QUESTION (Q): ‘Yung assessment niyo, so far, dito sa presentation na binibigay ni Senator (Mark) Villar dito sa Maharlika.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Marami pa rin kulang. Sa katunayan, maraming pinapanukalang amendment ang economic team, nabasa ko na iyon. Bahagi ako ng pagbalangkas nun kaya ang sabi ko magtatanong ako matapos na ang committee amendments para makita ko alin-alin nga doon ang ipinasok nya sa version ng committee at alin na lamang ang kailangan liwanagin pa. Kabilang doon ang ilang bagay sa simula ng interpelasyon ko na binigay ko at tinanong ko na, subalit hanggang ngayon ay tila wala pang tiyak na kasagutan.
Halimbawa, bakit walang termino ang buhay ng Maharlika Investment Corporation? Tinalo pa niya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na may term ‘yung kanilang existence. Pangalawa, tinanong ko rin nasaan ung tinatawag nating “test of economic viability”? Hiningi ko noong hearing na una, hiningi ko noong nag interpellate ako, binigay lamang sa akin kanina matapos kong hingin ulit at ang nakita ko ay hindi pirmadong dokumento na ang pamagat ay business proposal at hindi test of economic viability.
Klaro at maliwanag ang probisyon ng Saligang-Batas kaugnay nito, particular Article 12, Section 16 na sinasbi, bilang general rule: ang mga korporasyon sa Pilipinas dapat i-organisa sa ilalim ng isang general law tulad ng Revised Corporation Code by way of exception at ito ay dahil na rin sa karanasan natin sa napakaraming at isang damakmak na GOCCs noong panahon ni dating Pangulong Marcos.
Tandaan niyo, ang 1987 Constitution ay reaction sa panahon ng Martial Law. Ni-require ng frameworks ng Constitution ang dalawang requirements bago makapagtayo ng bagong GOCC. Una, dapat ito ay para sa “common good” at pangalawa, dapat pumasa sa tinatawag nating test of economic viability. Ito ay tinatanong ko bilang bahagi ng pagtiyak kung ito nga ay ipapasa, malalapampasan ito anumang pagsubok kung may magsasampa ng kaso sa Korte Suprema dahill tiyak ko ang test of economic viability ay iba at malayo sa business proposal. Pangalawa, ito marahil ay dapat ginagawa o ginawa ng NEDA, ng NEDA ICC, ng Department of Finance man lang o nang buong economic team at hindi ng National Treasurer lamang na ni hindi bahagi nang Maharlika Investment Corporation.
Q: Sir, na-settle na ba ang tanong niyo ukol sa ROI at saka ‘yung source of funds?
CHIZ: Ang source of funding ay nasa panukalang batas na. Magmumula sa LandBank at DBP, 75 at 25, kung hindi ako nagkakamali, at mula sa PAGCOR at mula sa dibidendo na manggagaling sa Bangko Sentral ng Pilipinas. ‘Yung balance, manggagaling na daw sa pribadong sector—dayuhan man o domestic— subalit ang tanong pa rin dun, paano ang ROI? Tama naman ang sagot ni Senator Villar noong sinabi niyang wala namang makakapag-garantiya ng ROI. Totoo ‘yon, sa isang boluntaryong namumuhunan sa isang investment. Pero iba naman ang sitwasyon nito puwersado, pinuwersa, mandatory at walang choice and LandBank at DBP na mag-invest dito. Hindi ba’t tama at marapat lamang na bigyan man lamang natin sila ng garantiya kaugnay sa kikitain ng bangko dahil ito ang isa sa dalawang kumikitang GOCC ng gobyerno? Pati ba naman ‘yun pakikialaman natin at baka magkaproblema pa sila pagdating ng panahon. So marapat lamang para mapangalagaan ang pera ng LBP at DBP bigyan sila ng garantiya ng kikitain nila kada taon. Bakit? ‘Pag bumili ng government security ang DBp at LBP para pondohan ang gastusin ng gobyerno ang kikitain nila ay 6 to 6.5 %, depende kung magkano ang offer ng Treasury. So at least pantayan man lang nila iyon, huwag naman iyong hindi kikita dahil dati na silang kumikita ng at least 6%, ‘di ba?
