STRAIGHT TO THE POINT

 

ALJO BENDIJO (AB): Hello, Senator Escudero. Good morning.

SENATE PRESIDENT FRANCIS ‘CHIZ’ G. ESCUDERO (CHIZ): Aljo, magandang umaga sa iyo at sa lahat ng ating taga-subaybay. Good morning.

AB: Kumusta po, Sir? Kumusta Senator Chiz?

CHIZ: OK lang po.

AB: OK. Ito na pasensya na po at itatanong ko lang po ito sa inyo.

CHIZ: Hindi lang kita makita, Aljo.

AB: Nagkakaproblema tayo tignan mo nga hindi raw tayo nakikita. Pero naririnig niyo kami?

CHIZ: Naririnig ko kayo.

AB: OK, pero nandiyan na po kayo nakikita ko na kayo. Ayan na po, Senator Chiz. Opo may mga agam-agam pa rin na dahil daw nagkaroon ng pagpapalit ng liderato diyan sa Senado ay dahil nagpapatuloy daw itong investigation ng “PDEA Leaks”. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit ho biglang na pinatalsik ‘di umano si Senador Migz Zubiri. Sir, go ahead po.

CHIZ: Sagutin ko ng diretso kung yun talaga ang dahilan bakit si Senate President Zubiri pa ‘yung pinalitan namin, may boto naman pala kami para tanggalin si Senator Bato bilang chairman ng kumite. ‘Di sana si Chairman Senator Bato na lang ang tinanggal namin. Pangalawa, kung ‘yan ang dahilan bakit sumabay sa boto sa pagbabago ng liderato si Senator Bato?

Ultimately, Aljo, ang rason at dahilan ay iisa lamang, sa lahat ng pagpapalit sa Senado kakulangan at kawalan ng kumpiyansa ng Mayorya sa nakaupong liderato o Senate President ng Senado. ‘Yun lamang ang nag-iisa at bukod tanging dahilan palagi tuwing nagkakaroon ng pagpapalit ng liderato sa Senado. ‘Yung indibidwal na mga dahilan kanya-kanyang haka-haka na ‘yan pero personal ‘yan sa kada miyembro.

AB: So hindi na bago, ika nga, diyan sa Senado ‘yung pagpapalit ng liderato ninyo?

CHIZ: Lalong-lalo na, Aljo, sabay kami pumasok sa Kongreso ni Senate President Zubiri noong 1998. ‘Yan ang kauna-unahan at kaisa-isang Kongreso na nagkaroon ng tatlong Speaker sa loob ng tatlong taon.  So hindi ito bago sa amin.

AB: Patay na ho ba ang Charter Change sa Senado, Senate President Chiz?

CHIZ: Tutol ako dito maliwanag ‘yun pero hindi naman primus inter pares o first among equals ang tingin ko sa sarili ko. Mayorya pa rin ng mga senador ang magpapasya at, sa tingin ko, sa ngayon Aljo mayorya ng senador ay hindi payag sa Cha-Cha.

AB: Opo. Hindi na po matutuloy ang pagsusulong ng Charter Change sa Senado?

CHIZ: Well, ‘yung RBH 6 hindi magpapatuloy ‘yan sa ngayon dahil nagbitiw si Senator Angara bilang chairman ng subcommittee at hindi pa namin siya pinapalitan o napapalitan. So wala talagang pagdinig na magaganap ngayong recess sa kawalan ng chairman.

AB: Opo. Kayo ho ba ay nag-usap na po ni Senator Zubiri? Kayo ba’y magkaibigan at hindi magkaaway?

CHIZ: Hindi ko itinuturing na kaaway si Senate President Zubiri at nagkausap na po kami matapos lamang ng botohan noong sumunod na araw at sumunod pa na araw bago kami nag-recess ay nagkausap kami. Sa katunayan, Aljo, pinaupo ko pa nga siya para mag-preside ng Senado sa pagpasa ng isang mahalagang panukalang batas kaugnay ng Procurement Law dahil siya naman talaga ‘yung nag-shepherd ng bill na ito hanggang ito ay ma-approve on second and third reading.

AB: Opo. Ano po aasahan naming ng taumbayan na ngayon po ay kayo na ang bagong Senate President dito po sa mga isinusulong na kaagad ay maisabatas na ng administrasyong Marcos Jr., Senator Escudero?

