PARTEHAN NG BAKUNA SA BICOL, KINUWESTIYON NI CHIZ

 

Pinagpapaliwanag ni Sorsogon Governor Chiz Escudero ang Department of Health- Center for Health Development Region 5 (DOH CHD 5) kung bakit kailangang mapunta sa probinsiya ng Albay at mga siyudad ng Legazpi at Naga ang malaking bulto ng 36,800 vials ng mga bakuna na dumating sa Bicol.

Ayon sa mga balita, dinala agad sa CHD 5 Cold Room para sa inventory at storage

ang 23 kahon ng nasabing vials ng Coronavac (Sinovac vaccine) at naglaan agad ito para sa Albay nang 10,000 vials habang tig-5,000 vials naman para sa Legazpi City at Naga City.

Ang natitirang vials ay paghahatian pa ng natitirang limang probinsiya sa rehiyon.

Hindi naging katanggap-tanggap para kay Escudero ang nangyaring alokasyon dahil may napaulat din namang mga kaso ng COVID-19 maging sa kanyang pinamahahalaang probinsiya, mas kakaunti nga lamang kumpara sa ibang lokal na pamahalaan.

“I hope DOH CHD 5 can explain why 54% of the vaccine allocation is going to Albay and Naga and only 46% will be distributed to the remaining five provinces of Bicol where over 70% of the population live,” ani Escudero sa ipinost niya sa kanyang Twitter account.

Binigyang-diin niya na nagbigay ng “special allocations” ang DOH-CHD 5 para sa mga lungsod ng Naga at Legazpi, na hiwalay sa mga ibibigay sa mga probinsiya ng Albay at Camarines Sur.

“Why are they separating Naga from Camsur and Legazpi from Albay but is including all other cities in the Bicol region in their respective provinces?” tanong ni Escudero.

Ang natitirang 16,800 vials, ayon sa DOH-CHD 5, ay ipamamahagi sa iba pang limang probinsiya at ito ay ang: Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon, at sa mga island-province na Catanduanes at Masbate.