SA TOTOO LANG

 

MANNY MOGATO (MM): Para makakuha tayo ng kanyang saloobin tungkol sa ating binabalita, makakasama natin si Senator Chiz Escudero. Good evening po, Senator.

ANGELA CASTRO (AC): Good evening, Senator.

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Ganoon din magandang gabi sa inyong tatlo. At sa ating mga tagasubaybay at tagapakinig, magandang gabi po.

CHIQUI VERGEL (CV): Good evening.

MM: Unang-una, Senator, bakit po kayo hindi nakaboto sa Maharlika Fund parang nawala kayo?

CHIZ: Akala ko pagbobotohan kinaumagahan pinaabot pala nila ng madaling araw.

CV: Ay Senator, sundot na lang din ako sa question ni Tito Manny at kung nandoon po kayo yes, no or abstain po ba?

CHIZ: Well, sasagutin ko nga sana na, no man abstain o hindi nakaboto ang bilang nun pareho hindi ‘yon pabor sa bill. Kung nandoon man ako kung hindi nila binago at sinubmit ‘yung test of economic viability na hanggang nang pinasa nila hindi nila sinubmit, malamang ay hindi ko sasang-ayunan dahil nagsalita na ako sa plenaryo bago pa man nagsimula ang amendment at hinihiling ko lamang na isumite ‘yon dahil sa pagmamadali nila ang binigay nila ‘yung business proposal hindi naman test of economic viability na hinihiling ng ating Saligang-Batas.

MM: Senator, paano sa inyo naklaro ba ‘yung mga, para saan gagamitin itong MIF?

CHIZ: Hindi. Mananatiling bukas ang MIF para i-invest sa securities, sa stocks pero puwede rin i-invest daw sa kalye at sa tulay. Ang tanong ko, paano kikita ‘yung MIF, MIC kapag ka nagpagawa sila ng tulay? Kailan ang balik nun para sa Landbank at DBP na sa ngayon kumikita ng average 7% kada taon sa mga investment nila sa stocks at sa bonds so anong bawi nun? At akala ko ba papalaguin natin ‘yung MIF para makatulong sa gobyerno? ‘Yung investment sa kalye paano siya kikita? Toll road lang ba ang gagawin nila? Ginagawa na ‘yon ng private sector wala pang lumabas na pera mula sa gobyerno, sa Landbank o sa DBP. Bakit pa natin kukumpitensyahin ang private sector?

MM: Tama po. Pero Senator, kayo ho ba ay agree kay Senator Koko Pimentel na i-veto na lang ni Pangulong Marcos dahil magulo ata ang bersyon ng MIF?

CHIZ: Well, desisyon ng Pangulo ‘yan kaya nga may separation of power sa pagitan ng Executive, Legislative, at Judiciary. Kung hindi sang-ayon ang Pangulo, puwede niyang i-veto, kung sang-ayon siya puwede siyang pumirma o kung ayaw niyang ilagay ‘yung pangalan niya pero gusto niya ‘yung batas puwede niyang ipa-lapse into law ‘yan. May pagkakaiba lamang, hindi puwedeng mag-line item dito ang pangulo dito. Hindi ito tulad ng Tax Law, (inaudible), hindi ito tulad ng General Appropriations Act na puwedeng mag-line item dito ang Pangulo. Ibig sabihin, puwede siyang pumili ng section na ivi-veto niya. Itong MIC, MIF Bill take it or leave it, in toto,  sa kabuuan.

MM: All or nothing?

CHIZ: All or nothing tama ka, Manny.

CV: Senator, si Chiqui Vergel po ito.

CHIZ: Hi, Chiqui.

CV: Mayroon kayong na-mention po na “conflicting duplicity” may mga maling entries? Ano po ito dun sa provisions po ba ito ng Kongreso?

CHIZ: Well, tanong lamang ‘yan ng isang reporter sa akin dahil nakita nila hanggang ngayon hindi ko pa nakikita ‘yung final version; kung ano ‘yung inaprubahan nila noong madaling araw wala pang na-print kinaumagahan. May nakita silang probisyon sa dulo kaugnay ng penal clause na magkasunod na probisyon na nagsasabi na ang prescriptive period ng criminal act sa ilalim ng isang krimen sa ilalim ng panukalang batas ay twenty years. Tapos ‘yung kasunod na probisyon ang prescriptive period ng offense sa ilalim ng panukalang batas ay ten years naman. So ‘yung isa, twenty years, ‘yung isa, ten years, ‘’yung isa, crime, ‘yung isa, offense.

