CELY BUENO (CB): Lalagda sa isang memorandum of understanding ang Presidential Communications Office o PCO kasama ang ilang partner agencies para sa isang Media and Information Literacy o MIL campaign bilang tugon sa lumalalang disinformation at misinformation. Ayon kay PCO Secretary Cheloy Garafil, ang ceremonial signing ng MOU ay gaganapin sa Hilton Manila sa Pasay City sa Lunes, August 14. Makakatuwang ng PCO sa kampanyang ito ang DepEd, Commission on Higher Education o CHED, DILG at DSWD. Sinabi pa ni Garafil na maaaring isama ang MIL sa higher education curriculum, community-based training program, at family-oriented program.
Posible ri makatuwang dito ng PCO ang mga social media companies at maging ang kanilang platforms tulad ng YouTube, Meta, Instagram, TikTok, at sa pamamagitan ng kanilang tools at pagsasagawa ng pagsasanay laban sa fake news. At isama natin sa itatanong dito sa ating makakapanayam ngayon itong binasa nating article. Siya po ang chairman ng Senate Committee on Higher and Technical and Vocational Education, Senator Francis ‘Chiz’ Escudero na ating makakapanayam via Zoom. Senator Escudero, magandang tanghali po.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Cely, magandang tanghali sa ‘yo. Sa lahat ng ating tagasubaybay, magandang tanghali po sa inyong lahat. Pagbati na rin kay Raoul nasaan man siya naroon.
CB: Oo nga bigla akong iniwan. Masama raw ho ang pakiramdam. Sir, una muna may binasa akong article baka narinig niyo. May ila-launch itong Presidential Communications Office na ang tawag dito ay kasama raw ang ilang partner agencies na ito yung tinatawag na Media and Information Literacy o MIL campaign. Ito’y para raw tugon sa lumalalang disinformation at misinformation at maaari raw makatuwang sa kampanyang ito ang Commission on Higher Education o CHED. Kayo ba ang pabor dito sa ilo-launch na ito ng Malacanang?
CHIZ: Well, para sa akin magandang suhestiyon, Cely, pero huwag naman sila agad-agad maglagay ng karagdagang subject na naman sa curriculum. Hindi naman ganoon kadali ‘yon at hindi naman lahat ay kailangan at interesado diyan. Ang siguro kung puwede kong imungkahi ang dapat nilang isama ay ang DICT dahil lumalaganap ang mis- at disinformation sa iba’t ibang social media platforms at hindi naman doon sa traditional media na kinagisnan natin ng print, radio at tv. Madalas ang mis- at disinformation ay nasa iba’t ibang social media platforms dahil na nga sa internet. Bawat isa sa atin puwedeng pagmulan na ng impormasyon maski na sino man siya, maski ano man ang edad niya.
CB: Hindi kayo kumporme doon sa sinabi na planong ipasama ito sa higher education curriculum?
CHIZ: Sa ngayon, Cely, hindi at hindi ko nakikita ‘yon at gaya nang sinasabi ko palagi, huwag tayo padalos-dalos sa pagdagdag, pagbawas o pag-alis saan mang bagay na nasa curriculum dahil mahabang proseso ang pinagdaanan bago ‘yan naisama o naitanggal. Dagdag pa dito, lalo na sa higher education and institutions, nakabase rin ‘yan sa pangangailangan ng work force kapag sila’y nag-graduate at base rin ‘yan sa mga board exams na kailangan kunin ng ibang kurso para maging ganap na professional sila.
CB: Pero it’s about time talaga, Sir, na kumilos ang gobyerno para ma-address itong lumalala ho na problema sa mga fake news o disinformation o misinformation.
CHIZ: Well, maturity at liability ang kailangan natin, Cely. Maturity sa gumagamit ng iba’t ibang social media platforms at pangalawa, liability. Mayroon na tayong mga cyber libel laws at may ibang batas pa na pinaparusahan anumang mis, dis o paninira na gamit ang iba’t ibang social media platforms at ang internet.
CB: Pero kahit nag-e-exist ‘yung mga binanggit niyo, Sir, parang wala ng takot yung mga nagpapalaganap ho ng mga fake news, lalo na ho sa social media.
