SENATE PLENARY SESSION

 

SENATOR JOEL VILLANUEVA (JV): Mr. President, our distinguished colleague from the great province of Sorsogon, Senator Chiz Escudero is also seeking the floor. I move that he be recognized, Mr. President.

SENATE PRESIDENT JUAN MIGUEL ZUBIRI (JMZ): Yes, Senator Chiz Escudero, our distinguished colleague, is recognized.

SENATOR CHIZ ESCUDERO (CHIZ): Thank you, Mr. President. Thank you, Majority Floor Leader. Ginoong Pangulo, itinuturing at tinatawag kong lolo si Eddie Garcia dahil nagmula siya sa lalawigan ng Sorsogon. He’s actually a granduncle of mine. Ang pelikulang Pilipino ay bahagi na ng ating kultura at haligi ng lipunan natin dito sa ating bansa. Hindi dahil nagbibigay ito ng aliw, hindi lamang dahil nagbibigay ito ng pampalipas oras para maalis sa ating isipan ang mga problema kinakaharap natin. Pero higit pa, ang pelikulang Pilipino ay nagbibigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan na magpunyagi, gumalaw, kumilos, mangarap, at sana marating ang mga pangarap na ‘yon sa hindi malayong hinaharap.

G. Pangulo, kinakailangan ng isang Eddie Garcia, para mabigyang atensyon ang mga taong nasa likod ng kamera. Para mabigyang pansin ang mga taong hindi nasisilayan ng ilaw ng kamera tuwing gumagawa ng pelikula dito sa ating bansa. Ang kanyang pinagdaanan, tunay na nakakalungkot at hindi inaasahan. Subalit marahil itinadhana talaga ng Diyos ‘yon para mabigyang pansin ang matagal nang hindi nabibigyan ng pansin tulad na lamang ng mga manggagawa sa likod ng kamera.

G. Pangulo, hindi lamang artista, hindi lamang producer, hindi lamang direktor ang bumubuo ng pelikulang Pilipino. Higit pa roon at mas marami sa kanila, mas maaga pa silang nandoon sa set. Unang dumadating, huling umaalis. Nararapat lamang na sila ay bigyang pansin at panahon sa pamamagitan ng panukalang batas na ito. Upang maging buo at ganap na ang atensyong binibigay natin sa pelikulang Pilipino.

Sa pagpasa ng panukalang batas na ito kulang pa ang puwedeng magawa ng Kongreso at ng pamahalaan. Kinakailangan na higit pa ng pelikulang Pilipino ang suporta ng pamahalaan. Sa ibang bansa, malawak, marami, at malaki ang suportang binibigay ng kanilang pamahalaan upang masuportahan ang industriyang ito. Ito ay unang hakbang lamang at inaasahan ko sa mga darating na panahon mas may mabibigay pa tayong malaki, totoo, at tunay na suporta upang maiakay at muling makabangon sa dati niyang kinakalagyan ang pelikulang Pilipino dito sa ating bansa.

Maraming salamat, G. Pangulo. Maraming salamat, Majority Leader.

JMZ: Maraming salamat, Senator Chiz Escudero.