Kung inflation ay nasa 6% sabi ng BSP bababa ng 4%, ‘di ne-neto ang DBP at LBP ng 2%. Noong pagdinig tinanong ko na ‘yan. Bakit tayo dadaan sa mas mataas na gastusin kumpara sa umutang na lang ang gobyerno. Ang sagot, ang utang daw ay mabigat at iba kaugnay ng equity pero utang din naman ito. Bakit? Tandan niyo, kung bibigyan natin ng return na tama ang LBP at DBP, 6% ‘yun, 2% ng investible funds ay para sa overhead ng MIC 2 plus 6, 8. Inflation is at 6 % right now so kung a-add mo ‘yun, 14%. ‘Yun ang break-even ng MIC. Samantalang kung umutang na lamang ang gobyerno, nag issue ng bonds para pondohan ang tulay, para pondohan ang kalye, para pondohan ang power plant, ang babayaran niya ay 6% lamang. Hindi ‘yung katulad nito na ang hinahabol nila ay hindi bababa sa 12%.
Q: So, Sir sa dami ng concern dito sa MIF hindi ito dapat bilisan ang approval? At sa tingin ninyo, kapag binilisan ito sa dami ng hindi na-aaddress na concern, maari itong umakyat sa Korte Suprema?
CHIZ: Desisyon ng Mayorya ‘yan pero tiyak ko palaging may mag-aakyat. Hindi ako. Pero palaging may mag-aakyat ng issue ito sa Korte Suprema kaya marapat na tiyakin natin o bigyan man lang natin ng armas ang Office of the Solicitor General para mapagtanggol nya ng karapat-dapat ang panukalang ito dahil klaro ang probisyon ng Saligang-Batas kaugnay ng bagay na ito. Marahil isa ito sa mga una na GOCC na crineate sa ilalim ng bagong Saligang-Batas natin ng 1987 dahil wala akong makitang precedent kaugnay sa ano ba talaga ang test of economic viability? Sino ba ang dapat gumawa nito? Ano ba ang nilalaman nito at dahil wala pa ‘yang depinisyon, ika nga, better safe than sorry, sana ayusin na nila para kayang tayuan ng SolGen ito kung may mag kukuwestiyon man sa Korte Suprema. Tiyak ko ‘yung binigay sa akin na business proposal, hindi ‘yun papassa sa requirement ng Saligang-Batas kaugnay ng test of economic viability.
Q: Sir, puwede po, ano ‘yung test of economic viability?
CHIZ: Kung ito ay kikita ba o hindi? Dahil nga sa karanasan natin noong panahon ng Martial Law ang daming nilikhang GOCCs na lahat naman ay nalugi lamang at imbes na kumite ang sambayanang Pilipino nagkabaon-baon pa tayo sa utang. Halimbawa na lamang, isa sa nilikhang korporasyon noon ay NAPOCOR na hanggang ngayon ay binabayaran pa rin natin so ano ang naging solusyon natin doon, binenta, prinavitize ‘yung mga assets ng NAPCOR. ‘Yung NGCP, isa pa ‘yun dating pag-aari ng gobyerno, nagka baon-baon sa utang pinasyahan ng gobyerno i-privatize na lamang, ngayon gusto na namang isa-gobyerno. Dapat magpasya ang pamahalaan kaugnay sa isang polisiya na consistent, uniform at predictable para sa gayon ang mga dayuhan at local na mamumuhunan kayang gumalaw base sa tiyempo na dinadala ng pamahalaan.
Q: ‘Di ba, may disconnect dun sa the sponsor admitted na hindi mo maga-guarantee ‘yung kita and yet they are marketing MIF as if sure win kikita tayo.