CHIZ: Well, kung talagang anak ka ng social media Cely sanay ka diyan, nagawa na sa’yo ‘yan, nangyari na sa’yo ‘yan, hindi mo na pinatulan ‘yan, pinalampas mo ‘yan at naniniwala ako ang pinaka mapanuring klase at uwi ng mga tao ay yung babad sa social media dahil nga naging biktima na sila ng fake news, naging biktima na sila ng paninira at anumang masamang bagay na sinabi laban sa kanila na malayo naman sa katotohanan.
CB: Anyway, so Sir, recently or last Wednesday ba ‘yon ay napakahaba ng inyong interpellation sa sponsor nitong mandatory—
CHIZ: Mahaba ba ‘yon?
CB: Oo, ang tagal. Sabi namin, hala mukhang ang daming concern ni Senator Chiz Escudero dito sa panukalang mandatory ROTC. The mere fact na napakarami ‘yung concern like ‘yung pagsasama sa babae na magiging obligado na mag-ROTC, ibig sabihin po ba nito boboto kayo laban dito or depende kung may amendments na gagawin sa naturang bill?
CHIZ: Inanunsyo ko na ‘yan, Cely. Ako ang chairman ng komite na dapat nag-report out niyan. Nag-inhibit ako sa komite. In-assign ko sa subcommittee kay Senator Bato para siya na ang mag-hearing, at siya na ang maglabas ng committee report, at siya na ang mag-defend sa floor. At inanunsyo ko rin sa komite kung saan in-assign ko ‘yon sa subcommittee ay Senator Bato na ako’y mag-i-interpellate sa panukalang bata na ito dahil hindi ako kumbinsido.
Simulan na lamang natin, Cely, sa papalitan ng ROTC ang NSTP, samantalang bahagi ng NSTP ang ROTC. Nasaan ba ‘yung pag-aaral? Ano ‘to, porket gusto ng isa, dalawa, tatlo o napag-isipan ng pangulo at ikalawang pangulo ‘yon na ‘yon? Asan ‘yung pag-aaral na tumututok na buong sumusuporta na nagsasabi na hindi matagumpay ang NSTP? Nasaan ‘yung pag-aaral na nagsasabi na ang ROTC ang tunay na makakapagturo ng pagiging makabayan, pagmamahal sa bayan at pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan? Hiningi ko ‘yon kay Senator Bato. Ibibigay raw niya. Hinihintay ko na hindi ko pinipigilan ang aking hininga dahil wala pa yata akong nakikitang ganoong uri at klaseng pag-aaral.
CB: So, kung walang maipiprisinta itong si Senator Dela Rosa na pag-aaral na itong ROTC ay batayan para maipakita ang pagmamahal sa bayan at saka ito ang mas kailangan kaysa sa NSTP, hindi ito makakaasa ng boto niyo talaga, Sir?
CHIZ: Cely, alam mo, may mga nag-training sa military, vanguard man o ROTC man o sa military mismo na nagtraydor din naman sa bayan hindi naman siguradong pamamaraan ‘yon. Mayroon din hindi dumaan sa ROTC walang military training experience na nag-uumapaw ang pagmamahal sa bayan at sa katunayan inialay pa ang kanilang oras at sarili sa pamilya at maging sarili nilang buhay. Nakita natin ‘yan sa mga nagdaang mga digmaang pandaigdig.
So, para sa akin, nasaan ‘yung pag-aaral na ‘yon? Itong panahon na ‘to ng A.I., Cely, siguro naman may maipapakita na sila kahit na anong basehan man lamang na nagsasabing tunay ngang ito lamang ang bukod tanging solusyon para mabigyan sa puso ng bawat Pilipino ng tamang leksyon at aral para mahalin niya ang kanyang bayan. Huwag niyang pagnakawan, huwag niyang lokohin, huwag siyang mag-traydor at gawin ang nararapat sa komunidad alang-alang sa ating Inang Bayan at mga kababayan.
CB: Pero doon sa argumento, Sir, na itong ROTC makatutulong para magkaroon ng training ang mga kabataang estudyante para sa pagdepensa o pagtatanggol sa ating bayan lalo na’t ang dami na ngayon na mga threat sa ating pambansang seguridad like itong mga nangyayari sa West Philippine Sea. Better daw na yung mga kabataan natin may training, may military training para kung dumating yung panahon na kailangan may kaalaman sila para idepensa ang ating bansa.
