SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Tapat, makatotohanan, at komprehensibo ‘yung kanyang talumpati. Tinalakay ang maraming mahahalagang bagay na nararamdaman ng sambayanan at natuwa rin ako na inuna niya ang talumpati niya kaugnay sa agrikultura, presyo ng bigas at tinapos niya siyempre sa isyu ng POGO. Para sa akin, naging tugma din ito sa binanggit kong pananalita kaninang umaga. Dahil ang tutok ng talumpati ni Pangulong Marcos, para sa akin, ay tungkol sa pagpapabilis, pagpapagaan at pagpapadali sa pasanin sa buhay ng tao. Pagpapabilis sa transportasyon, kung saan binanggit niya ang ating mga paliparan, highway, at tulay. Pagpapagaan ng pasanin ni Juan Dela Cruz kaugnay sa presyo ng bigas, kuryente. At gayundin sa ating mga OFWs at sa mga naghahanap ng trabaho dito para sa ibang bansa. At gayundin, para sa akin, ang pagpapadali din ng pagkakaroon ng access natin sa kalusugan, at medikal na tulong. Dagdag pa rito, para sa ating mga guro at gayundin sa ating learners na 0-5 din.
QUESTION (Q): Sir, satisfied po, including po sa transition period for the POGO?
CHIZ: Para sa akin, kunin natin kung ano ang makukuha natin kaysa naman magreklamo pa’t magreklamo tayo sa isang bagay na ibinigay na nga ng Pangulo. At binati ko rin sina Senators Win at saka Risa sa kanilang walang kapaguran sa pagsulong dito sa isyung ito.
Q: About sa West Philippine Sea, Sir, your reaction dun sa emotional speech of the President.
CHIZ: Well, sang-ayon ako sa Pangulo. Importante at mahalaga na huwag nating bitiwan ang ating karapatan kaugnay sa ating pag-aari. Pero kasabay din nito, marapat na dapat gawin natin ang ating makakaya para maayos ito ng mapayapa gamit ang tinatawag nating rules-based engagement sa ating mga kapitbahay kaugnay ng pag-aari, pananaw, at paniniwala nating atin ang West Philippine Sea.
Q: Sir, remember inuna ho niya ‘yung food security sa agriculture natin. Sa tingin niyo, ano pa ang magiging kumpleto na ba o kulang pa para mas mapaangat pa ‘yong food security?
CHIZ: Well, hindi lang niya inuna, ginugulan niya mahigit sampung minuto. Binilang ko ang kanyang talumpati kaugnay sa presyo ng bigas, at sa agrikultura at iba’t ibang aspeto nito. Kabilang na ang tulong na ibibigay sa ating mga magsasaka at mangingisda. At dagdag pa dun, ang patubig na kinakailangan at napakahalaga naman talaga para sa ating mga magsasaka.
Q: Sir, you’re fully satisfied with the President’s SONA or are there things na gusto niyo sanang madinig?
CHIZ: Ulitin ko ang sinabi ko bago ko nadinig ang talumpati ng Pangulo, natuto na ako makalipas ang dalawampu’t tatlong SONA na huwag pangunahan ang talumpati ng Pangulo. Hintayin ito, pakinggan, at tulad nga ngayon ay komentaryohan ang kanyang talumpati. At gaya nang sinabi ko sa simula, tapat ang kanyang talumpati, makatotohanan ang kanyang talumpati. Bagaman masakit mismo sa gobyerno niya ang pag-amin na mataas ang presyo ng bigas, na mataas ang presyo ng bilihin, na tila may isyu tayo sa kuryente, para sa akin, komprehensibo niyang tinalakay ang bawat isyu na kinakaharap ng Pilipinas sa ngayon. Kabilang na nga, at tingin kong magiging headline, ang POGO.
Q: Ano ang reaksyon niyo na kayo ay kasama ngayon, Sir, as first bilang Senate President ngayon.
CHIZ: Well, marami akong una nitong nagdaang lingo: unang pag-attend nang pagpirma ng Pangulo, unang pag-attend ng LEDAC, unang pag-attend ng vin d’honneur, at una kong pag-attend ng SONA na nakikita kong tanawin ay ang likod ng Pangulo. Salamat.