CHIZ: Well, bubuo ang Senado, Aljo, ng sarili nitong Senate agenda na binubuo, hindi lamang ng priority measures ng administrasyon sa LEDAC, kundi pati na rin ‘yung priority measures ng indibidwal na senador at ng Senado bilang institusyon. Bubuuin ito ng priority measures ng Kamara at indibidwal na priority measures ng mga miyembro ng Kamara. Babalangkasin namin ito, bubuuin namin ito, para magkaroon ng isang Senate agenda para matalakay namin ito at makapili alin nga ba ang uunahin namin. Hindi naman kami superhero na mapapasa lahat ‘yan, so kinakailangan piliin kung ano ang bibigyan at bubuhusan namin ng oras na tinitiyak na hindi po mangyayari ‘yung nangyayari noong nagdaan. Nag-bicam na, aprubado na, binawi pa. Enrolled bill na, tapos na binawi pa. Buong ingat namin gagawin ito sa pinakamabilis na paraan ng hindi ito minamadali.

AB: Lulusot na yata sa Kongreso itong RTL amendment ng ilang provision ng Rice Tariffication Law. Ano po ang kahihinatnan po niyan sa Senado?

CHIZ: Nagkasundo na po si Pangulong Marcos at si Senator Villar. Nagkausap po sila sa isang hapunan na okasyon na inimbitahan po ng Palasyo ang Senado at mga miyembro ng Senado. At ayon kay Senator Villar ay nagkasundo po sila sa probisyon na noong una’y tinututulan ng Senado.

AB: How about itong CREATE Law? May mga ia-amend ba tayo, may mga provisions dito po sa CREATE Law na ito?

CHIZ: Ayon kay Senator Win Gatchalian, na hindi naman naming pinalitan bilang chairman ng Ways and Means Committee, matatapos na ‘yung committee report ngayong recess at inaasahan kong maipa-file na ‘yan sa plenaryo para pagdebatihan at aprubahan pag-resume ng Kongreso sa SONA ng presidente.

AB: Mayroon ding mga sampu yatang LEDAC bills pending po in Malacanang at umaasa po ‘yan na maaprubahan sa inyo pong leadership sa Senado.

CHIZ: Well, ang tingin ko po diyan ginagamit ‘yan bilang pagbatikos sa nagdaang administrasyon ni Senate President Zubiri. Ang tingin ko po diyan ay hindi sampu lang ang naaprubahan. Sampu na ang naaprubahan sobra kalahati o kalahati ang kailangang aprubahan. So kalahati ‘yan, halos kalahati naman na then ang termino nito ng Kongreso. So at least, kalahati na lang ang kailangang gawin ng kasalukuyang Kongreso.

AB: Pumalag po ngayon ang Pilipinas, ipinatupad na apat na buwang unilateral fishing ban sa South China Sea kung saan kabilang na ang ilang bahagi ng West Philippine Sea at mayroon yata tayong panibagong petisyon na idudulog ng DFA para kuwestiyunin itong pangha-harass ng China sa atin. Reaksyon niyo po diyan, Senate President Chiz?

CHIZ: Dapat lang naman talagang palagan ‘yan ng Department of Foreign Affairs pero sa dinami-dami ng diplomatic protest natin nire-record lamang naman niyan ‘yung pag-object at hindi natin pagpayag. Umaasa ako na higit pa rito sa ilalim nito, sa likod nito ay nagkakaroon ng makabuluhang diyalogo at usapan para maiwasan anumang paglala ng sitwasyon na dumating sa puntong magkakaputukan at sisiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. Nasa Saligang-Batas pa rin natin na tinatakwil ng Pilipinas ang giyera bilang instrument ng foreign policy at dapat ubusin natin ang lahat ng puwersa at effort para maresolbahan ito sa mapayapang paraan. At sa ngayon, diyalogo lamang naman ang puwedeng makagawa nito at hindi paulit-ulit lamang na protesta na wala namang pag-uusap na ginagawa sa likod ng mga pagprotestang ito.

AB: Maiba ako, Senador. Senate President Escudero, kayo ba ay lilipat na sa bagong building daw this year?

CHIZ: Hindi kakayanin, Aljo, ayon sa mga unang ulat na pinarating sa atin ng mga opisyal ng Senado. Hindi kakayanin this year. Baka hindi pa kayanin hanggang sa pagsasara ng Third Regular Session ng Kongreso sa 2025. Hindi namin ito mamadaliin. Lilipat kami kapag talagang handing-handa na upang hindi maantala ang serbisyong binibigay ng Senado sa ating mga kababayan. Sa linggong ito pa lamang ko imi-meet ‘yung mga nagplano, arkitekto, interior designer, ‘yung iba’t ibang opisina kung sapat na ba lahat ng pangangailangan nila at ‘yung contractor kung kailan ba talaga nila matatapos ‘yan dahil iba’t ibang kuwento ang naririnig ko mula sa iba’t ibang tao.

