Hinimok ngayong araw ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang gobyerno na pag-aralan ang pagsuspinde o pagpapababa ng exise tax rates sa gasolina at iba pang produktong petrolyo upang makagaan sa pasanin ng mga motorista at ibang konsyumer sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike nitong mga nakaraang linggo.
Sa isang pahayag na iponost niya sa kanyang Twitter account na @SayChiz, binigyang-diin ng beteranong mambabatas na hindi dapat samantalahin ng gobyerno ang sitwasyon at pagkakitaan pa ito dahil lubhang apektado na sa pandemya ang buong bansa.
“Hindi dapat na kumita pa ang gobyero sa mataas na petroleum taxes na nakakabigat nang sobra sa ating mga kababayan. Magagawa at kaya nitong suspendihin o ibaba ang excise tax rates on petroleum products habang mataas pa ang presyo at ibalik na lang uli ito kapag bumaba na,” ang tweet ni Escudero.
Ginawa ng dating senador ang kanyang pahayag bilang pagsuporta sa iba’t ibang grupong konsyumer – tulad ng Laban Konsyumer – na nananawagan para sa pagsuspinde ng excise tax, lalo’t inamin mismo ng Department of Energy (DOE) nitong linggo lang na magpapabalik-balik at magpapatuloy ang oil price hike hanggang first quarter ng 2022 dahil sa kakapusan ng suplay.
Inahayag ng DOE na napakataas ng demand ngayon para sa crude oil dahil sa nagbubukas na ang maraming ekonomiya sa mundo at ito rin ang panahon na nag-iipon ng LPGs ang ibang bansa para sa panahon ng taglamig.
Sa kabila nito, iginiit ni Escudero na maaari pa ring ibaba ng gobyerno ang tax rates kung hindi nito magagawa na suspendihin nang tuluyan ang pangongolekta ng excise tax upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bilang direktang resulta ng mataas na presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.
“Dapat na epektibong ayusin agad ng gobyerno ang sitwasyon upang hindi na ito makadagdag pa ng bigat sa nahihirapan nang mga mamamayan. Mahirap na ang buhay nitong panahon ng pandemya. Huwag na sanang madagdagan pa ang bigat na nararanasan ng ating mga kababayan,” ani Escudero.