘yung aangat na vice president? Ganoon ba ‘yun in terms of succession?
CHIZ: Hindi. Sang-ayon sa Saligang-Batas, kung may mangyayari, magbibitiw o ano man ang mangyari sa ikalawang pangulo, tulad noong nakaraang kasaysayan natin, ‘yung ikalawang pangulo, si GMA umakyat bilang pangulo kaya nabakante ang vice president. Ang mangyayari po niyan, sang-ayon sa Konstitusyon mag-a-appoint po siya ng isang miyembro ng Kongreso—Kamara man o ng Senado—at pagbobotohan po ng Kamara at ng Senado para i-confirm ‘yung in-appoint ng pangulo na miyembro ng Kamara o Senado para maging vice president. Kung maaalala niyo in-appoint ni dating Pangulong GMA ay si Senator Guingona kaya siya naging vice president natin at kinonfirm ‘yan by a majority vote ng House at ng Senate.
AE: Ganoon pala ‘yun. So hindi pala siya parang succession na aangat ‘yung sa one, two, three, four. Number three, ‘to.
CHIZ: Sang-ayon sa Konstitusyon, Doris, Alvin, aangat lamang ang Senate President bilang pangatlong pinakamataas na opisyal ng bansa kapag sabay na may nangyari sa pangulo at ikalawang pangulo at uupo lamang siya bilang pangulo para pangasiwaan niya ang pagtatawag ng halalan sa loob ng 90 or 120 na araw.
AE: I asked that, kasi baka sabihin ng iba, may conflict ‘yan si Escudero kasi siya ‘yung aangat kapag nawala si Duterte. Hindi po ganoon. Hindi ganoon.
CHIZ: Wala po.
DB: Hindi po siya ang designated survivor. Mali.
AE: Hindi ganoon. Ibang position pala, ‘no. Pero siyempre, masyado nating inuunahan yung posibilidad lang kung saka-sakaling mangyari ganito ‘yan ganito ang mekanismo natin sa Saligang-Batas na papalit sa bise president, just in case. We are not saying it’s not going to happen, hindi ba, Senator?
CHIZ: Kaya nga ibinigay kong halimbawa ‘yung kay dating Pangulong Arroyo noong siya ay naging Pangulo.
AE: Okay sige, partner.
DB: Ang tanong ko lang ‘yung parang kasi ang sabi ni Senate President, as much as possible iiwasan nila na magkomento tungkol diyan sa usapin na ‘yan. Pero papaano po Senate President kung napo-provoke na po kayo at ang provocation ay sinasabihan kayo na pinupulitika niyo ako, political harassment ito?
CHIZ: ‘Yung sinabi niyang ‘’yun sa hearing patungkol kay Senator Risa, hindi naman po impeachable ‘yun at nagkomentaryo na rin si Senator Risa kaugnay nun. Okay lang po ‘yung ganoon dahil patungkol naman ‘yun sa partikular na insidenteng naganap noong pinagdedebatihan nila ‘yung budget.
AE: Kumbaga kapag ganyan, partner, part ‘yan ng dynamics. Napaka-petty mo naman kung ‘yun ang gagamitin mong basehan ng impeachment.
CHIZ: Normal naman ‘yun na may nawawalan ng pasensya kaya mainit ang ulo may namamatol at may pumapatol. Normal naman ‘yun sa debate ng Kongreso hindi ‘yan ang unang pagkakataong nakita kong nangyari ang isang insidente tulad nyan.
AE: Ang ibig sabihin niyan kapag pikon ka, talo ka? Ganoon lang ‘yung kalakaran kapag ganyan, ano, asar-talo ka, ‘di ba? Anyway, usad ulit tayo ‘yung sa transfer ng PhilHealth funds ano. Anong take mo doon, kasi ikaw abogado ka naman. Sinasabi ni Recto nasa batas ‘yan. Sabi nung kabilang side, hindi pera ng PhilHealth ‘yan, hindi niyo puwedeng galawin, pero ano sa ang palagay mo?
DB: Pera ng miyembro ‘yan.
CHIZ: Well, pending na ‘yan sa Korte Suprema. Pero Alvin, Doris, karamihan ng pondo ng PhilHealth ay galing din naman sa National Government. Hindi lang naman contribution ‘yan na dini-deduct sa suweldo natin. Karamihan lalo na sa indigents na mas marami ay subsidiya na nanggagaling sa National Government.
