ON EID AL-FITR

 

Ako po ay kaisa ng ating mga kababayang Muslim sa pagdiriwang ng Eid al-Fitr, isang napakamahalagang araw sa Islam na naghuhudyat sa pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.

Ang Eid al-Fitr ay isang panahon ng pasasalamat, pagkakaisa, at pagbabahagi ng biyaya sa kapwa. Ito ay mga katuruan na angkop para sa lahat, anuman ang ating relihiyon o pananampalataya.

Kasabay ng pasasalamat, dalangin ko na ang araw na ito ay magbigay-daan para sa pagkakaisa at kapayapaan ng ating bansa. Sa kabila ng pagkakawatak-watak sanhi ng mga kaganapang pampulitika, nananatili ang ating pag-asa na ang Eid al-Fitr ay magsisilbing inspirasyon para sa pagkakasundo at pagkakaunawaan ng bawat Pilipino.

Ang inyong pananampalataya at sakripisyo sa panahon ng Ramadan ay paalala sa ating lahat ng kahalagahan ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pagmamahal sa kapwa. Ipagpatuloy natin ang diwa ng Eid al-Fitr sa ating pang-araw-araw na buhay. Bilang isang bayan, tayo ay magkaisa para sa isang mas maayos na kinabukasan.

Muli, isang mapayapa at makabuluhang Eid al-Fitr sa inyong lahat. Eid Mubarak!