CHIZ: Kaya nga hiniling ko na on the record kaya marahil andyan kayo para iwasto, ipagbigay alam at itama kung ano ang dapat i-expect ng tao dito. Sinasabi nila makakatulong daw ito sa bansa dahil makakagawa ng tulay, ng kalye, ng dam, ng school building, pati mga hospital. Ang tanong ko, ito’y korporasyon, sabi nila kikita. Asan ang kita ng gobyerno pagnagpagawa sila ng kalye? Lahat ba ng ipapagawang kalye ng MIC gamit ang MIF ay toll road? Ano ang pinagkaiba nito sa PPP kung gayon? Ito galing pa sa LBP at DBP ang pera, sa PAGCOR at BSP, samantalang ang PPP lahat galing sa pribadong sector at nooong panahon ng mga nakaraang administrasyon, pinapa-bid-out pa ito for the right to construct, so wala na ngang gastos ang gobyerno kumita pa doon sa right to construct na bid na binigay at pinag-awayan, pinagkumpetensyahan ng pribadong sector.
Q: Sir, sa Senate version, possible pa rin na mag-invest ang SSS at GSIS, hindi man mandatory pero voluntary? So anong danger doon, Sir?
CHIZ: Wala akong nakikitang danger kung pagbabasehan natin ang track record ng SSS at GSIS. Naging maganda ang investment patterns ng SSS at GSIS at, actually, ang tanging rason kung bakit nagkakaproblema minsan sa pondo ang SSS at GSIS ay dahil hindi sila sinusuportahan ng mga nagdaang administrasyon kaugnay sa pag-angat ng premium. Kaya ang nagiging source of funding National Government na naman. Kaya nga ‘yung uniform personnel natin hanggang ngayon hindi pa saklaw ng GSIS at galing sa budget ang pondo nya. Dahil hindi kakayanin ng kasalukuyang budget at actuarial position ng GSIS na i-absorb ng ganoon na lamang na may magreretiro na pero wala namang contribution na natatanggap maski na sa maikling panahon.
Q: Sir, for you po, dapat po ba na ipasa na itong Maharlika bill or you think it needs more time?
CHIZ: Hindi para sa akin ‘yun dahil may kanya-kanyang interes, time-table at gustong mangyari ang mga tao. Pero sa tagal ko sa Kongreso, isa lamang ang mapapayo ko, anumang bagay na minadali natin, hindi maganda ang kinakalabasan. Maligo ka ng mabilis, may singit ka o sulok ng katawan na hindi mo nalinisan. Bilisan mong kumain, baka maimpatso ka at sumakit ang tiyan. Bilisan mong maglakad baka madapa ka at mapatid ka. Mas maganda, maski na mabagal basta umuusad at umaabante at mas sigurado tayo. Hindi man perpekto, hindi man imposibleng walang magkuwesityon at least mas may laban kung ito ay maipapasa ng may sapat na pag-aaral. Subalit sabi ko nga, may mga timetable ang admistrasyon, sin-certify nila ito, may mga timetable ang ilan sa mga kongresista at senador, sa dulo pagbobotohan naman yan. Walang tama, walang mali. Basta may boto ng Mayoriya, sa demokrasya, ‘yun naman palagi ang masusunod.
Q: Pero Sir, kung kayo sa ganitong klaseng version acceptable ba ito, Sir?
CHIZ: Kaya nga hinihintay ko na ipasok yung proposed committee amendments mula sa economic team. Kaya hindi muna ako nag interpellate ng mahaba dhail kung mapapasok lahat yun, mababawasan na rin ang katanungan ko at kaunting issue na lamang ang kailangan nilang tugunan at sagutin. Pero nadagdagan pa noong nakita ko na iyong business proposal na hindi naman test of economic viability. Kailangan nilang linisan at ayusin yun, ang problema, timebound un. Pag ito ay pumasa base doon sa business proposal na sinabmit at iyon ang basehan ng Kongreso, hindi mo na pwedeng i-correct ‘yan, magkaroon man ng test of economic viability pagkatapos itong pagbotohan. Dahil ang requirement ng Saligang-Batas, bago maglikha ng bagong GOCC ang Kongreso dapat andun muna na makapasa sa test of economic viability. Kung itong test of economic viability ay lumabas pagkatapos ito aprubahan at pagbotohan dinagdagan mo na naman ng rason at kuwestiyon ang nais magkuwestiyon nitong batas na ito.