AB: Balikan ko lang po itong isyu po with Senator Zubiri. Mayroon daw nabuo ngayong “Solid 7”, separate group in Majority. Ano pong reaksyon niyo diyan sa pangunguna ni Senador Zubiri?

CHIZ: Karapatan nila ‘yan. Ginagalang ko palagi si Senate President Zubiri na kasamahan ko nga, gaya ng sabi ko noong 1998. Pero bilang tagapangulo ng Senado, paumanhin, pero ang tingin ko sa Senado ay walang 7 walang 14 walang 15 walang 2 na minority. Ang tingin ko sa Senado ay iisang Senado na binubuo ng 24 na miyembro, Majority o Minority man, solid man o hindi solid pito man o walo o sampu o labing-apat o labing-lima. Iisa lang ang tingin ko sa bawat isa at tatratuhin ko ng pantay ang bawat isa.

AB: Opo. Pero maitanong ko lang po, talaga bang pangarap niyo na makuha ‘yang puwestong ‘yan bilang Senate President, Senator Chiz?

CHIZ: Sa totoo lang, hindi. Kahit sino tanungin mo sa aking mga kasamahan, hindi Pinagpasyahan ko lang ito noong nagdaang lingo, pero kailanman, hindi naging plano ito. Hindi ko plinano ito noong ako’y nasa Kamara man na maging Speaker. Labingdalawang taon na ako sa Senado, nakadalawang termino ako bago ako muling bumalik, ni minsan hindi ko rin pinangarap ito, Aljo.

AB: Opo. May mga agam-agam din baka puwedeng diktahan ng Malacanang ang Senado. Go ahead po, ano po ang reaksyon niyo diyan?

CHIZ: Unfair ‘yan, Aljo. Tatayuan ko palagi yan at nalulungkot ako na ang balita ay nanggagaling sa ilang miyembro ng Senado. Nung nag-Senate President si Senate President Zubiri, kaming lahat bumoto man sa kanya o hindi tinayuan na independent ang Senado at ang Senado ang pumili sa kanya. Unfair comment na sinasabi porke’t hindi na siya ay tuta na bigla ng Palasyo. Hindi yata tama ‘yun na sariling miyembro naming, kung saka-sakali. ang sumisira at sisira sa institusyon mismo. At sa pagdaloy ng panahon, sa paglipas ng mga araw. Aljo, makikita at mapapatunayan naman na siguro namin ‘yan na hindi kailangan makipag-away o makipaglaban sa Malacanang o sa Palasyo dahil tumatayo naman talaga sa tradisyon at kasaysayan sa sariling paa ang Senado.

AB: May mga lumalabas din mga, alam niyo, mga maritess ho, Senador, sinasabi nila ito maganda ito sini-shake up diyan sa Senado ito na ‘yung magiging way ni Senador Chiz na tatakbo bilang presidente sa susunod na eleksyon.

CHIZ: Sinubukan ko na tumakbo bilang bise-presidente noon, Aljo, kalaban ko pa si Pangulong Marcos noong siya ay tumakbo bilang bise din at natalo na ako doon. Aljo, hanggang doon na lang ‘yun. Hindi na para sa akin na pangarapin pa ‘yung mas mataas pa sa ngayon at pangalawa 114 na milyon na ang Pilipino maraming mas magaling  at mas kayang gawin ang trabahong ito kumpara sa akin, kung saka-sakali.

AB: OK. Pangkalahatang mensahe na lang po Senate President Escudero sa atin pong mga tagapakinig at nanonood po sa atin ngayon diyan po sa inyong bagong posisyon bilang Senate President ng Republika ng Pilipinas. Go ahead po.

CHIZ: Well, pasasalamat at paghingi ng pagkakataon sa ating mga kababayan ang hinihiling ko para pagsilbihan kayo ng tapat ng inyong Senado, hindi lamang ng inyong lingkod bilang Senate President pero ng buong Senado. Sa mga susunod na araw, lingo, o buwan ito ay makikita ninyo, hindi lang naming ipapakita pero makikita po ninyo ang intension ng Senado at ang trabahong gagawin ng Senado para po sa bawat isa sa inyo. Sa muli Aljo, maraming salamat.

AB: May pahabol ho Senador isa lang. Ano raw ang stand mo sa Divorce Bill?

CHIZ: ‘Yung nakita kong bersyon ng Kamara, hindi ako sang-ayon dun. Tutol ako dun. May mga amendments ako na kung matatanggap maaaring tignan kong muli pero sa kasalukuyang bersyon ng Divorce Bill ng Kamara, hindi po ako sang-ayon dun.

AB: Maraming salamat, Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero. Good morning.

CHIZ: Salamat po. Good morning.