IZ BALITA SABADO

 

CELY BUENO (CB): At sa pagkakataong ito ating makakapanayam ho ang chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education at marami na rin ho itong hinawakan na mga committee chairmanship diyan sa Senado, si Senator Chiz Escudero na ating makakapanayam via Zoom. Magandang tanghali po, Senator Chiz!

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Raoul, Cely, sa ating mga tagasubaybay magandang hapon po sa inyong lahat! Good afternoon!

RAOUL ESPERAS (RE): Good afternoon, Senator Chiz!

CB: Sir, mukha namang fresh na fresh ka. Mukhang bagong ligo ka na.

CHIZ: Hindi nga. ‘Di ba sinabi ko na sa inyo kahapon.

CB: Hindi halata.

RE: Hindi ka pa naligo niyan, Sir? Parang ano naman—

CHIZ: Hindi.

CB: Ay!  How much more?

RE: Parang gumwapo lalo, Sir, ‘pag hindi ka naliligo.

CB: Sir, ano muna, alam ko nakatrabaho niyo ng ilang taon si dating Senator Leila De Lima?

CHIZ: Oo, Cely, siguro mga anim na taon.

CB: Six years. So, Sir ngayon, kahapon ang isa sa mga malaking balita ‘yung a-acquitan ‘yung kaniyang pangalawang kaso na may kaugnayan sa iligal na droga. May isa pang natitira. Sa tingin niyo ba, Sir, aasahan na lang natin na maa-acquit siya dun sa natitira pa dahil almost the same naman yata pati ‘’yung kanilang mga witnesses at karamihan sa mga witness ay nag-recant.

CHIZ: Wala akong detalye nung kaso, Cely, Raoul, subalit ang pagbabasehan ko lamang ay bakit hiniwa-hiwalay ang kaso kung pare-pareho lamang naman siya. So dahil hiniwa-hiwalay ‘yung kaso, hiwalay din ang magiging desisyon niyan. Bagaman, malamang ordinaryong pag-iisip ay kung ano ‘yung resulta nung unang dalawang kaso ay ‘yon na rin dapat ang resulta ng pangatlo. May kaunting posbilidad pa rin na iba yung maging resulta nung pangatlo dahil nga hiwa-hiwalay at iba’t ibang mga krimen at kaso ‘yan.

CB: Pero kung the same witnesses at mga nag recant, although may kaunting, sabi niyo puwedeng iba yung maging decision, pero mas malaking tiyansa na the same rin ang maging decision.

CHIZ: Masakit ang sa – Cely, Raoul, pero isa ang natutunan ko kasi noong ako’y nagpa-practice at isang trial lawyer, walang siguradong bagay pagdating sa hustisya at sa huwes at paggawad ng hustisya ng mga huwes. So ginagawa lamang ng abogado ang pinaka-kaya nilang gawin para matiyak na magawaran ng hustisya ang kanilang mga kliyente, prosecution man o defense counsel man.

CB: Sir, anim na taon na ng nakulong si Senator Leila De Lima kung sakali na ma-acquit siya, makalaya, ano ‘yon parang ito ba—

RE: “Thank you” na lang ba or does she have any option na idemanda naman ‘yung mga nagpakulong sa kanya sa loob ng anim na taon?

CHIZ: Well, may option siya, Raoul, pero ‘yung option na ‘yon nandiyan pa ‘’yan kahit noon pa, hanggang ngayon, kahit wala pa yung pangatlong kaso. Walang pumipigil kay Senator De Lima na maghain ng kasong simpil o ng kasong libelo, sa mga naninirang puri sa kanya.  At kung papatunayan nga base sa desisyon ng korte na may nag sinungaling na testigo maari siyang maghain ng reklamo para sa perjury sa mga testigong iyan. Mayroon din batas na umiiral ngayon. Hindi ko lang kabisado ‘yung amount pero alam ko maliit lamang, Raoul, Cely, na kapag ikaw ay wrongfully imprisoned na mapapatunayan kapag ka ikaw ay na-acquit may kompensasyong ibabayad sayo ang gobyerno hindi nga lang siyempre katumbas ng malaking sweldo na sana’y kinita mo , hindi katumbas ng sana’y malaking kita kung ikaw ay nag nenegosyo pero mayroon tayong batas na ganoon.