Q: So Sir, you would vote against it kapag hindi makapagpakita ng test of economic viability?
CHIZ: Actually, I don’t know yet. I have yet to decide until I see the final version and until these questions, these queries which the Constitution and the law require are satisfied.
Q: But if they will not deliver kung anuman ang hinihingi niyo na amendments or clarifications, what would you vote?
CHIZ: Timbang ‘yun. Wala namang batas na perpekto. So kailangan mong timbangin ‘yung benepisyo ba, ‘yung advantage ba, far outweigh the disadvantage and the ill-effects. Kada batas naman na pinagbobotohan ng kada senador, ‘yun naman ang batayan at basehan niya. Hindi siguro tamang batayan din na dapat perpekto, sobrang linis walang gusot man lang kahit kaunit. Madalas ang mga batas na pinapasa namin may kaunting gusot at hindi perpekto pero sa karamihan at sa mga nakakarami dapat makakabuti sa bansa.
Q: Sir, ano po napag-usapan sa caucus kanina?
CHIZ: Ewan ko. Nandito ako, hindi pa ko umaakyat.
Q: Sir, ‘yung mga issues that you’ve raised mase-settle ba ‘yun within three days na natitira sa session?
CHIZ: I don’t know I can only speak for myself. And I’d rather give way to the Minority Leader and the members of the Minority because they have not yet had the chance to interpellate on this bill for various reasons. In fact, last week I interpellated simply because nobody was ready to interpellate and I said I cannot interpellate based on the proposed amendments that are yet to be accepted. Kasi tanong ako ng tanong, sayang naman ang oras tatagal pa, papasok naman pala sa committee amendments, ‘di saying naman ang laway naming dalawa
Q: Sir, gaano ba kaimportante na maihabol ‘yan sa SONA? Bakit minamadaling maihabol sa SONA?
CHIZ: Well, ang tanunin mo ‘yung nag-certify. Ang tanungin niyo, ‘yung nagmamadali. Dahil wala akong nakikitang rason para madaliin ito dahil wala naman tayong pagkakataon na malalampasan mula ngayong hanggang sa pag-resume muli ng Kongreso sa Hulyo. Wala namang golden opportunity na dapat sakyan na agad ngayon mismo, ora-orada na malalampasan natin kapagka hindi ito ipinasa bago kami muling mag-resume.
Q: So Sir, kahit certified as urgent it doesn’t mean na dapat magpa-pressure ang leadership ng Senate na i-approve ito immediately?
CHIZ: That is up to him and I cannot speak for the Senate President. All certified measures are clearly, not only through body language, clearly part of the administration’s priority. Kaya nga sinertify niya, so bilang kaalyado ng Pangulo ang Senate President, ang Speaker bahagi ng trabaho bilang lider ng magkabilang Kamara ang syempre isulong at ipukpok ‘yan.
Q: Sir, sa inyo Sir, there is no reason for urgency?
CHIZ: Sa akin, hindi ko nakikita maliban sa mga salitang binitiwan na dapat magkatotoo.
Q: Sir, bakit wala ka sa caucus?
CHIZ: Nandito nga kasi ako, paakyat pa lang ako.
Q: Sir, 2 o’clock ‘yun.
CHIZ: Uy si Joel nga kakaakyat lang. Bakit ako mauuna sa Majority Leader doon, ‘di magsisimula ‘yun ng wala pa siya.
Q: Pressure from the Palace to pass this?
