ORLY TRINIDAD (OT): Kasama sa pagdinig ng Senado kanina sa kanilang imbestigasyon sa paglubog ng MT Princess Empress malapit sa Mindoro Oriental. At sa ating linya si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero. Sir, magandang gabi po sa inyo. Si Orly Trinidad ito sa DZBB.
SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Orly, magandang gabi sa iyo, sa ating tagapakinig magandang gabi sa inyong lahat.
OT: Nabatid niyo na ho ba na mayroon ho palang certificate of public convenience pala itong RDC at maging yung lumubog na barkong MT Princess?
CHIZ: Well, liwanagin natin Orly, ‘yung kumpanya mayroong certificate of public convenience pero kailangan pa rin ng lisensya ng kada barkong lumalayog lang. Itong partikular nalubog na barko wala pa nga—hindi pa namin (inaudible) ang kanilang CPC para maisama sa kanilang certificate of public convenience. Wala rin provisional license o permit ito galing sa MARINA.
OT: So itong pinakita sa mga mamamahayag ng Philippine Coast Guard, marahil ito ‘yung hindi pa sabi niyo nga ay hindi pa nare-renew.
CHIZ: Well, ‘yung kumpanya mayroon. ‘Yung barkong lumubog kasi, Orly, binili lang ‘yan noong Nobyembre. Nobyembre lang dumating ‘yan.
OT: So wala talaga.
CHIZ: Nag-apply sila noong Nobyembre pero may kulang na dokumento at sinubmit nila noong Disyembre. Bagaman hindi pa lumalabas yung amendment sa kanilang CPC para maisama itong barkong ito; pinalayag na nila ‘yan. At pag-amin ng may-ari nga pang-siyam na biyahe na pala ito ng barkong walang permit o walang lisensya.
OT: Umamin din pala iyung may-ari, ano po? Kasi ito nakita ko ito nandito ‘yung CPC ng RDC Reield Marine Services Incorporated. Ito malinaw po itong pinakita ho rito na certificate of public convenience. Pero ito pong patungkol sa barko ‘yung sinasabi natin hindi malinaw kung ito’y hinahanap ng mga senador tulad po ninyo sa pagdinig ho kanina. Paliwanag po ng MARINA maging nung may-ari wala talagang lisensya o hindi properly documented ‘yung barkong MT Princess Empress.
CHIZ: Tama po kayo. Ang tanong dito Orly, kinailangan palaging magpalusot sa mga pribadong sektor ika nga kung lulusot; lulusot palagi ang tanong ko bakit nakakalusot sa mga ahensiya ng pamahalaan? Ba’t hindi nag-uusap ang Coast Guard at MARINA? Dapat naman siguro alam na agad ng Coast Guard may listahan sila, may checklist sila ng mga binigyan na ng lisensya at permit ng MARINA para makita nila yung barko at wala sa listahan nila tapos na agad ang kuwentuhan. Hindi iyon papayagan lumayag.
OT: Senador, ito ho ay galing kay Admiral Balilo so tingin niyo dapat bang i-verify po ito sa susunod na pagdinig itong lumabas at inihabol sa balitaan ngayong gabing ito?
CHIZ: Well, ang inaasahan namin ay aaksyunan ng Philippine Coast Guard. Orly, ano bang nagpapabulag sa isang tao kung hindi naman siya talaga pinanganak o nabulag mula noong pinanganak? Isa lang naman nagpapabulag, Orly, tumataginting, sinag at liwanag ng salapi. Hindi naman ganoon kadaling—kahirap makita kung mayroon ka ngang lisensya o wala, ‘di ba? Nasa checklist ng Coast Guard ‘yan. Ano ngayon yung magbubugso sa isang tao na lumingon sa kabilang banda magbalik mata tumingin sa kabilang banda imbes makita yung tumataginting na kawalan ng lisensya at permit ng barko para pahintulutan na ito ay lumayag. Hindi lang isang beses, siyam na beses Orly.
OT: Sabagay alam niyo naman ako ipinanganak akong mabait kaya mayroon pa rin akong iniisip na.
CHIZ: Hindi naman nangangahulugan Orly na hindi ako mabait. Pero ang tanong ko hindi naman siguro nangyari.
