SA INTERNATIONAL HUMAN RIGHTS DAY

 

Ngayong araw, tayo’y nakikiisa sa global community sa pagdiriwang ng International Human Rights Day na idineklara ng United Nations (UN) na may temang “EQUALITY: Reducing Inequalities, Advancing Human Rights.”

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang lumagda sa Universal Declaration on Human Rights na pinagtibay ng UN General Assembly noong 1948. Dahil dito, ang bansa ay namamanata na ikakampeon sa lahat ng pagkakataon ang di-maitatatwang karapatan ng bawat tao “nang walang ano mang uri ng pagtatangi, gaya ng lahi, kulay, kasarian, wika, relihiyon, kuro-kurong pampulitika o iba pa, pinagmulang bansa o lipunan, ari-arian, kapanganakan o iba pang katayuan.”

Bilang gobernador ng Sorsogon, ang aking administrasyon ay palagi at patuloy na isinusulong ang karapatang sibil at politikal ng lahat ng mga Sorsoganon. Kaya tayo’y nagsusumikap na mabigyan sila ng pamumunong bukas at walang itinatago, ng mabuting pamamahala, at ng tunay na serbisyo publiko kasabay ng pagpapaunlad ng kalidad ng kanilang pamumuhay at kagalingan.

Bilang isang mambatas mula noong 1998, naging parte ng aking agenda ang pagpasa ng ilang batas na nag-abante sa promosyon ng karapatang pantao. Sa Senado, habang ako chairman ng Committee on Justice and Human Rights, namalas ng bansa ang pagsasabatas ng mga importanteng panukala na nagbigay ng proteksiyong panlipunan at pantao sa mga mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga ito ang Anti-Vagrancy Law (Republic Act 10158), Anti-Torture Act (RA 9745), Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act (RA 10353), na kauna-unahang batas sa “deceparidos” sa Asia na nagpaparusa ng pagkabilanggo sa krimen ng enforced disappearance, at Human Rights Victims and Recognition Act of 2013 (RA 10368), na kinilala ang mga kabayanihan at sakripisyo ng mga biktima ng pagpatay, tortyur, involuntary disappearance, at ibang mga karumal-dumal na paglabag sa karapatang pantao sa buong panahon ng pag-iral ng Martial Law sa bansa.

Bilang isang lingkod-bayan, parating nasa aking isip, salita, at gawa ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagkalos sa di-pagkakapantay-pantay at pagsulong ng karapatang pantao.

Isang pagkakataon ang okasyon ngayong araw na lalo nating pag-alabin ang ating panata bilang isang bansa sa pagtataguyod ng karapatang pantao ng ating mga kababayan.

Mabuhay ang Karapatang Pantao!