CHIZ: Walang kumakausap sa akin mula sa Palasyo.
Q: And sa leadership, wala din? But the SP (Senate President) has his pronouncements na target na ipasa last week actually
CHIZ: Lahat naman tayo may pangarap at ambisyon sa buhay. Huwag natin ialis sa kanya ‘yung pangarap at ambisyon nya at ‘yung pangarap at ambisyon naman ng Minoriya kaugnay sa hindi pagpatuloy nito. Kanya-kanyang ambisyon at pangarap ‘yan. Galangin na lang natin ang kani-kanilang pangarap.
Q: Sir, according to Senator Koko, it is unconstitutional ‘yung pag-certify as urgent dahil wala naman daw pong popular. Do you share the same views?
CHIZ: That is a slippery slope for me because the provision of the Constitution is vague enough to include almost everything. The current economic difficulties being faced by the country can be said to be, to comprised that already. Ngayon kaya nga siguro ang press release dito sa MIC at MIF para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa COVID na sabihin nating hindi maka-classify as national emergency ‘yung pagbagsak ng ekonomiya natin dahil sa COVID at ung unti-unti nating muling pagbangon at maipagpatuloy ang pagbangon. Hindi ako nakahandang sabihin na hindi emergency ‘yun. Pero ‘yung sinasabi kong hinahabol mula Wednesday hanggang July 24, ‘yun ang hindi ko alam puwede namang ipasa ito ng July o ng August. Tingin ko wala namang mawawala, urgent pa rin naman siya dahil mabilis pa rin namang naitalakay. Kung saka-sakali mula ng simula itong talakayin ito sa Senado anim na buwan lamang para ipasa. Na sa isang importante, mahalaga at napakalaking panukalang mabilis na iyon kung titignan natin ang track record at history ng legislative mill.
Q: Sir, pero if it seeks an emergency situation bakit years ang sinasabi nila bago ma-realize ‘yung fruits ng MIF?
CHIZ: Hindi nila tinatanggap pa iyon, iyon lang ang tingin ng mas nakararami. Sabi nila magandang i-create ito ngayon para makapag invest tayo sa stocks habang bagsak pa kasi bagsak pa ngayone. Tama naman ‘yun. Pero ang problema mo kung bagsak ‘yun hihintayin mo munang tumaas ‘yun bago mo, bago kumita na kailangan mo pang ibenta ngayon. Gawing cash bago magastos sa gusto mong proyektong gastusan. So may proseso pa ‘yun at ang cycle usually ng stock market kung ‘yun ang pagbabasehan natin 3 hanggang 7 taon ang cycle nyan. Tataas-bababa, tataas-bababa kailangan maliwanag kailan ka bebenta, kailan ka bibili. Ang basic rule doon buy low, sell high at puwede mong gawin ng paulit-ulit ‘yan sa parehong stock sa loob ng isang taon.
Q: Sir, other issues. Sir napanood nyo na ang viral video ni Senator Padilla? Any reaction doon regarding observing proper decorum?
CHIZ: Wala sa rules ng Senado na hindi niya puwedeng gawin ang ginawa niya. Walang nagsasabing bawal ‘yun. Ang pagkakaiba lang siguro, hindi pa siguro sanay si Senator Padilla na 24/7 na may kamerang posibleng nakatutok sa yo dahil sa dati nyang trabaho sanay siya na merong action at cut. Pero bilang public servant, asahan niyo na, na palaging may cellphone o camera na malamang nakatutok sa kanya na pwedeng gamitin laban sa kanya. Pero sa ilalim ng rules ng Senado, wala siyang particular na nilabag kaugnay sa video na iyon. Marami lang siguro na hindi nakagusto, pero walang particular na rule na nagsasabing nilabag niya at hindi ayon sa decorum ng Senado iyon.
Q: Sir, merong observation na maraming mga senador na hindi nago-observe ng proper decorum especially during committee hearings May mga nagmumura. Sa session meron ding medyo unparliamentary, being a veteran senator ano ang mga dapat reminders?