Abogado ako pero sana may magturo sa akin ng kaibahan ng dalawang ‘yan kaugnay sa parehong act na pinaparusahan sa iisang batas dahil kung nung first-year law ako, ituturo sa akin ang krimen ay ‘yung mga pinaparusahan sa Revised Penal Code. Ang offense, ‘yon ‘yung generically used noon ay pinaparusahan sa isang hiwalay na batas pero ito ginamit sa parehong terminolohiya pero magkaibang prescriptive period. Ika nga, ‘yon ‘yung sinasabi ko nung nagtalumpati ako bago nag-amendment, huwag natin masyadong madaliin kasi ‘pag nagmamadali tayo maglakad baka madapa tayo. Magmadali tayong kumain baka maimpatso tayo. Magmadali tayong maligo baka may hindi tayo makuskos sa sulok ng katawan natin.

MM: So ibig sabihin, talagang minadali itong batas na ito, Senator, dahil ang gulo?

CHIZ: Oo tsaka nang tinanong ‘yung mga boboto pabor dito ang sagot nila, baka malugi ito. Ang sagot ay hindi long-term ang investment nito. Hindi pa naman ngayon ito. Kung long-term pala ito hindi pa ngayon ay bakit natin minadali?

CV: Correct! Good point!

AC: Good point naman. Senator, this is Angela po.

CHIZ: Hi, Angela.

AC: Gusto ko lang din po itanong kasi para dun sa mga, let’s just say, kunwari ang scenario natin ay napirmahan na po ito ni Pangulong Bongbong Marcos dun sa mga hindi po nag-a-agree dito sa Maharlika Investment Fund, ano po ‘yung maaaring gawin nila because ang sabi po I think nabanggit ni Senator Koko Pimentel puwedeng itaas sa Supreme Court? Ang sabi naman po ni Congressman Lagman, medyo mahihirapan doon pero ang maaaring remedy would be amendment na lang so what would be the best step na puwedeng gawin?

CHIZ: May kapangyarihan ang Kongreso na i-improve ang batas pero kung ‘yung amendment na ipapanukala ay ika nga killer amendment malamang hindi ‘yan papasa dahil hawak pa rin ng administrasyon ang mayorya sa Senado at sa Kongreso. Pangalawa, kaugnay ng paghain ng kaso sa Korte Suprema, bilang tax payer mayroong standing ang sinumang Pilipino na maghain ng petisyon sa Korte Suprema na ina-alleged na lumabag ito sa Saligang-Batas o hindi sumunod sa itinakdang proseso tulad ng sinasabi ni Senator Pimentel.

MM: Pero Senator, dapat ay maisabatas mo na ito bago mag-file sa Supreme Court.

AC: Oo.

CHIZ: Well, tama ka Manny. Sa pagkakaalam ko kailangan may enrolled bill muna ibig sabihin napirmahan ng speaker dahil dun nanggaling ‘yung bill. Pipirmahan ng Senate President ibabalik sa Speaker dahil dun nga nanggaling ‘yung bill. Ipapadala sa Malacanang at may tatlumpong araw ang president para pirmahan, i-veto, o ipa-lapse in to law ang bill na sinubmit sa kaniya. Kapag pinirmahan niya ‘yan lalabas na naman sa Malacañang, ipi-print sa official gazette o sa newspaper of general circulation makalipas ang dalawang linggo doon pa lang magiging ganap na batas ‘yan.

MM: At doon pa lang puwedeng mag-file ng kaso.

CHIZ: Opo. Dahil hindi pa naman pwedeng kuwestiyunin ang isang bill dahil hindi pa naman tapos ang proseso.

MM: So matagal pa pala ito.

CV: Oo. Senator, doon sa mga pro sa bill na ito ay sinasabi, nagpa-panic lang kayo, dapat give it a chance. Actually, si Senator Migz Zubiri said give it a chance, ‘no. Sinabi din ni, may nagsabi din na ‘yong sa Maharlika Investment Fund sa Landbank, 3 percent daw ang total available na investible fund ng MIF pero ‘yong investible fund actually na available doon sa Landbank 3 percent lang ang ilalagay sa MIF pero ang total investible sa kanila ay Php1-T. So Php50-B lang daw ang i-invest. So maliit lang naman daw ito. So, people are just panicking, wala namang mangyayari pa sa Landbank.

CHIZ: Ang tanong kasi, hindi naman kuwestiyon kung ilang porsyento sa kabuuan ang i-invest ng Landbank. Ang Php50-B, ayaw mo ba ng Php50-B? Malaking pera ba ang Php50-B o maliit? Hindi naman kuwestiyon ‘yung porsyento doon sa kabuuan. Piso man ‘yan na nakawin o mawala o maitapon o mabalewala basta pondo at kaban ng bayan galing, sayang pa rin lalo pa siguro kung Php50-B. Ang issue siguro ay kung inayos sana ng maayos, kung binigyan sana ng sapat napahon. Siguro isa sa mga agam-agam nitong may mga duda ay mapapawi ang kanilang duda kung binigyan lang ng sapat na pagkakataon nga na tugunan, sagutin, ipaliwanag at iwasto ‘yong mga pinupuntong pagkukulang o pagkakamali ng batas.