CB: Pero bilang isang senador, isang lawmaker, six years na napagkaitan ho siya na magampanan yung kaniyang tungkulin, ano ‘yon ang computation ho nun kung ano ‘yung nawala sa kaniyang compensation as a lawmaker?

CHIZ: Hindi Cely, dahil sa pagkakaalam ko bagaman siya’y napiit tuloy naman ‘yung kaniyang benepisyo, suweldo kahit nga ‘yung staff niya tuloy noong siya’y senador pa. Pero noong natapos ‘yung term niya dahil hindi siya nakapasok after nung nagdaang eleksyon siyempre tumigil na rin ‘yon. Pero habang siya’y nakapiit, ang alam ko may suweldo siya, alam ko may suweldo ‘yung staff niya, alam ko may pondo pa rin yung opisina niya dahil hindi pa naman siya convicted by final judgement.

CB: Pero Sir, ‘yung tumagal ng anim na taon tapos ngayon saka lang magkakaroon ng verdict sa kanyang kaso, ano ito, ito ba ay mukha ng mabagal na justice system sa ating bansa?

CHIZ: Well, Cely, mabagal kung ikaw ay akusado yung anim na taon pero kung ikukumpara natin sa ibang mga kaso, ‘yung kaso ng mga Ampatuan sa Maguindanao Massacre hanggang ngayon kinamatayan na nga ng ilang akusado eh tumatakbo pa rin. Marami ibang kaso na matagal ding nakabinbin depende sa sitwasyon kung ito ay inakyat sa Korte Suprema at natatagalan ang Korte Suprema pagpasyahan bago mag patuloy ang paglilitis. Matagal din ‘yon. ‘Yung kaso laban sa pamilya Marcos, Cely, 1986 pa finile ‘yon, hanggang ngayon ay pending pa rin. So matagal ang anim na taon, oo, pero maraming mas matagal din namang mga kasong nakabinbin kaugnay ng iba’t ibang krimen at sitwasyon.

CB: Pero Sir, ano ‘to, dahil ba wala na ‘yung Duterte Administration kaya ngayon nagkakaroon na ng verdict dito sa mga kaso ng dating Senadora?

CHIZ: Hindi naman siguro, Cely, may proseso lang talagang pagdadaanan ang isang trial kumbaga, mag pepresent ng ebidensya ang prosekusyon kung ilang testigo man ‘yan ay iko-cross examine ng defense, magpipresenta din ng depensa ang akusado depende kung ilang testigo ‘yon. Pero sa kaso yata ni Sen. De Lima, hindi na sila nagpresenta ng mga testigo dahil binawi ng mga testigo ng prosekusyon yung kanilang mga naunang sinabi at in-execute ng mga affidavit kaya medyo napabilis pa nga ito. Sa aking pagkakaalam nag-demurrer si Senator De Lima ibig sabihin base sa ebidensiya na inihain ng prosekusyon hindi niya na kailangan magpresenta ng ebidensiya dahil hindi sapat to prove beyond reasonable doubt ‘yung ebidensiya ng prosekusyon at kinatigan siya ng korte.

RE: Sir, as a trial lawyer, bakit on the part ni Senator De Lima hindi na lang niya pina-consolidate ‘yung kaso para isang ano na lang, isang hearing na lang kung pare-pareho rin naman. At sabi niyo nga kayo rin nagtataka kung bakit—

CB: Hiwa-hiwalay.

RE: Hiwalay-hiwalay ang kaso na isinampa laban kay Senator. De Lima.

CHIZ: Raoul, malamang hiniling niya yan pero ang magpapasa niyan ay ang korte at kung hindi sasang-ayon ang korte sa kanya puwede niyang iakyat sa Korte Suprema. Hindi ko masyadong alam ‘yung detalye pero kahit sinong akusado na ipinagsisigawan ang kanyang pagiging inosente, mas gustong mapabilis ito. At isa sa paraan para mapabilis ito ay kung iko-consolidate, pagsasabay-sabayin at pagsasama-samahin yung mga inihaing kaso laban sa kanya.