CHIZ: Look out ng presiding officer ‘yun. Ang dapat nagmementina ng order at decorum sa pagdinig man o sa session ng Senado o ng Kongreso ay ang presiding officer. Minsan naman talaga tao lang nadadala, nakakalimot pero obligasyon ng presiding officer panatalihin ang decorum at order sa anumang pagdinig o session ng Senado. So, karamihan ng mga chairman ay bakitan naman na at hindi na kailangang paalalahanan. Marahil kinakausap nila pagkatapos ng hearing para naman hindi, ika nga, mapagsabihan sa publiko pero tiyak ko na obligasyon ‘yan ng presiding officer at hindi ng individual na mga myembro. Dahil sa tindi issue minsan nakadadala naman ng emosyon.
Q: Pero Sir, ‘di ba dapat prepared lalo na kung tatayo sa session hall?
CHIZ: Mula pa noong grade one tayo dapat naman well prepared tayo pero madalas tinatawag tayo ng teacher hindi tayo makasagot, ‘di ba? Ganoon lang talaga siguro minsan handa, minsan hindi. Sa tagal ko sa Kongreso, hindi ko puwedeng sabihin na lahat ng magagaling ay palaging hand, minsan hindi rin handa ang mga magagaling. Lahat ng sinasabi nila, ika nga, na hindi magaling hindi rin naman palaging hindi handa, madalas mas handa sila. Mas matagal ang ilan sa inyo kaysa sa akin dito, nakakita na kayo tiyak ko napahiya sa debate noong baguhan, ‘yung mas matagal na at mas mataas ang pinag-aralan so wala ‘yun doon.
Q: Sir, kung mabibigyan ng authority ‘yung MIC to identify mega-infrastructure projects and allocate funds for it, hindi po ba ‘yun nag encroach sa constitutional mandate ng Congress?
CHIZ: No, because MIF and MIC is considered a GOCC. In fact, Congress should say “thank you” at least hindi na sya burden sa GAA, hindi siya burden sa budget at iyong perang kukunin hindi na manggagaling kakaunting pinag-aawayan at pinaghahatian sa Kongreso.
Q: But ‘yung scrutiny daw po during budget deliberation?
CHIZ: I think Senator Koko might just be acting overzealously when it comes to that because the opposite is far worse for me. Kung hayaan mong pakialaman ng Kongreso, Senado man o Kamara, ang mga investments ng Maharlika, ‘di ba mas nakakatakot ‘yun? Ang dulo niyan, ang i-investan niyan, puro interes ng mga pulitko at mambabatas. Mas gugustuhin at mas pipiliin ko, minimal ang partisipasyon at impluwensya ng Kongreso sa mga investments ng Maharlika kaysa bigyan natin ng kapangyarihang pakialaman at diktahan yan ng Kamara man o ng Senado. Baligtad ang tingin ko doon, hindi ako sumasang-ayon doon dahil may COA naman, subject pa rin sila sa COA. Hindi tinatanggal ng Maharlika Bill ang kapangyarihan ng Kongreso na mag-imbestiga, patawag sila, manghingi ng dokumento sa ngalan ng accountability and transparency, at sampahan ng kaso ang sinumang umabuso at lumabag sa batas.