Pero mas issue ko diyan, sa totoo lang, Alvin, Doris, ay hindi ‘yung kinuha ng DOF, bakit sobrang daming sobrang pera ng PhilHealth? Ang sagot ko diyan ay dahil sa RTH. Ang RTH ang tawag diyan ay “return-to-hospital.” Napakarami nilang claim kasi mula sa public at private hospitals para sa PhilHealth reimbuirsements na hindi po nila binabayaran dahil lamang sa mga simpleng dahilan at kapag hindi mo naibigay ang dokumento sa loob ng siyamnapung araw, hindi ka na puwedeng mag-claim kahit kailan sa PhilHealth. ‘Yan ang naging dahilan kung bakit nagkaroon sila ng ganyan karaming sobrang pera. Kung titignan mo naman ‘yung kabilang banda, ang daming serbisyo, tulong sa pasyente, pagpapagamot na ginastusan ng mga ospital, pribado man o pampubliko, na hindi po bayad ng PhilHealth. Diyan nanggaling ‘yung sobrang pondo nila, sa totoo lang at hindi lamang sa kontribusyon ng miyembro.
AE: So parang ang sinasabi mo, kasalanan din ng PhilHealth kung bakit marami silang excess funds?
CHIZ: Opo. Dahil kung binayaran man lang sana nila ‘yun, hindi sila gaanong istrikto, hindi sila masyadong metikuloso, umikot pa ho yung pera sa ekonomiya at nabayaran ‘yung mga, lalo na ‘yung mga public hospitals. Halimbawa Alvin, Doris sa Sorsogon lamang, ang provincial hospital system ng Sorsogon, ‘yung lalawigan ko, ang utang nila sa amin ay mahigit kumulang P300-M.
DB: Hala!
CHIZ: Oo. Maliit na probinsya lamang ang Sorsogon, paano pa kaya ‘yung Cavite, ‘yung Cebu, ‘yung mga malalaking lalawigan? Paano pa kaya ‘yung mga siyudad na may mga malalaking pribadong ospital at ito may mga claims sa PhilHealth. Minsan, mali lang ang spelling, hindi lang na-spell na tama ang gamot ay ibabalik na ‘yan. So sana tignan din ng PhilHealth ‘yun kaugnay sa bagay na ito. Mas gusto ko na mapunta ‘yan bilang reimbursement sa mga ospital kesa makuha ng gobyerno pero dahil hindi nga nila binabayaran ay nakita siguro ng DOF ‘yan.
DB: Okay. Okay. Senate President, other matters na ulit tayo kasi ‘di ba sinasabi na nakawala na, nakaalis na si Alcie Guo ibig bang sabihin ay tapos na ang trabaho ng Senado, wala na kayong gagawin tungkol dito sa mga POGO?
CHIZ: Well, tatlong bagay Doris. Kahapon may ni-refer kaming speech ni Senator Hontiveros kaugnay sa paano nga ba nakaalis si Alice Guo at sino ba ang responsible doon? Kaninong ulo ang gugulong, ika nga, sabi ng Pangulo. Ni-refer namin ‘yan sa Committee on Justice. Pangalawa, ‘yung hearing ni Senator Risa kaugnay sa Committee on Women sa POGO, hindi pa po sarado ‘yun dahil may outstanding warrant of arrest pa rin po na in-issue ako para sa kanya pagkakaaresto na hindi pa po nangyayari. Anytime na mahuli siya bubuhayin ho ‘yung pagdinig na ‘yun. Pangatlo, meron din pong resolusyon sa komite naman ni Senator Mark Villar kaugnay ng winding up na pinag-utos ng Pangulo, kung paano nga ba ito gagawin, nagawa na nga ba? At paano na ‘yung mga trabahong posibleng mawala ng mga Pilipinong nandyan sa POGO na ‘yan?
DB: Ayon pa, oo, ‘yun ang kailangang—
AE: —Puwede na? Ito pa isa, na-hack daw ang website niyo, naayos na ba Mr. Senate President?
CHIZ: Oo yata. Naayos na nila kagabi pero siyempre tine-testing pa rin nila siguro hangang sa araw na ito, Alvin.