MM: Senador, isa pang tanong ‘yung ano ho bang epekto dahil ‘yong BSP raw ay mag-i-invest din. Kaya ba ng BSP?

CHIZ: ‘Yon ang isang issue na tinanong ko noong committee hearing. Ang BSP sa pagkakaalala ko ay Php200-B ang authorized capital stock hindi pa ito fully-paid nilagakan lang ‘yan ng gobyerno ng simula Php20-B tapos sabi nil amula sa kita ng BSP manggagaling para ma-fully paid ‘yang authorized capital stock ng Bangko Sentral. Pero imbes na gamitin nila ‘yung kita nila tulad ng ginagawa nila sa nagdaang taon kinuha pa at ipinapalagay sa Maharlika. Gayundin sa PAGCOR. Gayundin sa Landbank at DBP. Ang tanong ko nga magkano ang garantisadong kitang ibabalik natin sa BSP, sa Landbank at DBP dahil kung bumili sila ng bonds na in-issue ng gobyerno kikita sila ng 6 hangang 6.5 porsyento. So siguro naman dapat igarantiya natin na kikita sila ng 6 to 6.5 percent sa perang nilagay nila d’yan kada taon. Ang sagot sa akin ay investment ito, hindi ka naman puwedeng makasiguro na sigurado kang panalo. May talo ka, may panalo ka at hindi sigurado. Sabi ko totoo ‘yan, kung malaya silang nagpasya at nagdesisyon na maglagay ng pera diyan nagkamali sila, ‘di pagbayaran nila. Ang problema pinuwersa natin, minandato natin na mag-invest sa takdang halaga ang Landbank at DBP at ang BSP, wala silang choice. ‘Di ba tama lang na bigyan natin sila ng garantisadong kita dahil hindi naman natin sila pinakinggan, hindi naman natin sila pinagpasya ng malaya kung mag-i-invest nga ba sila dito o hindi.

MM: Well, tama ho ba sabi ni Sec. Diokno na 8.5 percent ang kanilang interest para sa MIF?

CHIZ: Wala pong nakalagay na ganoon sa batas. Sa computation nila, tama ‘yon pero—sabi nila 8.5 daw ang kikitain ng MIF kada taon. Tinanong ko rin ‘to sa kanila. 8.5 base sa mga projection nila, sa mga stocks daw ang problema ko rito sige 8.5, ang problema ‘yung Landbank at DBP kung babayaran na nila 6 to 6.5 percent na ‘yon gawin na nating 6 percent. So ibalik niyo sa Landbank at DBP ‘yong in-invest nila at pakitain niyo sila ng 6 percent, ‘di ba. Mayroong overhead na 2 percent na gastusin para sa overhead ng MIC. So, 8 percent na ‘yon, idagdag mo ang inflation na nasa 6 percent, sabi nila 4 percent lang ‘yan next year. O sige 4 percent, 6 plus 2 plus 4 ‘di 12 percent. Kung 8.5 percent lang ang kikitain nila, ‘di lugi pa sila.

MM: ‘Yon po ba ay tax free, Senador?

CHIZ: Hindi na. Isa ‘yan sa mga probisyon na nilagay nila. Pangalawa, kung mag-utang ang gobyerno, mag-issue ng bonds nasa 6.5 percent lang kung umutang ka ng Php100-B o Php50-B ‘yong kinuha nila sa Landbank 6.5 percent lang ang babayaran nila, dito factor in ang inflation, factor in din ‘yong kita mo sanang dapat binibigay sa Landbank at DBP plus ‘yong overhead mas mahal pa ‘to kaysa manghiram ka nalang sa pamamagitan ng pag-issue ng bonds. So, para ka lang nakakuha ng pera sa mas mahal na interest.

CV: Senator Chiz, one quick question with one quick answer. Since nag-mention na po kayo ng mga porsyento, percentage po na maging batas po ito? Chance.

CHIZ: Malaki ang porsyento sa pagkakaalam ko, dahil anumang maliit na diperensiya mayroon ito, puwede namang tugunan sa pamamagitan ng amendment ‘yong sinasabi ni Congressman Lagman o sa pamamagitan ng pagpasa ng isang joint resolution para hindi naman obvious na kapapasa lang namin inaamyendahan na agad naming bilang pag-amin na may pagkakamali. Magandang paraan siguro ‘yong joint resolution. Ang epekto naman nito ay parang batas din.

MM: Maraming salamat po, Senador, sa inyong oras at pagbabahagi sa amin ng inyong saloobin. Thank you po.

AC: Thank you.

CV: Salamat po.

CHIZ: Maraming salamat din po. Magandang gabi sa inyong lahat at mag-iingat sana ang bawat isa. Maraming salamat din sa ating listeners. Good evening.