CB: Pero Sir, sa tingin niyo dahil isa na lang yung natitirang kaso ni Senator De Lima yung dalawa na acquit na siya, parang may pressure na ba dun sa korte na bilisan na rin yung pagde-decide dun sa isa pang pending na kaso ni Senator De Lima?

CHIZ: Wala naman, Cely, dahil dapat may pressure man o wala ginagawa ng mga mahistrado at huwes ang kanilang trabaho ng pantay at walang kinikilingan. Kaya nga ang simbolo ng hustisya, Cely, ‘di ba babaeng nakapiring na may hawak na timbangan at espada. Pagpapakita na dapat pantay ang pagtrato, walang kinikilala, walang tinitignan, walang tinititigan ika nga pareho ang pagtingin.

CB: Pero bilang kapwa niyo lawmaker, kapwa Bicolano, you’re hoping na kung talaga namang inosente si De Lima ay makalaya na ito sa lalong madaling panahon?

CHIZ: Well, definitely, Cely alam mo ang pinakamasakit na pag pagdaanan ng sinumang tao ay maakusahan at makulong sa isang kasalanan na hindi mo ginawa. Magsusumigaw palagi ang hustisyang mula sa dibdib at puso at isipan mo. Bawat oras, bawat araw, bawat minuto na ikaw ay nakapikit sa isang bagay na sa paniniwala mo sa pagkakaalam mo at malinis ang konsensya mo na hindi mo naman ginawa.

RE: Knowing si Senator De Lima ano Senator Chiz, she must offer na makalabas on out of bail lalo na noong magkaroon ng attempt na siya’y i-hostage. Bakit sa tingin niyo lang, bakit hindi niyo tinanggap yung offer na ‘yon na mag-bail siya—

CB: Mag-bail ba or parang house arrest?

RE: Mag-house arrest siya, I mean to be released pending the case. Bakit sa tingin niyo hindi niya inavail ‘yung offer na ‘yon na magkaroon siya ng under house arrest?

CHIZ: Hindi ko alam, Raoul. Actually, governor yata ako noong inalok siya niyang ganyang klase ng alok. Hindi ko natutukan ‘yang balitang ‘yan subalit wala akong nakikitang dahilan para hindi niya tanggapin ‘yon lalo na at makakapiling niya ang kanyang nanay yata na may sakit noong mga panahon ‘yon at saka mga anak na siyempre kailangan ng pagkalinga ng isang ina. Hindi ko natutukan Raoul kung anong nangyari noon kung ‘yon ay inalok ba, binawi ba ‘yung alok, hiniling ba talaga niya o tinanggihan niya. Hindi ko natutukan masyado ‘yon, Raoul, kaya hindi ko kayang sagutin ang iyong katanungan.

CB: Sir, doon sa pagdinig ng inyong committee noong last Thursday lumabas alinsunod doon sa pahayag nitong si CHED Chairman Prospero De Vera na halos umaabot pala sa 30% ‘yung over enrollment sa mga SUCs lalo na nitong nakaraang taon dahil ho sa COVID pandemic at dahil diyan naniningil sila ng about Php2-B para dun sa over enrollment. Papano po ‘yon? Dapat ba na-control ‘yon ng mga SUCs kung hanggang saan lang yung pwede nilang sagutin alinsunod dun sa budget?