CHIZ: Kaya hiniling ko, Cely, ‘yung curriculum, ‘yung program of instruction na tila wala pa naman pala. Konsepto lamang ng ROTC ang nais nila na makakapagbigay raw ng lahat ng pinag-usapan natin pero wala pa namang program of instruction, wala pa naman curriculum. Tandaan mo, Cely, ang dami nilang sinaksak diyan. Dati ang CMT namin Citizens Military Training ko nung first, second year college ako puro martsa, drills at pagtuturo ng mapa ng kompas at kung anu-ano. Pumutok kami ng anim yata na bala ng Armalite sa Fort Bonifacio noon. Maliwanag na hindi sapat para maturuan.
Halimbawa ako o mga kasamahan ko na makipagdigmaan sa isang full-blown na giyera pero sa ngayon sa panukalang batas dinagdagan pa nila, Cely, ng law enforcement, dinagdagan pa nila ng disaster risk reduction and resiliency, dinagdag pa nila ng community services. So nais kong makita kung sa loob ng dalawang taon na purely military training ang aking pinagdaanan nong may CMT pa at compulsory ‘yon noon bago ipinasa ang NSTP, tila hindi ko naman yata pakiramdam na sapat yung aking kaalaman sa loob ng dalawang taon na ‘yon kada Sabado ng umaga para humarap ng digmaan pero gagawin ko palagi ‘yon para sa ating bansa at bayan—may sapat man akong training o wala—tapos sasaksakan pa nila ng ganoon karami.
So nais kong makita ‘yung program of instruction, ‘yung curriculum dahil delegated authority ito dapat nasa batas na para matiyak natin na hindi naman natin sinasayang ‘yung kalahating araw ng ating kabaatn sa isang bagay na wala naman talagang maidudulot na tulong, pagmamahal sa bayan, o sapat na kaalaman para makipagdigmaan.
CB: So, Sir, doon niyo ibabase kung susuportahan niyo o hindi yung ipiprisinta na program of, ano ‘yung curriculum na sinasabi ninyo?
CHIZ: Ang tawag nila sa bill ay “program of instruction”, Cely, pero sa totoo lang curriculum din naman ‘yon. Wala pang curriculum ni hindi pa nila alam kung anong ilalagay doon, ni hindi nila alam kung anong porsyento ng curriculum ang may military, ang pulis, ang community service, ang disaster risk reduction resiliency. Nais kong makita kaya tinanong ko hindi ba kung maaalala mo, Cely, ilang minuto igugugol dito, ilang oras sa apat na oras?
Noong una nga sabi nila three units ito tapos apat na oras. ‘Yon na lang mali na, Cely. Kaunting, dapat masusing pag-aralan pa ito para ipresenta at maipresenta ng tama at maliwanag dahil alalahanin natin, Cely, requirement ito for graduation. Hindi makaka-graduate ang isang estudyante kapag nakapasa ito ng hindi dumadaan sa CMT.
CB: So parang ang dating, Sir, ‘yung naipresenta sa plenary ni Senator Dela Rosa ay hindi masyadong naaral? Sobrang pang hilaw tapos nasa plenary na?
CHIZ: Hindi naman. Cely, mas hindi ako kumbinsido doon sa ipinasa ng Kamara kaugnay nito parang ‘yung sa Maharlika Bill din noon. Kailangan lang talaga dumaan sa plenary debates, interpolations, sa amendments para mahubog pa ika nga mapatalas pa. Anumang panukalang batas hindi naman ito nag-iisa lahat ng panukalang batas dapat dumaan, ika nga, sa embudo para mapagsanay, mapaghusay, mapatalas, at malinis ito.
CB: Naalala ko, Sir, sa isang hearing ‘yung AFP nag-express pa ng concern na baka wala silang enough personnel na tumutok kapag ipinatupad itong mandatory ROTC dahil may mga ano na sila ‘yung magtuturo hindi ba mga taga-AFP.
CHIZ: Duda rin ako doon, Cely, dahil ang binigay na numero sa akin ni Senator Bato ay 120 lamang na trainees, trainers.
