PRESS BRIEFING

 

SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): (inaudible) ang Senado kaugnay sa paghiling na ipagpaliban ang modernization program at dahil sa naging reaksyon ng ilang sektor at grupo. Minabuti kong pulungin ang grupong Magnificent 7—plus one, plus two, plus three, BUSSINA—kaugnay ng kanilang posisyon kaugnay nito para maipaliwanag din ang posisyon ng Senado. At sinabi ko nga sa kanila, ang layunin namin ipagpaliban ito sa mga hindi pa handa, sa mga hindi pa tapos ‘yung route plan, sa mga hindi pa nakukumbinsi ng gobyerno. Hindi nila dapat ipagbawal o ideklarang kolorum itong mga rutang ito na hindi pa nagko-comply. Otsenta y tres porsyento na ang nag-comply. Sila’y bahagi ng grupong 83 porsyetang nag-comply, hindi ito dapat ma-postpone, hindi ito ang layunin naming gawin na i-postpone ito. Magpatuloy lamang dapat ito.

Pero doon sa nananatiling humigit kumulang labing anim na porsyento, ‘yan ang tinitingnan namin kung papaano sila makukumbinsi, ma-e-engganyo at mahihikayat na sumama sa modernization nang hindi nagtatakutan, nag-iipitan at naggigirian. Kaya pupupulungin ko rin ‘yung nag-sa-strike yata ngayon, ang grupong Manibela at Piston para madinig din ang kanilang hinaing para mapagtugma ‘yung mga pangangailangan nila kaugnay ng programa.

Maliwanag sa posisyon ng Senado, hindi kami tutol sa modernisasyon, ito’y dapat gawin lamang ng tama, maayos at nang may sapat na tulong sa bawat grupo na nag-consolidate—tsuper at operator. ‘Yun ‘yung dahilan ng mahaba naming usapan kanina dahil nga hindi naman perpekto yung programa. Sila’y sumunod sa gobyerno, sumang-ayon sa patakaran ng gobyerno pero marami pa rin pagkukulang na dapat punuan. Bagay na tatalakayin ko rin kay Sec. Bautista sa lalong madaling panahon.

ROBERTO MARTIN (RM): Una po sa lahat, ang aming taos-pusong pasasalamat. Ang Magnificent 7, ang Pasang Masda, ang LTOP, ACTO, STOP AND GO, UV EXPRESS. Taos-puso po ang pasasalamat namin kay SP Chiz at naliwanagan po namin ‘yung suspension. Hindi ho “suspension” kundi ipagpapatuloy namin ang nakiisa na at tumaya sa programa—ang programang modernization ng ating pamahalaan. At tama rin po ang ating kagalang-galang na senador sapagkat ‘yung mga hindi nakakaintindi ay kailangan na po siguro sa dalawang grupo na iyon at mapaliwanagan ng husto para maunawaan nilang lubos kung ano ang programang ito at dapat siguro’y makiisa narin sila sa magandang layunin ng ating pamahalaan.

‘Yung amin pong ugnayan kay SP Chiz ay napakaganda at nagkaroon po ng pagliliwanag sa aming lahat na hindi po suspensiyon sapagkat nagkaroon po kami ng damdamin na sinususpindi. Hindi ho pala. Ipagpapatuloy namin ang nauna na kaming tumaya at ‘yung mga hindi tumaya ay kailangang paliwanagan lamang ng ating kagawarang DOTR at ng ating Pangulo ng Senado, kakausapin niya ‘yung dalawang grupo para lubos pa nilang maunawaan kung ano pa ang dapat nilang gawin at ituturo naman po ng ating kagalang-galang na Pangulo ng Senado, Chiz Escudero.

CHIZ: Suspension dun sa labing-anim na porsyento ang aming sinasabi sa resolusyon dahil trabaho ng gobyerno, hindi naman automatic na ipagbawal, ideklarang kolorum, bigyan ng deadline o anuman. Trabaho ng gobyernong akayin ang hindi sumasabay o sumasama sa programa niya at paliwanagan, pagpasensiyahan at hikayatin. At ‘yan ang layunin at gagawin namin, pero pansamantala, hindi naman puwedeng automatic lumayas ka rito, hindi ka na puwede at bawal ka na. ‘Yun ang layunin ng resolusyon na ipinasa natin at ipinaliwanag ‘yun sa kanila.

QUESTION (Q): SP, walang effect ‘yung reso sa kanila? Sa 83%?

CHIZ: Wala naman, hindi naman talaga yun ang intensiyon dahil malumanay, suwabe at smooth na tumatakbo yun. Bagaman may mga problemang natalakay kami at susubukan din namin hanapan ng solusyon at paraan ‘yon para maging suwabe pa yung implementasyon nung programa as to them.

Q: May we know kung ano ‘yung mga hiccups nung mga nag-consolidate?

CHIZ: May ilan, una ‘yung route plan hindi pa naman talaga nasasapinal sa bawat ruta. Pangalawa, hindi pa nila lubusang kino-consolidate ‘yung route plan kaugnay sa pamasaheng sinisingil sangayon sa LTFRB para tiyakin na ‘yung bayarin nila sa in-order nilang modernized jeep ay matustusan nila base dun sa ruta at base dun sa pinayagan nilang pamasahe doon sa ruta. Hindi pa rin naisasapinal ng DOTR ‘yung mga bayad dun sa mga lumang jeep na pandagdag, pag-ambag na sana nila dun sa downpayment sa mga modernong jeepney. At pangatlo, yung paghahanap ng sapat at tamang financing mula sa government o private bank man para maging abot-kaya ‘yung buwanang hulog nila na sa ilang pagkakataon ay hindi makatotohanan ay sobrang bigat, ika nga, sa bulsa.

Q: SP, itong specific meeting, kayo po ang nag-invite?

CHIZ: Yes. Nabasa ko sa diyaryo na nananawagan silang makipagpulong kaya pina-text ko agad si Ka Obet na mag-set ng meeting sa kanila dahil ang paniniwala ko naman mula’t mula hindi lang nagkaunawaan kaugnay sa intensiyon ng resolusyon kaya malakas din ang loob o na harapin sila sa araw na ito.

Q: SP, may we know kung kailan ‘yung meeting niyo with Manibela?

CHIZ: Hopefully, ma-set ko within this week or next week, either dito o sa labas. Malamang dito na.

Q: Na-invite na po ba sila?

CHIZ: Nasabihan ko na.

Q: Confirmed na po, SP?

CHIZ: Schedule na lang ang kailangan. Pero, hopefully, by next week ma-set ko ‘yun. after that si Sec. Bautista naman ang kakausapin ko kaugnay sa bagay na ito.