CHIZ: Tama ka, Cely, sa lahat ng sinabi mo. Actually, bahagi ng problema ‘yan. Liwanagin ko lang. Sinabi ni Chairman Popoy De Vera ng CHED na umaabot hanggang 30% ‘yung pinakamataas na over enrollment. I-define ngayon natin ang over enrollment. Ito ay ang bilang ng mga estudyante na in-allocate-an ng budget ng DBM para hindi na magbayad ng tuition fee sa kada SUC. Noong 2021, taong 2020 ipinasa yung GAA at nagsimula noong 2021, 2022, hindi na dumadaan sa CHED ‘yung budget para sa pagbabayad ng libreng tuition. Dinirekta na ng DBM sa mga State Universities and Colleges at ito’y hiniling hindi lamang kinatigan, hiniling din naman ng mga SUC na huwag na raw padaain sa CHED at inaakusahan pa nga ang CHED noon na nadelay yung bayad sa kanila. So, nirekta na sa pamamagitan ng item sa budget ng kada SUC at LUC na qualified sa free tertiary education ‘yung budget.

Ngayon dumating yung pandemya, may pandemya man o wala ang ginawa ng ilang ga SUC at LUC sige lang ang tanggap. Tanggap ng tanggap at ina-assume nil ana babayaran ito ng gobyerno. Nung sinisingil nila ang CHED, ang sagot ng CHED sa kanila, wala na kaming item sa budget para diyan dahil naalala niyo hindi niyo lamang kinatigan, hiniling niyo sa Kongreso na rekta ng ibigay sa inyo. Ngayon anong pagkukunan namin sa hinihiling niyong diperensya at dahil din dito Cely, Raoul, walang polisiyang nilabas ang CHED. Parang naghugas kamay sila, nagpaka Pontio Pilato ika nga kaugnay ng isyung ito ng free tertiary education dahil hindi na dumadaan sa kanila yung pera. Ang nangyari kanyan-kanyang istilo, kanya-kanyang style bahala na si Batman. So, mayroong SUC na nag-over enrollment hanggang 30%. Mayroong SUC na 10%, 8%. 2%, 5%. May SUC na hindi tumanggap ng sobra doon sa alokasyon sa kanila ng DBM at tinanggihan nila yung mga bagong enrollee para sapat lamang yung pondo sa mga existing na 2nd, 3rd, 4th year at konting papasok na 1st year. Iba-iba ang diskarteng ginawa nila Cely noon dahil wala namang ideya na nagmula mula sa CHED o sa DBM tungkol dito.

Ngayon makalipas ang dalawang taon naniningil sila ng 2021 na mga enrollees na hindi pa nababayaran naniningil sila ng 2022. Ang tanong dito Cely ay may karapatan at kapangyarihan ba silang gawin ‘yon ay nasa kanila na yung budget. Alam nila ‘yung budget. Ngayong kung sasabihin nila na mataas kasi yung demand maraming gustong mag-enroll, Cely ang pondo ng gobyerno palaging kulang pantawid pamilya man ‘yan, sa agriculture man ‘yan, sa health man ‘yan, sa DOTR man ‘yan. Trabaho ng opisyal ng gobyernong pagtama-tamain yung pondo na limitado at kulang sa serbisyong inaalok at binibigay natin sa publiko. Ika nga ng isang batiking may akda, “governance is about allocating scarce resources” dapat patama-tamain mo yung konting mayroon ka hindi yung wala kang pakundangang gagastos na lamang porke mayroong kumakatok.

So, having said that Raoul, Cely, ang mga isyung bumabalot dito kaya hiniling namin ang data mula sa DBM, sa COA, sa CHED at sa PASUC yung asosasyon ng mga state universities and colleges gusto namin makita ‘yung extent ng problema. Mayroon bang kapangyarihan ang DBM bayaran ito? Ito ba ay accounts payable authorize by PASUC na gawin ‘yan samantalang yung budget ay nasa kanila na. Parang Cely, may budget ‘yung DPWH halimbawa para gumawa ng isang kilometrong kalye. Ang ginawa ng kontraktor ay dalawang kilometro tapos maniningil na siya dun sa isang kilometro pa. Anong legal na basehan nun? Bagaman may pondo yung unang kilometro, walang pondo yung pangalawang kilometro. At saan mo nakuha ‘yong lakas ng loob at legal na basehan para sabihing utang ‘yan ng gobyerno sa’yo.  So ‘yon ‘yung unang dapat pagbayaran. Pangalawa, kung ito nga ay dapat bayaran, accounts payables ito may prosesong pagdadaanan ito sa COA at hindi puwedeng basta-bastang bayaran na lamang ng gobyerno sa pamamagitan ng supplemental budget o sa pamamagitan ng savings mula sa DBM. Pangatlo, dapat alamin natin paano ba natin maiiwasan ang sitwasyong ito sa darating na panahon. Siyempre may magrereklamo palagi, Cely, at magsasabi, mahal ‘yong private school, malayo, dito naming gusto sa state university and college dahil libre. Ang problema ‘yong slot na binubuksan ay kulang. Saan na kami pupunta ngayon? Saan kami mag-aaral? Isang policy question ‘yan, Cely, na dapat pag-aralan at tignan at ‘yong datos dapat pumasok at klaro din. ‘Yan ang hinihintay naming bago naming ipatawag lahat ng mga ahensiya at kinatawan mula sa mga ahensiyang ‘yan, Cely, na sana magawa nila sa darating na linggo para makapagpatawag kami ng hearing sa susunod na linggo matapos itong darating.