OT: Biro lang, oo. Anyway.
CHIZ: Kung dalawang beses nangyari sige. Pero siyam na beses silang hindi tinignan at nilapitan.
OT: Tama po may punto kayo diyan. Kaya nga parang ang tingin tuloy ng iba rito ay ito ‘yung sinasabi ho talaga na aksidente o pangyayari na bound to happen dahil na rin sa ilang mga dapat siguro malaman natin tulad nitong paglalayag na ganito na wala pa lang karapat-dapat o pinanghahawakang mga dokumento.
CHIZ: Baliktad-baliktad yung tingin ko, Orly. Ang tingin ko, hindi ito aksidenteng mangyayari’t mangyayari. Binigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon ng siyam na beses para mapigilang mangyari ito.
OT: Yan pa, ‘yan pa oo.
CHIZ: Siyam na beses binigo natin yung pagkakataon at nangyari na nga ‘yung aksidente.
OT: Alright. Anong maaaring kahinatnan nito sa tingin ninyo lalo’t lalo na may ano pa kayo—mayroon pa kayong susunod na mga pagdinig ukol dito?
CHIZ: Well, pasimulan natin sa dapat paigtingin ang koordinasyon ng Marine at Coast Guard. Pangalawa, panagutin sa pamamagitan man lamang simulan nila sa preventive suspension kung sino man lahat ng in charge sa pag-iinspeksyon ng mga puerto o port kung saan naglayag o kung saan magmulang maglayag itong barkong ito ng siyam na beses dahil walang dahilan na hindi nila makikita kung mayroon man at payagan nila ng wala naman itong paglalayag ng barkong ito. Pangatlo, pagtitiyak mula sa kinatawan ng insurance company na wala po dun sa hearing kanina. Ano nga ba ang batayan at rules nila para magbayad? Para malaman natin may aasahan ba tayo dito sa sinasabing isang bilyong dolyar na insurance baka mamaya drawing lamang ‘yan.
OT: Baka kung ito’y hindi sumasang-ayon, sumusunod sa mga tamang documentation, baka kaduda-duda rin siguro yung insurance nito sa tingin ninyo, Senador?
CHIZ: Well, alam mo ang insurance company maghahanap palagi ng dahilan ‘yan para huwag magbayad. Sa katunayan, Orly, may probisyon sa batas na kapag ka ang may kasalanan o mapapatunayang may kasalanan ang pamahalaan sa paglubog ng isang barko na naging sanhi ng polusyon dahil sa kargada ng barko pwede nga ring maabswelto pa ‘yung may-ari sa mas magandang tanong. Ano ang pananagutan ngayon ng mga opisyal ng pamahalaan na nagpabaya na hindi ginawa ‘yung trabaho nila para maabswelto ‘yung may-ari nung barkong lumubog?
OT: OK. Ito pa ‘yung isa sa mga napansin at naging reaksyon din marahil nung mga nanood at nakapakinig ng inyong hearing yung napakabagal na pagkilos. Pati ‘yung dapat ay pagkakataon na makausap ‘yung mga local government officials parang noong una ay mukhang aligaga sila at kung kailan talagang nangangailangan na talaga at nakarating na sa media at saka sila ngayong nagkukumahog sa dapat nilang kausapin na mga local official. ‘Yung ganoon dapat na gawin o asta ng mga ship owner ‘yon ang lagi nating napapansin ‘pag may mga trahedya sa karagatan, Senador?
CHIZ: Alam mo, Orly, hindi puwedeng maituro sa eskwelahan o paaralan ang malasakit sa kapwa. ‘Yan ay galing talaga sa puso dapat. Hindi ko pipintasan yung mga may-ari dahil siguro may pangamba at takot din sila na baka kuyugin sila doon sa lokalidad pero babalikan ko ang pamahalaan pa rin. Ang pagtugon nila ang dapat bigyan natin ng pansin dahil obligasyon nila. Kaya nga tayo nagbabayad ng buwis. Pinakinggan ko at dumudugo ang puso ko sa mga hinaing ni Governor Humerito Dolor dahil minsan din naman ako naging gobernador, Orly, at tinamaan din kami ng kalamidad sa pamamagitan ng malakas na bagyo noong 2019 at sa awa ng Diyos, Orly, hanggang ngayon iyong aming hinihingi na tulong mula sa NDRRMC mula sa ODC, awa ng Diyos mahigit tatlong taon na hanggang ngayon hindi pa rin naibibigay. Iyong mga bahay na natumba, na nasira, totally or partially damaged man aba’t nakatayo na ngayon. Baka pagpunta nila baka sabihin pa nila binubudol budol namin sila kasi sinabi naming sira pero nakatayo na pala.