CB: Nationwide?
CHIZ: Tapos 1,200 daw nationwide. Mahigit dalawang libo ang mga eskwelahan sa buong Pilipinas na higher education and institutions. Hindi pa kabilang ang mga TVET, ang mga TESDA accredited schools so papalo ‘yon ng kulang-kulang 4,000 siguro. Nais kong makita ‘yung time and motion na balakin nila at kung magkano nga ba ang gagastusin natin. Itong panahon na napakalaki ng utang natin, itong panahon na gusto nilang magtaas ng buwis dahil kulang na raw yung pananalapi ng gobyerno. Dapat pag-ingatan natin ‘yung mga gastusin natin at tiyakin natin kung may gastos tayo ay may karampatang balik ito o ROI, ika nga, sa parte natin, sa parte ng bansa, at sa parte ng ating mga kababayan.
CB: Sir, isa sa mga naging concern ninyo, kinuwestiyon, bakit kasama sa mandatory ROTC ang mga kababaihang estudyante. Pero according to Senator Bato Dela Rosa, akala ko ba ang isinisigaw ninyo gender equality. So bakit pagdating sa ROTC, ayaw niyo na pati kayo kasama ay akala ko gusto niyo gender equality. At ang sabi pa niya, kapag mayroong kalaban, may threat, wala yung pinipiling gender na yung lalaki lang kakalabanin ko mabuti na rin daw na handa pati kababaihang mag-aaral.
CHIZ: Alam mo, Cely, kinausap ko nga si Senator Risa pagkatapos ng interpellation. Sabi ko,, ikaw na bahala doon forte mo ‘yan. Ayon sa kanya, na pananaw ko rin, gender equality ay palawakin ang oportunidad na boluntaryong puwede at gustong pasukan sinuman, anuman ang kanyang kasarian. Hindi kabilang sa gender equality, Cely, ‘yung pagpilit sa kanila sa isang mandatory na batas na gawin ang isang bagay na ginagawa ng isang uri ng kasarian. Bahagi ng gender equality, ang basehan ng gender equality, kalayaan ng isang tao hindi pagpilit sa isang tao.
Pangalawa, noong ipinasa ‘yung National Defense Act noong 1935 noong naging Commonwealth Republic, Commonwealth tayo sa ilalim ni Pangulong Quezon doon ipinasa ‘yung National Defense Act na nag-require sa mga kabataang Pilipinong lalaki na mag-military training. Tandaan mo katatapos pa lamang ng World War II, nagsisimula ng manggulo ang Germany sa Europa at ilang taon lang ang lumipas wala pang anim na taon nagsimula na ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig. ‘Yon mas malapit tayo sa giyera noon ‘yon, mas dikit ang panahon sa giyera noon pero pinili, dinesisyunan, pinagpasyahan na lalaki lamang ang i-require ng hindi pinapayagan pa ang mga babae.
Ang tunay na gender equality para sa akin, Cely, ay buksan ang pintuan sa kung sinuman ang gustong lumahok sa anumang propesyon, anumang gawain ng bansa. Tignan mo na lamang ang PMA, ‘yan ang best example ng gender equality. Binuksan ang officer training course ng Armed Forces of the Philippines sa mga kababaihan at kung titignan mo, Cely, tamang pasya ‘yon ng pamahalaan sang-ayon sa pagsunod ng gender equality dahil ilang taon na, na nagta-top ay palaging babae sa Philippine Military Academy.
CB: So, Sir kung, anong-ano ba, anong nakukuha mong pulso ng majority ng mga senador, marami ba ang mukhang hindi boboto dito sa mandatory ROTC Bill?
CHIZ: Hindi ko alam, Cely. Hindi ko sila natatanong pero kung ito’y suportado ng dministrasyon siguro malamang karamihan sa mga miyembro ng administration political party ay susuporta dito. Simula pa lamang ng session, Cely, sinabi ko na hindi ako administrasyon, hindi ako oposisyon. I will call a spade a spade and I will decide based on what I think is right, not based on any political party affiliations, since I was carried or not carried by some or not all parties. Last elections, I got to decide freely based on what I think is right at magandang pakiramdam ‘yon sa pagiging kinatawan ninyo sa Senado.