CB: Sir, hindi ba ‘yung mga SUCs ibinigay sa kanila direkta ‘yong pondo. Na-compute na nila ilan lang talaga ‘yung tatanggapin nila na estudyante.

RE: Estudyante nila. Oo, ‘yung enrollees.

CB: Na tama doon sa budget na ibinigay sa kanila—

CHIZ: Tama ka, Cely. Tama ka, Raoul. Tama ka, ‘yon nga ‘yon nirekta sa kanilang noon kasi ibinibigay sa CHED ngayon may SUC na mababa ang enrollment kumpara sa nagdaang taon, may SUC na mataas ang ginagawa ng CHED, pinapatama-tama niya babayaran niya ito, babayaran niya ‘yon, babayaran niya ‘yan kung kulang talaga ‘yong budget para sa taong ‘yon sa darating na taon gagamitin niya ‘yong pondo sa susunod na fiscal year para bayaran ‘yong mga utang so may paraan. Legally and accounting wise may paraan para gawin ‘yon pero mula noong binaba ‘yan sa mga SUC, nagkanya-kanya na at nagpasya nga silang kanya-kanya din. Dagdag pa ni Chair Poypoy ng CHED Cely, Raoul ang batas na ipinasa naming para madaling mag-compute nagtalaga kami ng moratorium sa pagtataas ng tuition fee, limang taon. Nag-expire ‘yon last year Cely. So nagsisimula nang pag-usapan ng iba’t ibang Board of Regents at Board of Trustees ng mga SUCs at LUCs ang pagtataas ng tuition fee. Kailangang pag-aralan at timbangin ng Kongreso din ‘yan. Bagama’t may kapangyarihan ang CHED kaugnay sa bagay na ito na hindi natin kailangang kalimutan. Isipin mo na lamang Cely, Raoul ‘yong mga driving schools hindi ba nagpalabas ng utos ang LTO na hangang dito lang ang bayad sa kada-enrollee ng driving schools, Php4,000 ata ang itinalaga nila. Saan hinugot ng LTO ‘yong kapangyarihan at poder na ‘yon? Ganoon din marahil ang puwede nating gamiting basehan sa parte ng CHED, may batas man o hindi dahil panawagan ng panahon o sa pamamagitan ng pakiusap, parang DTI wala naman talagang kapangyarihan ang DTI maglagay ng price cap pero mayroon silang moral suasion na tinatawag na ‘wag taas ‘yong presyo higit sa presyong ito lalo na kung may kalamidad. Marahil puwedeng tignan ng CHED ‘yan habang pinag-aaralan ng Kongreso kung i-e-extend ba? Kailangan ba i-extend ‘yong moratorium o payagang magtaas pero may guidelines para hindi naman mag-abuso din ang mga SUC at LUC natin.

CB: So, Sir, for now walang katiyakan kung mare-reimburse ng mga SUC ‘yong over enrollee sa kanilang eskuwelahan?