AE: So wala naman na-compromise anything. Tsaka bakit ganoon ibig sabihin, hindi maganda ‘yung cyber security ng—
DB: Hindi secured.
AE: —Senate website?
CHIZ: Hindi lang naman siguro ang Senado. Bawat ahensiya ng gobyerno nasabi na ‘yan ng DICT. Sa lahat po ng computer system ng pamahalaan ay kinakailangan ng pinag-ibayo pa na cybersecurity system. Pero wala namang maha-hack sa totoo lang, Alvin, Doris, dahil pampubliko naman ‘yung laman ng aming website. Para ma-download ng ating mga kababayan anumang pending na bill, mga batas na mga naipasa naming at para makita nila ‘yung records ng Senado dahil dapat alam naman ng publiko ‘yan (inaudible) at accountability ng batas.
AE: So okay na ‘yan wala namang problema doon. What about ‘yung e-sabong. Siyempre dadaan ‘yung mga legislation tungkol sa e-sabong diyan sa inyo. May assurance ba kami na ang Senate President ay personal na haharangin ‘yan, ‘syung mga e-sabong na ‘yan?
CHIZ: Alam mo, Alvin nagtataka ako tungkol doon sa kuwentuhan kaugnay niyan dahil wala namang batas na nag-legalize sa POGO. ‘Yung batas na ipinasa po namin ay para buwisan ang POGO nung meron mang mga lisensya na in-issue ang PAGCOR dito. Kaya nga pag-ban ng POGO ngayon hindi kailangan ng batas, ang kailangan lamang ay kautusan ng Pangulo na susundin ng PAGCOR. Kaugnay naman ng e-sabong, agkaroon din naman ng e-sabong ng wala namang batas na ipinasa ‘yung Kongreso, nangyari na lang din dahil pinayagan ng PAGCOR noong mga panahong ‘yun o hindi ako sigurado kung PCSO ang pumayag diyan. So hindi kailangan ng batas na ilegal yan, gawing legal ‘yan. Ang puwedeng ipasang batas ay gawing iligal ‘yan kung ayaw ng mga mambabatas.
AE: So gagawin ba?
CHIZ: Wala namang e-sabong ngayon, Alvin, so ano ang idedeklara namin iligal? At ang payo ko nga sa aking mga kasamahan, gawin na nating pangkalahatan itong legislation na ito kaugnay sa sugal. Bakit pa tayo mamimili ng sugal na ipagbabawal at puwede? Halimbawa na lamang ‘yung jueteng, Alvin, Doris. Gigising ‘yung tao sa umaga, tataya, magtatrabaho, mangingisda, o magsasaka. ‘Yung casino, buong araw hangang umaga nandoon ‘yung tumataya, nagsusugal, nasisira ang pamilya meron din namang prostitusyon, may kuwentong droga, may kuwentong kidnapping noon bago ang POGO, bakit parang ‘yan okay lang?
Bakit hindi natin pag-usapan sa pangkalahatan? Anu-ano ba talagang sugal ang papayagan lang natin ano ba yung mga mabuti at masama sa Pilipino? Ano ba ‘yung tama at mali? Bigyan ko po kayo ng isa pang-example ‘yung POGO puro foreigner ang naglalaro sa internet gaming, ‘yung PIGO, Pilipino po ang naglalaro niyan. Ipinagbawal natin ang dayuhan na nagsusugal, pinapayagan natin na ‘yung Pilipino ay nagsusugal dapat sana pag-usapan sa pangkalahatan ito hindi kung kada may uusbong ay yun lang ang pag-uusapan natin bigla parang namimili tuloy tayo at parang may pinapaboran tayo para may tinitignan tayo, parang may tinititigan tayo.
AE: So, what are you saying, na dapat ay gumawa na tayo ng pangkalahatang batas banning all forms of gambling?
CHIZ: Either banning all forms of gambling or rationalizing it na ito lang ang puwede dahil habang may buhay, Alvin ika nga, habang may araw may maiimbento ang tao palagi na iba’t ibang klaseng paraan na magsugal. ‘Di ba kahit nga sa puntod nung nasa krus si Hesus ay nagsusugal din ang mga sundalo doon? So, sa pangkalahatan ano ba talaga ‘yung polisiyang gusto ng Kongreso kaugnay nito. Hindi ‘yung kada na lang may bago ay magre-react na lamang kami.