CB: At kung ang pagbobotohan ay ‘yung version na tinatalakay niyo ngayon sa plenary, you will vote against it?
CHIZ: Yes, Cely.
CB: Sir, dito naman sa usapin ng West Philippine Sea na kung saan may latest na namang pangha-harass ‘yung pag-water cannon nga doon sa Philippine vessel na maghahatid sana ng supply. Ang sinabi noon ni Associate Justice Antonio Carpio mas maganda daw na kung sa susunod na resupply mission ng BRP Sierra Madre, magkaroon tayo ng parang joint patrol with foreign allies. Sabi niya ginagawa din daw ‘yan ng ibang bansa like Malaysia and Indonesia na kahit sila ay wina-warning ng Chinese Coast Guard, success ang kanilang ginagawang mga hakbang dahil mayroon silang foreign allies na ka-joint patrol. Pabor ka ba dito?
CHIZ: Well, pabor ako diyan, Cely, basta’t ang epekto ay deterrence ibig sabihin mapipigilan ang China na gumawa ng mga dati nilang ginagawa tulad ng pag-water cannon. Sana lang ipagdasal natin na hindi nito mas lalong painitin pa dahil kapag tinamaan ‘yong barko ng ibang bansa ‘di ang magdidikta kung magkakagulo d’yan o hindi ay ibang bansa na at hindi tayo bagaman teritoryo natin ‘yan baka magdeklara ng kaguluhan at giyera ang ibang bansang nadamay alangan namang hindi pa tayo sumabay, rumesbak lang naman sila sa atin.
Basta maliwanag at klaro ‘yon na kung sasamahan tayo, sinasamahan tayo anumang gawain dapat sumunod sila sa polisiya ng ating bansa at hindi sila kikilos ayon sa sarili nilang national interest dahil baka mamaya, Cely, halimbawa in-escort-an tayo ng bansang Amerika sa isang navy ship nila, binomba tapos nagdesisyon silang putukan, wala ba tayong say doon? Wala ba tayong puwedeng sabihing ‘wag samahan niyo lang kami pero maximum tolerance. Dapat maliwanag ang terms at rules of engagement kung may sasama sa ating ibang bansa dito sa teritoryong pinag-aagawan, pinag-aawayan ng bansang China at ng Pilipinas. Ang objective pa rin, Cely, ‘wag palalain ‘yong sitwasyon ng hindi binibitawan ‘yong ating karapatan, kapangyarihan at pagmamay-ari d’yan sa teritoryong ‘yan.
CB: So, puwede ‘yon at hindi ‘yon sa tingin niyo magpo-provoke sa China?
CHIZ: Wala akong pakialam kung mapo-provoke ‘yon sa China, basta klaro nga na ito’y isang peaceful mission ng paghatid ng supply. Hindi dapat rules of engagement nung bansang sasama sa atin ang sundin dahil teritoryo pa rin natin ‘yan. Respetuhin nila ‘yon dapat rules of engagement na dinikta ng ating commander-in-chief, ni Pangulong BBM. Ang dapat sundin ng mga bansang sasama tayo d’yan sa teritoryo natin.
CB: So, Sir, there is a need talaga dahil kung tayo lang baka ulit-ulitin dahil kinakayan-kayanan tayo ng China, binobomba-bomba lang tayo ng tubig.
CHIZ: Well, isa ‘yon sa mga dapat gawin pero, Cely, pag-uusap din ang kinakailangan habang nangyayari ang lahat ng ito. Habang kinakausap natin ‘yong mga allies at mga kakampi natin na sumama sa atin sa pagpapatrolya dapat bukas palagi ang pintuan, patuloy pa rin ang usapan at usapin sa pagitan ng ating bansa at ng bansang Tsina at hindi natin dapat hayaan ‘yong mga maaanghang na salita ang manaig ika-nga sa political debate kaunay nito na magpapainit lamang ng damdamin sa magkabilang panig at hindi magdudulot ng mapayapang resolusyon dito sa kinakaharap nating issue sa China.
CB: So, Sir iwasan ang anumang pananalita na—anong sabi niyo—na magpapainit na mga salita?