OT: Mayroon na silang sariling—
CHIZ: Alangan namang tumanga na lang ang tao doon at hindi ipagawa ang bahay niya at nganganga na lang kakahintay sa kanila. Kaya nga sabi ko pabilisin and ODC, NDRRMC ang kanilang pag process ng mga papeles. Mahigit Php30-B ang pondo nila sa pamamagitan ng Calamity Fund, Orly. Ito ay nasasayang lamang at humigit kumulang kalahati nababalik lamang sa national treasury at sa loob ng dalawang taon hindi nila nagagastos pa.
OT: Speaking of Governor Dolor, nakausap din namin siya kahapon, Senador. Isa rin sa kanyang medyo ikinasasama ng loob sa marina at sa coast guard ay iyong panawagan nila na iyong mga ganyang mga malalaking barko at lalo na iyang mga tanker na naglalaman ng mga industrial fuel, mga langis ay huwag nang padaanin malapit doon sa kanila lalo na doon malapit sa tinatawag na Verde Island Passage na tinaguriang biodiversity. Ito ho ba ay sa panahon na rin na puwedeng tingnan na rin ng Marina?
CHIZ: Tama ang appeal niya. Marina at Coast Guard dapat dahil ang nagtatalaga ng sea lanes natin ay ang marina at ang coast guard. Siguro nga kung magpapabaya lamang ang Marina at Coast Guard sa pagtitiyak na lisensiyado at may permit ang mga barkong naglalayag ay iiwas na nila sa mga lugar na may resources. Ilayo na nila, para kapag magkaroon man ng sakuna dahil sa kapabayaan man nila o tunay na aksidente ay hindi gaano maapektuhan an gating mga mangingisda at ang ating tourist sites and destination.
OT: OK. Tama nga rin naman at may punto rin naman. Isa rin paraan rin naman para maprotektahan iyong ating mga itinuturing na likas na yaman at isa rin sa mga pinupuntahan ng mga turista.
CHIZ: Well, ang tanong lamang naman diyan Orly, may kasabihan nga sa Mathematics o sa Geometry: the shortest distance between two points is a straight line. Ang tanong, gaano kalayo ba ang iikot o iiwas diyan? Pangalawa, may iba pa bang dadaanan kung iiwasan iyan?
OT: May binabanggit naman siya na- sa kabila siguro iyon ng Mindoro—sabagay kung pagmamasdan ang mapa napakakitid naman siguro para dumaan ang malalaking barko diyan sa may Verde Island mismo.
CHIZ: Pero, Orly, hindi palagi iyan, not in my backyard syndrome. Ilipat mo man iyan sa ibang lugar papalag naman iyong ibang probinsya.
OT: Sabagay, iyong ibang probinsya naman lalo na sa may tuktok na bahagi ng Palawan ang kanilang maaaring daanan.
CHIZ: So, Solomonic ang kailangang solusyon diyan mula sa pamahalaan para mapagpantay pantay at mapagbangga bangga nila ang interes para mahanap ang pinakamagandang solusyon sa problemang ito.
OT: OK, speaking of solusyon ang nabanggit ba ng RDC ang solusyon nila sa mabilis na pagkuha ng mga nagkalat na langis sa karagatang iyan ng Mindoro Oriental?
CHIZ: Ayon sa kanila, hindi nila kaya kasi maliit silang kumpanya kaya hiniling nila ang tulong ng pamahalaan at ng bansang Japan dahil sila yata ang may kagamitan at expertise para isara iyong nabutas na gilid ng barko kung saan lumalabas ang langis at mapigilan pa ang karagdagang damage. Pangalawa, wala rin tayong teknolohiya o kagamitan para i-retrieve, ihango mula sa 400 meters na pagkakalubog ng barko itong napakalaking tanker na ito at hindi pa natin alam kung magkano ang gagastusin para magawa ‘yan.