DB: Pero Senator, ang nagiging consideration din ay ‘yung kita na mawawala, mawawala ba o magkakaroon ng kita. So ‘yun ang iniisip din po.
CHIZ: Tama po kayo dun kasama yan sa bagay na dapat balansehin pero, halimbawa din Doris, ang PAGCOR ay nandiyan mula 1970s pa. So humigit kumulang 40 taon na ‘yang PAGCOR na ‘yan. Ang Singapore pinayagan lang ang casino o pagsusugal siguro nitong nagdaang sampung taon pa lamang. Pero sa unang sampung taon ng Singapore, inilampas niya agad ‘yung kita ng PAGCOR sa loob ng 40 taon. So baka din may ginagawa tayong mali at, halimbawa din Doris, Alvin, sa Singapore nang pinayagan nila ang casino may rules sila na sinubukang gayahin ng Pilipinas diyan sa reclamation area gumaya pa tayo. Tayo ang mas matanda na ‘yung gaming area dapat hindi lumambas, halimbawa, ng dalawampung porsyento kabuuan ng development ng casino. Para mas malaki yung function room, mas malaki yung shopping, mas malaki ‘yung theme park kaysa doon sa laruan na sugalan. May mga ganoong polisiya na sana pagpulutan natin ng araw o pwede nating gayahin (inaudible) PAGCOR dito sa mga casino tulad ng Solaire, tulad ng Okada, dahil nauna ng ginawa ng Singapore.
AE: Balit tayo sa pulitika Mr. Senate President, may lumabas na palang listahan ano ng parang unified line-up na. Nakita mo ‘yung mga kandidato, partner? ‘Yun na ba ‘yon?
CHIZ: Hindi ko alam, Alvin. Hindi ako pasok sa mga usapan tulad niyan. Nabasa ko lang din sa pahayagan at nakita ‘’yung pahayag ng Partido Federal at nakita ko rin, diumanong, listahan na ipinalabas din ni Senator Marcos galing sa kanyang sources. Wala akong sources, Alvin, hindi ako pasok sa usapan. Kung mapapansin mo ang pagpupulong nila kaugnay niyan hindi rin naman ako kasama o naimbitahan.
AE: Actually, weird nga ‘yun na ang naglabas ng listahan si Senator Imee na panay naman ang tuligsa doon sa kapatid niya na parang weird ang dating sa akin. But anyway, maraming ano, dun representative ‘yung NPC doon. I think si former Senate President Sotto is there, Manny Pacquaio is there as representing NPC hindi ho ba, Mr. Senate President?
CHIZ: Hindi yata ang kumatawan sa NPC ay si Senator Sotto lamang.
AE: Si Sotto lang ba?
CHIZ: Ang kumatawan sa NP, NUP, Lakas, mga kinatawan mula sa mga partidong ‘yan.
DB: Hindi ibig sabihin ‘yung sa line-up, ‘di ba. Labindalawa ‘yun sinong sa NPC dun?
CHIZ: Well, ang NPC doon sa mga pangalan nababanggit, Alvin, dahil hindi ko nga alam ‘yung pinal na listahan doon sa mga pangalan na nababangit ang NPC ay si Senator Lapid. Siyempre si Senator Sotto, si Mayor Abby Binay, sila yata ‘yung NPC. Si Senator Lacson, hindi ko po alam kung ia-adopt ng NPC o kung maging NPC siya pero ang may bitbit at may dala sa kanya ay si Senator Sotto.
AE: Ayon! Nakita ko rin kasi Camille Villar doon—
DB: Si Manny Pacquiao, papaano?
AE: Nakita ko ang pangalan niya, Manny Pacquiao. So hindi pala NPC ‘yun, Senator Chiz?
CHIZ: Hindi ko alam. Kasi kung maalala mo, Alvin, Doris, noong nakaraang Eleksyon 2022 may sariling Partido si Senator Pacquiao.
AE: So naniniwala ka naman na buo at malakas itong partnership dahil ang dami niyo na sa partnership, ‘di ba? Federal, NPC, Lakas, Nacionalista, mukhang matibay naman ang samahan.