CHIZ: Halimbawa, sinabi ng ating Chief-of-Staff siguro panahon na na dahil nga medyo umiinit diyan sa lugar na ‘yan at ang involve dito ay ibang bansa, pinakamakapangyarihang bansa sa Asia, ang Tsina. Ang pangalawang pinakamayaman kung hindi pinakamayaman na bansa sa buong mundo dahil mukhang nalampasan na ang Estados Unidos. Siguro panahon na magbigay ng kautusan si PBBM na ang puwede lang magsalita kaugnay nito ay siya bilang commander-in-chief at pangulo o ang Department of Foreign Affairs dahil kapag na-interview ang kahit na sino mang heneral parehas ng nabasa ko sa pahayagan, Cely, ay act of war na ‘yan. Ganoon?
CB: Oo nga. Ganoon nga, Sir. Sinabi nga ni Browner.
CHIZ: Sabi naman niya, sa tingin ko, o baka ma-interpret na pero sa mga panahong ito, Cely, na hindi pa naman at wala namang giyera hindi dapat hinahayaan ang mga unipormadong opisyal na magsalita lalo na tungkol sa international relations at ating pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Nakasaad pa rin sa Konstitusyon na dapat ang isulong nating foreign policy ay mapayapa at itinatanggi ng bansang Pilipinas ang paggamit ng giyera bilang “instrument of foreign policy”.
CB: Pero Sir, si Senate President Zubiri may karapatan naman siya doon sa kanyang mga panawagan na i-boycott mga Chinese products at ‘wag ng bigyan ng anumang project dito ‘yung mga Chinese construction na company dahil binu-bully tayo tapos pinopondohan natin sila para doon sa mga ganoong proyekto.
CHIZ: Cely, tandaan mo ‘yong mga project na may Chinese contractor, aid o pautang ‘yong galing China. Kapag nag-aid at nagpautang ang Amerika sa atin, kapag nag-aid at nagpautang ang Japan sa atin, ang Korea sa atin diktado nila na contractor mula sa bansa nila ‘yong gagawa para matulungan din nila ‘yong kanilang mga domestic companies sa Korea, Japan, America o China man. ‘Di ang polisiya, ‘wag tayong tumanggap ng aid o utang sa China hindi kailangang puwersahin na may contractor na muna sa Mainland China dito pero kapag tumanggap tayo ng aid at utang nasa terms of reference ‘yon at baka labagin natin ‘yong kontrata parang North Rail magbayad pa tayo ng napakalaking penalty. Kung naalala mo, Cely, mahigit Php300-M ang binayaran nating penalty noong kinansela natin ang North Rail Contract noong panahon ni dating Pangulong Aquino.
Pangalawa, Cely, ‘yung pag-boycott ilang datos ang gusto kong ibahagi 33 percent, Cely ng ating import ay galing China, one-third ng kinukunsumo sa Pilipinas ay galing sa China. 16 percent ng exports natin ay patungong China. So, kung gumanti ang China, one-third ng kinukonsumo natin dito biglang mawawala sa construction man ‘yan, sa retail industry man ‘yan, sa pagkain man ‘yan, sa gamit sa restaurant, sa gamit sa eskwelahan, papel, ballpen, kung anuman at ang ating exports, mawawalan din ng 16 percent kulang-kulang 17 percent.
Sa parte naman ng China, Cely wala pang 1 porsyento ang kanilang import mula sa Pilipinas at wala pang 2 porsyento ng kabuuang export nila ang papuntang Pilipinas. So sino bang mawawalan kapag ginawa natin ‘yan? Sino ang masasaktan?
Sa ating pagnanais na maipakita minsan ‘yong ating pakikipaglaban sa ating prinsipyo at paniniwala, tignan at suriin din natin ‘yong mga numero sa likod no’n dahil baka mamaya sa dulo ang epekto para nating binarily ‘yong sarili natin sa paa at ‘yong namaril pa ay tayo mismo at hindi ‘yong kalaban at ‘yong ibang bansa. So, wala akong tutol doon sa mga ganoong klaseng paghihimok pero ‘pag dinala mo sa praktikal, tingnan natin may pamalit na ba tayo? Mas mura ba? Mas mahal ba? Paano ‘yung mawawalan naman ng trabaho kaugnay doon sa mga produktong ine-export natin sa bansang ‘yon kung dadalhin natin ‘yan sa lebel na ‘yan.
