Sa mahabang panahon ngayon lang ako muling nakakita ng ganito karaming tao at makapagsalita sa ganito karaming tao na binubuo pa ng mga pastor mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa ibayong dagat. Nais ko munang bigyan ng pasasalamat at pagkilala, Brother Eddie Villanueva, Senator Joel Villanueva, Pastor Jovee, sa mga pastor at kinatawan ng iba’t ibang parish sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at ng mundo, isa pong maganda at pinagpalang hapon sa ating lahat.
Kanina pa ako pinipilit ni Joel na mag-share pero hindi pa siguro ito ‘yung panahon para doon, pero hayaan niyong bahagya kong banggitin ang maikling nilakbay ng aking pananampalataya mula noong isang taon hangang sa mga araw na ito. Noong katapusan ng Marso, March 28 to be exact, nagkaroon ako ng tinatawag ng mga duktor na hypertensive episode. Sa ordinaryong pananalita, inatake po ako—mild stroke ang tawag nila. Walang na-damage, walang nasira, milagrong maituturing, pero mula noon, nakita’t ipinakita sa akin na hindi ako mabubuhay ng habang panahon. Nakita’t ipinakita sa akin na may hangangan ang buhay ng tao (no audio) mortal tayo at hindi immortal. Tao lang, ika nga. Mula noong araw na ‘yun inisip at sinabi ko sa sarili ko, tututukan ko na lamang ang aking pamilya. Gugugulan ko ng panahon at oras ang aking pamilya dahil baka tama nga hindi natin alam hangang kailan nga ba tayo mananatili sa mundong ibabaw na ito. Noong araw na ‘yun inasikaso ko ang pagpapagaling at pagtiyak na anumang libreng oras labas sa trabaho at minsan apektado pa rin ang trabaho, binubuhos ko sa aking pamilya.
Wala sa plano ko ang maging taga-pangulo ng Senado. Wala sa panaginip at pangarap ko maging taga-pangulo ng Senado, subalit makalipas lamang ang dalawang buwan, iniluklok ako ng Panginoon sa puwestong ‘yan ng walang kaplano-plano o kabalak-balak—marahil tadhana. Klarong hindi ko ginusto dahil sino ba naman ang gustong maging taga-pangulo ng Senado sa isang pinakamahirap na yugto sa kasaysayan ng ating bansa lalo na sa Senado ninyo po ngayon kabilang ang aking kaibigang si Senator Joel Villanueva? Kung ano man ang gawin namin, kumanan man kami o kumaliwa, palaging may magpipintas, malulungkot, magagalit, o hindi sasang-ayon. Subalit, wala kaming pakialam. Sa totoo lang, sa mga nag-uusig o dumedepensa o anumang pananaw nila na may kinalaman sa politika, iisa ang pakay at layunin namin sa Senado, gawin kung ano ang tama ng naaayon sa batas ng walang pakialam sa mga partisano na may sinusulong na kanya-kanyang interes o paniniwala.
Itong napipintong impeachment po sa ating Ikalawang Pangulo, haharapin po namin ito na may buong tapang at walang pag-aalinlangan. Hindi po namin trabahong i-convict siya. Hindi po namin trabaho na i-acquit siya. Trabaho po namin tiyakin na magagawaran siya ng hustisya. Trabaho po namin na tiyakin na magiging credible at kapani-paniwala at paniniwalaan ng sambayanan ang proseso. Ito po ay bahagi ng prosesong nakasaad sa ating Saligang-Batas. ‘Wag po natin itong katakutan, ‘wag natin itong pangambahan, ‘wag tayong tumakbo palayo dito. Itinalaga talaga ang prosesong ito para papanagutin ang ating mga opisyal. Walang ibang pakay at layunin ito. Marapat na ngayon na nasimulan na ito ay ito ay matapos—matapos ng hindi minamadali, matapos ng wala rin labis na pagpapaliban. Gagampanan at gagawin po namin ang aming trabaho ng naaayon sa batas at kinikilala nating Saligang-Batas.
Ako po ay walang takot sa mga ganitong uri ng hamon dahil naniniwala ako that God is always in control. Wala pong nangyayari o nagaganap na hindi niya alam at walang mangyayari o nagaganap na hindi rin po Niya alam ang kahihinatnan. At nalalaman ko at naniniwala ako na ito po ay para sa kabutihan nating lahat. Hindi man ito malinaw sa mga oras na ito, tiyak ko sa takdang panahon makikita natin ang dunong, galing, talino at tunay na loob ng Diyos na makakabuti para sa ating lahat bilang isang bansa at bilang isang lahi.