OT: Hindi na ako magtataka kung pagkatapos ng lahat ng ito’y kaliwa’t kanang kaso ang tatanggapin nitong RDC, Senador sa pangyayaring ‘yan.
CHIZ: Kung nakakagulat. Ang tanong ay kung may mapapala ba ‘yong nagkakaso dahil limitado sa asset at ari-arian at pera ng kompanya lamang ang puwedeng mahabol noong mga nagke-claim ng danyos. Hindi na po kayang i-claim ‘yan labas sa ari-arian ng kompanya. Ika nga ‘yong personal na bahay n’ong pamilya ng may-ari, hindi na puwedeng habulin ‘yan kung saka-sakali, Orly.
OT: Alright. Anyways, so uulitin ko ‘yong una kong tanong kanina, sa tingin niyo magandang talakayin sa susunod na hearing po ninyong itong sinasabing sabagay ‘di ko na makita rito nakalagay na certificate of public convenience para sa mismong sa barko nakikita ko lang dito sa RDC ‘yung kompanya mismo Senador.
CHIZ: Hiniling ko na ang datus mula sa kompanya mismo sa RDC, sa Marina at sa Coast Guard dahil dapat may checklist sila. Makita pa nga lang ‘yong pangalan ng barko dapat alam na nila kung mayroon o wala ‘yon. Hindi na kailangang humingi pa ng papeles mula kanino pa.
OT: Tama rin naman. Anyways sige po, Senador, maraming-maraming salamat po sa inyong pagbahagi ng ilan sa mga pangyayari po kanina at ilan ding gusto nating malaman. Siya nga pala, ito pang huli na lamang iyong maaari naman sigurong idaan pa siguro sa pamamagitan ng pagbalangkas ng batas ng mga Senador para sa mga kinakailangan nating kagamitan sa mga ganitong uri ng trahedya. Kakayanin pa ho kaya talaga ito ng ating pamahalaan, Senador?
CHIZ: Well, binigyan naming ng budget ang Philippine Coast Guard na P1.3 billion pero ayon sa Coast Guard mismo kanina at nakita ko na rin ‘yan n’ong pinag-uusapan ‘yong budget kulang-kulang 88 porsyento o 88 percent ng Php1.3-B na budget ng Coast Guard na pupunta sa suweldo ng permanente at kontraktwal nilang empleyado. Kakaunti na lamang ‘yong naiiwan bilang capital outlay nila at MOE nila. Kaya nga nagreklamo si Governor Dolor kanina, hindi ba? May kukuning pondo sana sa clean-up mula sa Marina ang kumuha pa ay ang Coast Guard para ma-reimburse ‘yong kanilang gastos imbes naibigay sana ‘yan sa local government.
OT: Sa nagki-clean up, para sa paglilinis. Anyway, siguro baka puwedeng ano ewan ko lang kung- iniisip ko kasi ‘yong remotely operated vehicle binabanggit pa lang natin Php1.3-B ubos na sa pasuweldo pa lang Senador so maaring mas mataas pa rito ng halos triple ang kinakailangan para magkaroon ng ganoong kagamitan.
CHIZ: Well, tama po kayo at hindi naman puwedeng isa lang dahil tayo’y 7,100 islands, Orly.
OT: Tama ‘yon.
CHIZ: Depende kung saan mangyari ‘yan ‘pag (inaudible) sa Maynila ‘yan aabutin ‘yan ng ilang araw, ilang linggo bago makarating at ‘pag dating ng panahong ‘yon baka naman lahat ng kargamentong langis ay na off-deck.
OT: Alright. Naku, Senador maraming-maraming salamat at ako’y natutuwa’t nagkausap tayo bagama’t hindi ko kayo nakikita feeling ko habang ika’y nagsasalita may ngiti sa iyong mga labi sa oras na ito.
CHIZ: Miss na rin kita kung ‘yan ang gusto mong sabihin.
OT: Hindi naman. Basta happy ako para sa’yo. Thank you po sa inyo Sir. Salamat. Si Senator —
CHIZ: Thank you at magandang gabi po.
OT: Si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero ang inyo pong napakinggan mga Kapuso.