At kaugnay ng trade missions dapat DTI at DFA at ang Pangulo ang nagsasalita din kaugnay niyan bagaman wala akong pwedeng maipintas sa paghihimok pero ang aking paalala ay sa pamahalaan mismo dahil may epekto ito palagi sa ating ekonomiya ngayon na panahon pa na unti-unti na tayong bumabangon.
CB: Actually, may nag-react nailang business group na maghinay-hinay dahil malaki daw ang magiging impact nito sa ating ekonomiya.
CHIZ: Well (inaudible) impact ‘pag sinabi ng China na ganoon, ‘di kami din. One-third agad ng ini-import natin, ‘di hindi na. Saan natin kukunin ‘yong pamalit doon? 16 kulang-kulang 17 percent ng exports natin bawal na rin pumasok doon. So saan maghahanap ng panibagong merkado ‘yung mga factory natin dito, agricultural products na nagbebenta doon? Ulitin ko, sa 33 percent of imports galing China, 16 percent ng ating exports napupunta sa China. Sa parte naman ng China wala pang 1 percent ng kabuuang importation nila ang galing sa Pilipinas at walang 2 percent ang kabuuang export nila papunta sa Pilipinas. So ika nga, magkakamot lang ng kaunti ang bansang Tsina kung mag-alburoto tayo, tayo ‘yung masasaktan ng ganoon kalaki, one-third, ang epekto niyan, Cely.
CB: Anyway, naku Sir, itong proposal pa rin ni AFP Chief-of-Staff Browner na maglagay ng maritime militia sa West Philippine Sea para mapalakas ‘yong ating presenya at ang sabi niya tinitignan nila ‘yong mga Filipino fisherfolk na maging bahagi ng reserved force. Pabor ba kayo doon? Mukhang ‘yong mga mangingisda ayaw naman nila na pahahawakin daw ba sila ng armas.
CHIZ: Ulitin ko, Cely, anumang pagpapasya kaugnay sa disputed territory na sinasabi natin na atin pero kino-contest ng bansang China dapat ang magpasya niyan ang Pangulo bilang Presidente, leader ng ating bansa. Ang Commander-in-Chief na, ang Pangulo pa rin at ang mga magsasalita dapat Department of Foreign Affairs upang sa gayon ‘yung diplomatic, relations, talks at linya manatiling bukas pa rin. Walang bale, Cely, kung mga pribadong indibidwal ang magsasalita mula sa Lehislatura, mula sa Judiciary pero ‘pag mula sa Executive branch dapat iisang boses lang sana sila para hindi ito magdulot ng kalituhan at hindi magpainit sa sitwasyon.
CB: Sir, panghuli may isinusulong kayo, ano kaya ito removal ng VAT sa kuryente yata at sa oil ‘no. Sa kuryente po ba ‘yong isinusulong ninyo?
CHIZ: Well, sa kuryente, Cely, with respect to indigenously produced power, ‘yung mga powerplant natin na generating powerplants natin tulad ng sa ibang bansa sa Asya hindi nila sinisingil ng buwis ang indigenous power nila para ma-engganyo din ang mga powerplant na gamitin halimbawa ‘yong coal na matatagpuan dito sa Pilipinas para halimbawa bumabababa ng kaunti at mas competitive ang mga geothermal power plants natin dito.
‘Yung VAT on fuel nabanggit ko lamang, Cely, sa isang nasabi ko yata kaugnay ng pagtataas ng Road Users’ Tax. Nagbabayad na ng buwis sa mataas na presyo ng langis at habang tumataas ‘yung presyo ng langis, Cely, tumataas din ‘yung buwis na nakukuha ng gobyerno dahil percentage taxi ito. Nagbabayad nang napakamahal na toll ang ating mga kababayan sa mga highway, tulay at Skyway na dapat sana gobyerno ang nagbabayad at nagpapagawa. Pati ba Road Users’ Tax dadagdagan pa natin? At bago natin dagdagan ‘yon nasaan na muna ‘yung accounting noong mga nakolekta sa road-users tax na mahigit na Php120-B na noong huli kong kinumpute, Cely. Saan ba napunta ‘yan? Saan ba nalagay ‘yan? Sino ba ang nakinabang at paano ba napakinabangan ng mga motorista ‘yan? Dahil ang intensyon ng Road Users’ Tax gamitin ang perang nalilikom para gumanda at umayos ang trapiko at ang may mga sasakyan at gumagamit ng sasakyan, pribado man o pang publiko.