CHIZ: Well, base sa bilang o numero o laki ng Partido, ang sagot ko ay oo. Pero alam naman natin na sa eleksyon, isang tao isang boto lamang ‘yan. Hindi naman nakakaboto ‘yung Partido, so dapat suklian nang masipag na pagtatrabaho ng iba’t ibang partido at ang kanilang mga lider, miyembro sa baba ‘yung pangangampanya sa mga kandidato na nais nilang manalo sa darating na eleksyon.
AE: May pahabol pa, si Quiboloy daw baka alam mo kung nasaan? Baka nasa Singapore na rin o kaya Malaysia? Baka makalusot din sa atin, Senator Chiz? Nakakahiya na tayo kapag nakalusot ‘yan.
CHIZ: Matagal ko ng kilala si Pastor Quiboloy, mula pa nung bago pa ako unang tumakbo sa senador noong 2007, pero hindi ko alam kung nasaan siya, Alvin, Doris sa totoo lang. Pangalawa, well tama ka, medyo nakakahiya ang Philippine National Police dahil isa to sa mga major na kaso na alam ng buong bansa at medyo sampal na sa kanila na hangang ngayon ay hindi nila maipatupad ‘yung warrant of arrest laban sa apat na tao dahil nakuha na yata ‘yung isa. At Doris, Alvin, kung makikita niyo ‘yung nahuli nilang si Canada yata nahuli nila yan sa bahay niya. So ang tanong ko hinahanap ba talaga? Meron ba talagang galaw hakbang at seryosong paghahanap dahil bakit siya nakuha sa bahay niya na parang normal naman ang buhay?
AE: So, ano, parang kinukwestiyon mo ba ang sensiridad at yung initiatibo ng—parang ano, galaw-galaw?
CHIZ: Well, hindi naman, nagtataka lamang ako kung bakit siya inabutan sa bahay. Hindi ko alam ang buong kuwento talaga bang nandoon lang siya mula’t mula o nagtago biglang nung parang wala na umuwi at natiyempuhan nila. Hindi ko alam ang kwento kaya nagtatanong ako. Pangalawa, kaugnay nang sinasabi ng abogado ni Pastor na hindi daw fugitive from justice, hindi po tama at accurate ‘yung kanyang mga sina-cite na rule at mga kaso. Isa-isa ko pong binasa dahil na-curious ako kung ganoon nga ba ang batas ngayon dahil matagal na akong hindi nagpa-practice, Alvin, Doris, walang ganyang batas o nagsasabing hindi siya fugitive ‘yung kasong sina-cite niya ay tungkol sa isang mayor na may warrant of arrest pero nakatakbo, sumumpa pa sa panunungkulan niya so mukhang hindi naman daw hinahabol o hindi naman daw hinahanap ng awtoridad. Kaya ang sabi ng Korte Suprema hindi siya fugitive dahil hindi naman siya nagtago. Pero sa kaso ni Pastor, siya ay nagtatago at klarong hindi makita so hindi aplikable ‘yung kasong yun sa kanya at oo may mga pending silang motions sa DOJ, pero ang tanong ko may pending siguro silang motion sa Korte Suprema. Pero ang tanong ko, may temporary restraining order ba laban doon sa pagpapatupad nung warrant of arrest? Kung wala, puwes trabaho ng PNP na ipatupad ‘yung warrant of arrest.
DB: Magkano kaya ang nangyari, Senator? Este
CHIZ: Tingin ko naman siguro, Doris, tingin ko nga marami sa ating opisyal sa kapulisan ay ginagawa ang lahat ng kaya nilang gawin pero masyado na rin kasing matagal at kung seguridad ni pastor ang kinukwestiyon nila, ‘di paano na lang, Doris, kung bawat may warrant of arrest ang sasabihin magpapakita lang ako kapag sigurado ako na ligtas ako?
DB: Kaya nga.
CHIZ: Mahirap ipatupad na ‘yung ating justice system sa bansa kung mangyayari po ‘yon.
AE: Okay, thank you. Maraming salamat, Mr. Senate President. Sorry naabala ka naming, ang haba. Thank you, Sir. Maraming, maraming salamat po.
DB: Thank you. Ingat po kayo.
CHIZ: Maraming salamat, Doris, Alvin. At sa ating mga tagasubaybay, magandang umaga po.