CHIZ: Wala pa, Cely, at humigit kumulang Php3.4-B ang kabuuan niyan mula noong 2001 to 2002 hindi pa kasama ang school year 2022 to 2023 dahil alalahanin natin, Cely, Raoul magkaiba ang school year sa fiscal year. Tumatawid ang school year sa dalawang fiscal year samantalang ‘yong budget natin ay sumusunod sa tinatawag nating fiscal year, January 1 to December 31. Samantalang ang school year tumatawid ng dalawang fiscal year. So isa pang bagay na dapat tignan natin kaugnay sa pag-a-allocate ng budget. ‘Yong mga unang taon ng free tertiary education noong 2018 naisa-ayos namin ‘yan pero mula noong binago nila ‘yong patakaran, ‘yong kalakaran at binabang rekta sa SUC doon na nagsimula ‘yong problema, Cely, Raoul.

CB: Sir, maiba naman ako kasi nagkaroon kayo ng statement na pagkontra doon sa planong bago at dagdag na buwis sa ilang mga produkto ng Department of Finance. So papaano kung may pangangailangang dagdag na budget o dagdag na revenue ang pamahalaan, may nakikita ba kayo na dapat mas unahin ng gobyerno sa halip na magpataw ng bagong o kaya’y dagdag na buwis?

CHIZ: Well, ‘wag na tayong magulat Cely, Raoul na ang DOF palaging iginigiit ang dagdag na buwis. Dahil sila ang incharge sa pondo ng gobyerno pero may tanong akong simple sa DOF. Nitong mga nagdaang mga quarter, pinagyabang ng BIR at Bureau of Customs na na-meet daw nila ‘yong target nila. Aba’y kung name-meet nila ‘yong target nila, anong rason para magdagdag tayo ng buwis, na-meet pala ‘yong target. Ibig sabihin may sapat tayong pondo ayon sa pag-estima nila sa taong 2024 ng mga gastusin at tustusin ng pamahalaan. Pangalawa, maliban sa pagpataw ng panibagong tax, mayroon din namang option pa ang Department of Finance pag-ibayuhin ang tax collection efficiency para ‘yong existing na mga buwis ay mas makolekta pa imbes na magpataw ng panibago kung saan ‘yong matino at masunurin mas malaki ang babayaran at ‘yong dating sutil at tiwali hindi pa rin naman magbabayad kahit dagdagan natin ‘yong buwis. Ang pangawalang puwede nilang pagkuhaan ng pondo na ginagawa naman nila ay ang pag-utang Cely. Isang paraan ito para hindi magtaas ng buwis pero may sapat na pondo ang pamahalaan para makautang, para makakuha ng pondo sa pagpapatakbo ng gobyerno.

Sa katunayan, lumobo na ang utang ng bansa Cely na sa Php13.914-T na katumbas ng kulang kulang 64% of GDP. Dalawang bagay ang dapat nating gawin, una makahanap tayo ng panibagong pagkukunan o improvement ng koleksyon ng buwis o pangalawa, palaguin, palakihin natin ang ating ekonomiya para bumaba ‘yong debt-to-GDP ratio natin. Pero magagawa lamang natin ‘yan kung tataas ang ating ekonomiya mula Php23-T tataas ng Php7-T patungong Php30-T at sa totoo lang sa ngayon hindi ko alam kung saan manggagaling ‘yan dahil ayon mismo sa datos ng Department of Finance at NEDA, umakyat nga daw ang ekonomiya ng 6% lamang. Ginagamit ko ang salitang lamang Raoul, Cely dahil bagama’t isa ‘yan sa pinakamataas sa rehiyon mababa po ‘yan para makamit natin ‘yong Php30-T na target para bumaba sa less than 50% ‘yong debt-to-GDP ratio natin.

CB: So wala kayong nakikita?

CHIZ: Sorry kung mahaba.

RE: OK nga ‘yon.

CB: Pero sa tingin ninyo, malabong makalusot ‘yong anumang proposed new tax measures sa panahong ito na ‘yon nga sabi ninyo mataas ang mga bilihin, nagre-recover pa sa epekto ng pandemya marami nating kababayan.