CB: Kasi sunod-sunod na naman ngayon ang big time oil price hike, ‘di ba, so ang laki na ng kinikita-
CHIZ: Isipin mo na lang, Cely, kada tumataas ang presyo mas malaki ang kita ng gobyerno sa pamamagitan ng VAT dahil percentage tax ‘yan.
CB: Naku. On that note, overtime na pala ako. Marami pong salamat, Senator Chiz Escudero, at happy weekend.
CHIZ: Isang bagay na lang siguro, Cely—
CB: O sige, Sir.
CHIZ: Nais kong idagdag. Nagulat ako sa ating Finance Secretary na nagsabing hindi siya pabor sa luxury tax.
CB: Ay oo nga, Sir.
CHIZ: At ginamit niyang halimbawa ay dyamante.
CB: Itatago daw ‘yon
CHIZ: Napakahirap daw i-implement, itatago lang daw. Hindi lang po naman dyamante ang luxury, private plane luxury po ‘yan, helicopter luxury po ‘yan, yate luxury po ‘yan, mamahaling sasakyan, luxury po ‘yan, hindi po ‘yan ganoon kadaling ibulsa at ang nakalagay sa ating saligang batas ang mga dapat na buwis na pinapasa natin ay equitable, fair, at progressive.
Walang nakasaad doon na hindi tayo dapat magpasa ng batas dahil mahirap itong kolektahin. ‘Yung VAT nga na ang tinatamaan tayong lahat 40 porsyento lang ang nakokolekta nila pero pinataw pa rin nila. Following the same argument of the Finance Secretary, kung 40 porsyento lang pala ang nakokolekta niyo sa VAT hindi niyo pala kayang kolektahin, ‘di ‘wag na natin ipataw. Maghanap tayo ng mas madaling ipataw. So itong luxury tax, Cely, ay 40 porsyento lang ang makolekta nila buwis pa din ‘yon. At least, galing talaga sa mayaman at ang tinatamaan ay hindi ‘yung mahihirap nating kababayan. Kaya hindi ko makita ‘yung rason na kung anu-anong buwis ang ipapataw na sad ulo ay hindi naman equitable at fair dahil ang binabayaran ng mahihirap at mayayaman ay pareho lamang. Dapat taxation should always be based, ika nga ng isang prinsipyo, “in the taxpayer’s ability to pay”. Ibig sabihin, nakabase ‘yan kung gaano kalaki ang kita niya, kung gaano kamahal ‘yong binibili niya sa buwis na dapat niyang bayaran. ‘Yon lamang, Cely, sorry hinabol ko lang.
CB: Sir, you’re in favor of luxury or wealth tax? Much better ‘yon kaysa doon sa ibang buwis na ang tatamaan lahat pati pangkaraniwang mamamayan.
CHIZ: Well, hindi ako pabor sa anumang uri ng buwis, Cely, pero kung may buwis tayong pag-uusapan, ‘yon na muna kaysa uunahin mo agad na ayaw ko ‘yon doon tayo sa mas maraming magbabayad na mas mahihirap nating kababayan ang magbabayad. Parang hindi yata ako kumbinsido sa ganoong argumento.
CB: Disappointed kayo doon sa naging argument na ‘yon ni Finance Secretary?
CHIZ: Actually, ikinagulat ko Cely, dahil ang ating NEDA Chief si Sec. Balisacan parang siya mismo hindi sang-ayon noong nakunsulta doon dahil pabor siya tila na magkaroon tayo ng luxury tax at least sa ibang mga bagay.
CB: Nako on that note marami pong salamat Senator Escudero. Thank you, Sir.
CHIZ: Salamat, Cely. Sa ngalan din ni Raoul, sa ating mga televiewers at taga-asubaybay, at tagapakinig, magandang tanghali sa inyo.