Ang paborito ko pong verse sa Bibliya ay isa lang; “Be still and know that I am God”. ‘Yon po ang walang hanggang pinaghuhugutan ko ng tapang at lakas ng loob at rason kung bakit wala akong nadaramang takot sa aking dibdib at damdamin. Dahil nalalaman ko kapag inaasahan ko ang aking sariling lakas, talino at talento palaging kulang at hindi sapat. Subalit kapag sinuko natin sa mahal na Diyos, ang lahat ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap natin sa buhay, easy-ing- easy at kayang-kaya po niya ‘yan.
Makailang ulit ko na pong napatunayan ‘yan sa aking buhay, marahil kayo rin. Alam niyo, nadiskubre ko tuwing buong lakas na binubuhos kong may gawin at makamit ang isang bagay, palaging hindi at kapos. Pero kapag isinuko ko na, parang mas madali, parang mas maayos, parang mas mabilis. Ika nga, ‘yung kwento na si Hesus ay natutulog at ‘yung mga disipulo niya sa gitna ng malakas na bagyo ay sinusubukan pang iligtas ang mga sarili nila. Nang sumuko na sila, doon lamang nila ginising ang Panginoon at sinabing hindi ka ba nag-aalala na tayo ay mamatay at malulunod? Paggising Niya, agad Niyang pinatigil ang unos at pagbagyo. Bakit? Ika nga, hangga’t ginagawa mo pa ‘yung gusto mo at kaya mong gawin hindi pa gagalaw ang Panginoon pero kapag isinuko mo na ‘yan sa kanya talagang Siya lang ang may kagagawan kung bakit mo makukuha ang anumang gusto at nais mo. Doon lamang Siya gagalaw, doon lamang Siya kikilos at magugulat ka na lamang kung gaano kadali at gaano kabilis dahil kapag iniasa mo ‘yan sa sarili mo o sinumang katabi mong nilalang at tao din. Baka siya ang pasalamatan mo, baka ang sarili mo ang purihin mo imbes na ang nag-iisang Panginoon na siya naman talagang may loob at may kapangyarihang gawin ang lahat ng bagay sa mundo.
Malayo po ako sa talento at kakayahan ni Brother Eddie, ni Pastor Jovee at ni Senator Joel Villanueva sa mga bagay na ito, pero ‘wag kayong mag-alala nag-aaral na rin ako kung paano. Isa na lang po ang nais kong banggitin at sabihin, sa pagsisimula ng taon sa inyong pagpupulong ngayon, kaisa niyo po ako, ang Senado at ang mga miyebro ng Senado sa panalangin at pagdarasal na tayong lahat ay gabayan upang harapin ang mga hamon at pagsubok na ibabato sa atin ng tadhana sa taong ito, sa taong 2025. Nagsisimula pa lang ang taong ito may kailangan na tayong malampasang hamon ng halalan, may kailangan na tayong malampasan na hamon ng impeachment. Dalawang bagay na ang layunin ay mapaghiwa-hiwalay at mapag-away-away na naman tayo. Sa kabila nito, ang aking panalangin at hiling hanapin natin ang mga bagay-bagay na pwede nating pagkaisahan at pagkasunduan. Itabi na muna natin at isantabi anumang hindi natin pagkakasunduan at puwedeng pag-awayan. Natitiyak ko, kapag pinagsama-sama natin ang mga bagay na puwede nating pagkasunduan bilang isang lahi at bilang isang bansa sa pamamagitan ng pinagkaisa nating galaw, kilos at salita wala po tayong hindi malalampasan na problem ana haharapin natin sa taong ito.
‘Yan po ang aking paniniwala at diyan ko po itataya, ika nga, ang aking pananampalataya sa taong ito ng 2025. Magkita-kita po tayo uli sa darating na taong 2026 para harapin na naman ang hamon ng taong ‘yon at para baliktanawan ang taong ito na isang taong pinagpala, na sunod at na ayon sa loob ng Diyos at sa kabila ng paghihirap natin nalampasan natin ang mga hamon na ‘yon sa taong ito. Maraming-maraming salamat po at magandang hapon sa inyong lahat!