CHIZ: Well, isang boto lang naman ako, Cely, pero hahadlangan ko ‘yan at titiyakin ko na dadaan ‘yan sa butas ng karayom bilang miyembro ng Senado. Pero maliban sa hindi papasa sana tingnan balik-tanawan muli at pag-aralan pa ng pamahalaang ito ang panukalang ‘yan dahil sa palagay ko hindi ‘yan makakabuti at makakasama ‘yan kaugnay sa layunin at mithiin nating palaguin, palakihin ang ating ekonomiya.

CB: Sir, anong pananaw ninyo sa tingin ninyo tama lang na na-assign si Vice President Sara Duterte bilang vice chairperson ng NTF-ELCAC? Kasi may ilan na nagsasabi na dapat mag-focus na lang si VP Sara sa napakaraming problema daw sa education sector.

CHIZ: Well, Cely, ang tingin ko kasi diyan binabayaran ng taumbayan ‘yong mga suweldo ng mga opisyal ng gobyerno, hindi ba mas sulit ‘yong bayad as suweldo sa kaniya kung mas marami siyang ginagawa, mas marami siyang trabaho kaysa namang walang ginagawa tulad noong mga nakikita nating vice president sa nagdaang panahon na walang tiwala sa kaniya ‘yong pangulo at saying naman ‘yong suweldo at budget ng opisina niya, wala naman siyang ginagawa o responsibilidad na iniaatas sa kaniya. So anumang dagdag na responsibilidad sa sinumang opisyan ng gobyerno para sa akin, Cely, magandang bagay ‘yon pero sana lang tignan at pag-aralan ng mahusay halimbawa ng NTF-ELCAC ‘yong ilang mga panukala nila. Halimbawa, Cely, may narinig akong panukala’t nabasa ko sa media hindi ko alam kung totoo na ire-require daw ang boy scouts at saka girl scouts sa elementarya.

RE: Elementary.

CHIZ: Ang problema ko doon, Cely, principally and conceptually ‘wag muna natin pag-usapan ‘yong merits ang boy scouts at girl scouts ay parehong pribadong mga organisasyon bagama’t likha ito ng batas pribadong organisasyon ito at may mga constitutional na tanong at issue na dapat malampasan muna kung puwede mo ngang gawing mandatory ang memberships sa isang pribadong organisasyon tulad ng boy scouts at girl scouts. Kailangang tignan ito ng mga constitutionalist, ng mga abogado ng departamento kung ito’y lalabag ba sa right to self-organization ng mga tao maski na ng mga kabataan. Ngayon ‘yung mga gustong sumali wala namang problema pero kapag ginawa itong mandatory at wala ng choice ‘yong estudyante o ‘yung tao baka iba na ‘yong usapin. Hindi ako constitutional lawyer Raoul, Cely nagtatanong lamang kung kaya’t sana tignan nila ‘yung anggulong ito para makatitiyak sila na ito’y hindi lalabag sa anumang probisyon ng Saligang-Batas dahil baka ma-reverse pa ito ng Korte Suprema pagdating ng panahon.

CB: At Sir, panghuli na lang kumporme ba kayo kasi marami nang lumulutang ngayon na natalo noong last election na possible daw na italaga.

RE: Bigyan ng appointment.

CB: Oo na miyembro ng gabinete, may nag-o-oppose kasi sabi niya ‘yong iba diyan ay nagpaplano namang tumakbo sa midterm elections baka gamitin lang ‘yong kanilang position para maisulong ‘yong kanilang plano para sa Midterm Elections sa 2025.

