Sinabi ni Sorsogon Governor Chiz Escudero dapat unahin ng pamahalaan ang pagpapalakas sa lokal na industriya ng pangingisda at tulungan itong makasabay sa kompetisyon kaysa importasyon upang matugunan ang pinapangambahan nitong kukulangan ng isda at kung gusto ring masiguro na magtutuloy-tuloy ang suplay nito.
Sa harap ng pag-anunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ito ng 60,000 metriko tonelada ng isda dahil kukulangin nito ang bansa sa unang tatlong buwan ng taon, nangangamba si Escudero na baka matulad ang mga mangingisa sa sinasapit ng mga magsasaka ng gulay na naaapektuhan ang kabuhayan at kita dahil sa pagbaha sa pamilihan ng mga inilulusot na produktong agrikultura galing ibang bansa.
“Bago sana bahain ng imported na isda ang merkado, sana buhusan muna ng gobyerno nang sapat na suporta ang mga Pilipinong mangingisda upang hindi sila tuluyang malunod sa kahirapan,” ani Escudero.
Kasalukuyan nang inihahanda ng DA ang mga kauulang rekisitos upang maitakda ang petsa ng aplikasyon ng mga mga importer para sa pag-aangkat ng kinakailangang dami ng isda.
Ayon kay Escudero, maaapektuhan ang halos 1.6 milyong mangingisda at manggagawa sa industriya dahil sa pagbukas ng Pilipinas sa pagpasok ng mga isda at iba pang produktong dagat galing ibang bansa.
“Dapat last resort lang ang importasyon ng anumang produkto, kasama na ang mga isda. Ang higit na kailangan ng bansa ay permanenteng programa upang magkaroon ng direksyon ang industriya ng pangingisda. Huwag tayong tumaya sa importasyon kapag may kakulangan sa suplay, doon tayo sa pangmatagalang solusyon na may kasigurahan,” dagdag niya.
Sinabi ng beteranong mambabatas na ang bagong desisyong mag-angkat ng isda ay sumasalamin lamang sa kaawa-awang kalagayan ng industriya ng pangingisda sa bansa.
“Isa ang Pilipinas sa mga may pinakamalawak at pinakayamang karagatan sa mundo subalit nasa 1.3% lang ang kontribusyon sa GDP ng fishing industry at nananatiling napakataas ng poverty incidence sa hanay ng mga mangingisda. Ilan lamang ito sa malilinaw na indikasyon na kailangang may gawin na ang pamahalaan upang matulungan ang sektor na siyang nagpapakain sa atin at upang tiyakin ang paglago nito,” pagbibigay-diin ni Escudero na tumatakbo para sa Senado.
Isa sa nakikita ni Escudero na puwedeng tutukan ng pamahalaan ang pagpapalakas sa aquaculture farming na may ani na mahigit 41 porsyento mula sa kabuuang Php282 bilyon produksyon ng sector ng pangingisda noong 2019.