CHIZ: May sabihin ako sa NGCP. ‘Yung panawagan para ibalik ng NGCP—ang sinasabing sobrang singil o maling singil—para sa akin, mali ang audience na kinakausap. Ang dapat hilingan ng paliwanag at panawagan ay dapat naka address sa ERC. Lahat ng amount na nakalagay sa bill ninyo—sa electric bill nating lahat—lahat ‘yan dumaan at pinayagan ng ERC. At inamin mismo ng ERC sa pagdinig na pinayagan nila ung pagsingil ng NGCP sa mga proyektong ginagawa pa lamang at hindi tapos. Kung kailangang bumawi, mag-review o mag-correct, hindi NGCP ‘yun kundi ERC. Ang NGCP ay isang pribabong kumpany, negosyo ‘yan. Huwag mo silang pulaan kung gusto nilang kumita. Siyempre pinanganak ang pribadong kumpanya para kumita. Pinanganak at nilikha ang mga regulatory agency tulad ng ERC na bantayan at tiyakin na walang pang-aabusong ginagawa sa mercado ang pribadong sektor. Trabaho ng ERC, at ang panawagan marapat ibato sa ERC dahil ang puwedeng gumawa ng solusyon dito ERC din. At nangyari ito dahil pinayagan ng ERC so ang magadang tanungin baket pinayagan ng ERC na mangingil ang NGCP sa mga proyektong hindi pa naman tapos at pinapakinabangan ng mga consumers.
Q: Sir, ano hahabulin sa ERC? Should we file charges?
CHIZ: Anyone can file a complaint or a petition for the ERC. Hindi naman ganoon kaistrikto ang requirement of standing sa pagsampa o hain ng kaso sa ERC that you are a consumer, lahat naman tayo consumer. Siguro ang requirement lang, nakapangalan sa iyo ang electric bill mo hindi ‘yung anak mong katorse anyos o disisais anyos. Sinumang may bill na binabayaran at nakapangalan sa kanya ang bill, maaaring magsampa ng kaso o petisyon sa ERC.
Q: Puwede bang motu propio?
CHIZ: Puwede ding motu propio. May kapangyarihan din ang ERC para diyan tulad ng sinabi ko. Ang marapat na inuutusan, tinitignan, tinatanong ang ERC dahil pinayagan nila ‘yan bago ‘yan nagawa ng NGCP.
Q: Sir, so tingin nyo dapat gawin na ng ERC without waiting for—
CHIZ: Doon sa hearing, sinabi nila pinayagan nila ‘yan. Marapat at the very least, ewan ko kung hiniling sa ERC don sa hearing na i-review nila ang polisiyang iyan at motu proprio for them to look at it.
Q: Hiniling pero parang minor instruction, parang statement lang, dapat bang formal?
CHIZ: Formal o puwede rin sinong miyembro ng senado na may gusto, maaring maghain ng petisyon sa ERC.
Q: ‘Yung move ba ‘yan ng ERC may batas ba—
CHIZ: Hindi ko alam. Sa ilalim ng batas, sa ilalim ng EPIRA, basta ang alam ko ang klaro walang puwedeng singilin at ang pribadong kumpanya, hindi yan magbabalik ng pera kung hindi uutusan ng ERC o ng Korte. Naalala nyo ang Meralco? Ilang beses na bang pinabalik ang Meralco, pinag-refund ang MERALCO sa ating consumers dito sa Metro Manila. Ilang beses na bang may electric cooperative sa probinsya inutusan ng ERC na mag refund sa sobrang singil. Nangyayari naman iyon at binabalik at may paraan naman para bumalik kasi kada buwan tayo may binabayaran. So kada buwan huhulugan lamang ‘yun. Ang balik hindi cash, ibabawas lang sa bill kada buwan.
Q: Pero Sir, puwede niyo ba tignan kung may kutsabahan ang ERC at NGCP para payagan nga ang ganoong collection in advance.
CHIZ: Kung iyon ang tutukan ng pagdinig pero tila ang tutok ng pagdinig ay laban lamang sa NGCP at parang extra lang ang ERC doon para sa kin, ang ERC ang dapat na bida sa pelikula o hearing na iyon. Dahil gaya ng sinabi ko walang malalagay sa bill natin, walang sobrang singil na makakalusot, unless pinalusot at pinayagan un ng ERC.
Q: Sir, member ka ng committee?
CHIZ: Oo.
Q: So, a-attend ka na sa next hearing to stress that point?
CHIZ: ‘Pag may time kasi may hearing din akong iba.