CHIZ: Well, bahagi ‘yon ng sistema natin, Cely, Raoul, walang pagbabawal ang pag-appoint ng isang dating kandidato basta’t lumipas na ang one-year ban. Cely hindi rin naman ganoon kadali at, Raoul, hindi rin naman ganoon kadali maghanap ng talentadong tao na may tiwala ka at itong mga taong ito na kasamang tumakbo ni Pangulong BBM marahil noong nagdaang eleksyon nakilatis na niya, nakilala na niya at may tiwala siya marahil. Walang illegal na ginagawa si Pangulong Marcos kung itatalaga niya ‘yang mga nakasama niya noong nakaraang eleksyon at natalo. Pangalawa—

RE: Sino ba ang—

CHIZ: Karamihan naman sa kanila ay magagaling kaya nga nag-ambisyong tumakbong senador, nag-ambisyong tumakbong gobernadora, congressman mayroon din naman silang pinaghuhugutang talion, talento at galing na marahil magagamit sa executive department. Ngayon kung sila ay tatakbo sa 2025 at 2028 sa ilalim ng batas hindi nila puwedeng gamitin ‘yung kanilang puwestong tumakbo pero ‘yung kasikatan nila, ‘yung kapasidad nilang makatulong sa kapwa, sa kapwa nating Pilipino marahil ‘yon ang sinasabi niyong papakinabangan niya at magagamit niya. Pero wala rin pagbabawal doon maliban na lang kung kandidato na siya at masasabing electioneering ang kaniyang ginagawa. ‘Yan ay isang napakalaking-loophole sa ating batas, Cely, Raoul pero ano ang kaibahan ng incumbent senator na tatakbo muling senador? Anong kaibahan ng incumbent mayor, congressman, governor na tatakbo muling congressman, mayor at governor? Kukwestiyunin din ba nating ‘wag siyang mag-function as governor, congressman o mayor dahil nagagamit niya ‘yong puwesto niya para muling manalo sa kaniyang muling pagtakbo. Wala namang ganoong sinasabi ang ating batas.

RE: Sino ba ang ano, Senator, ang alam ninyo na mga natalo na mai-a-appoint sa after the election ban?

CHIZ: Outside the kulambo ako Raoul alam ko, Chiz, ang pangalan ko pero hindi ako tsismoso at napadadalhan ng tsismis kaugnay sa nangyayari sa loob ng palasyo.

RE: Wala ba kayong nakakausap na Marites?

CHIZ: ‘Yong mga nakakausap ko na may koneksyon sa palasyo, Raoul, ay tikom ang mga bibig. Siguro ilang ulit na silang napahiya sa mga binitawan nilang salita.

RE: Wala namang nanonood sa atin, Sir, at nakikinig puwede mo namang ibulong sa amin ni Cely kung sino ‘yong mga namamarites mo, ‘di ba.

CHIZ: Wala akong katiyakan puro tsismis lang ang naririnig ko at second hand, third-hand, fourth-hand, wala ako mismong alam dahil hindi ko naman nakakausap matagal-tagal na ng personal si Pangulong Bongbong Marcos.

CB: Kasi nagpo-float ang pangalan ni dating Senate President Tito Sotto, si Harry Roque—

RE: Si Manila Mayor Isko.

CB: Isko Moreno. Marami kaming nakikita na ilalagay daw sa ganito.

RE: Oo may pino-float, may nagpo-float na ganoon.

CHIZ: Well at least, Cely, Raoul kung totoo mang mangyayari ‘yan at least kung totoong kinokonsidera ng administrasyon at least hindi limitado ‘yong mga pangalang binanggit niyo sa mga nakasamang tumakbo, kapartido at kaibigan ni Pangulong Marcos, ito’y mas malawak at ang sinumang pangulo sa anumang pamahalaan marahil tamang kailangan ng tulong mula sa iba’t ibang kulay, sektor at lugar sa ating bansa. Mas malawak ‘yong footprint ng gobyerno, mas maraming kaalaman ang magkakaroon sila at mas marami silang magagawa.

CB: On that note, marami pong salamat baka naabala naming ang inyong panananghalian, Senator Chiz.

CHIZ: Maaga akong kumain, 11:30.

CB: Maaga na nag-lunch. Thank you, Senator.

CHIZ: Hindi ako nag-breakfast.

CB: So, brunch na. Thank you, Sir.

RE:  Thank you Senator.

CHIZ: Salamat, Raoul. Salamat, Cely. At sa ating mga tagasubaybay magandang hapon po sa inyong lahat. Thank you.