Muling ihahain ni Sorsogon Governor Chiz Escudero, kapag nahalal siya sa Senado, ang dati niyang panukala na nag-uutos sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno na pirmahan ang waiver na nagpapahintulot sa Ombudsman na matingnan ang lahat ng kanilang bank deposits at investment bonds sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Unang inihain ni Escudero ang panukala nang una siyang mahalal sa Senado noong 2007 at muli niya itong ipinasa noong 2013 sa layong pairalin ang transparency at accountability at upang malabanan ang mga nakawan at katiwalian sa buong burukrasya.
“Hindi po tayo matitinag na ihain ang panukala nang paulit-ulit at ipagtanggol ito sa plenaryo kung tayo ang pagbibigyang muli ng taumbayan na maglingkod sa Senado,” ani Escudero.
“Umaasa tayo na hindi man ngayon, darating din ang pagkakataon at panahon na magiging katangga-tanggap na ang panukala at magkaroon din ng malawakang panawagan ang mga mamamayan,” pagbibigay-diin ng beteranong mambabatas.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 16 na kanyang inihain noong senador siya, ninanais ni Escudero na gawing mandatory para sa lahat ng opisyal ng gobyero ang pagpapasa ng waiver kung saan pinapayagan nila ang Ombudsman na tingnan ang kanilang bank deposits at investments bilang pagsawata na rin sa mga nakawan at katiwalian.
“Palagi po nating sinasabi, ‘public office is a public trust.’ Sa huli’t huli, ang bawat opisyal ng gobyerno ay may pananagutan sa mga mamamayan,” ani Escudero na nilalaman din ng explanatory note sa kanyang panukala.